Inday TrendingInday Trending
Isang Hidwaan ang Namamagitan sa Kanilang Mag-ama; Ano ang Makakapag-ayos ng Relasyon Nilang May Lamat?

Isang Hidwaan ang Namamagitan sa Kanilang Mag-ama; Ano ang Makakapag-ayos ng Relasyon Nilang May Lamat?

Pababa pa lang siya ng bus ay natanaw niya na ang kaniyang ina at kapatid. Nag-abang pala ang mga ito sa terminal ng bus.

“Joseph, anak! Nandito ka na, sa wakas!” masayang bulalas ng kaniya ina habang ang kapatid naman niya ay agad siyang sinubok ng yakap na mahigpit.

“Kuya! Miss na miss kita! Bakit ba kasi ang tagal-tagal mong umuwi rito?” may bahid ng tampo nitong pagtatanong.

“Sorry na. Abala kasi ako sa pag-aaral at pagtatrabaho, kaya wala akong oras. Hayaan mo’t babawi ako sa’yo,” pangako niya.

Isang matamis na ngiti ang natamo niya mula sa kapatid.

Nilapitan niya naman ang ina pagkatapos para magmano at yakapin ito. Ramdam na ramdam niya ang pananabik nito na makita siya.

Hindi rin niya ito masisisi dahil maging siya ay ganoon ang nararamdaman. Halos limang taon din silang hindi nagkita sa personal. Kapag may libreng oras, sinisigurado niya naman na makausap ang mga ito sa telepono kahit saglit, pero iba pa rin kapag personal mong nakikita ang mga mahal mo sa buhay.

“’Nay, si Tatay po, nasaan?” tanong niya habang lumilinga-linga sa paligid.

Agad na nabura ang ngiti sa labi nito.

“Hindi sumama, anak. Hayaan mo na’t alam mo naman na ayaw na ayaw n’un nagpupunta sa mataong lugar,” sagot nito.

Ngunit alam niya ang totoo. Alam niyang hindi lang nito masabi sa kaniya ang tunay na dahilan, sa takot na masaktan siya kaya siya na mismo ang naglakas loob na nagtanong.

“Galit pa rin po ba siya?” diretsa niyang tanong.

Hindi sumagot ang kaniyang ina, kaya alam niyang “oo” ang sagot sa tanong niya.

Lihim siyang napabuntong-hininga.

Ilang taon na rin ang nakaraan simula noong huli silang nag-usap mag-ama. Galit na galit ito dahil nalaman nitong medisina ang kinuha niyang kurso, taliwas sa gusto nito.

Sa sobrang galit at kagustuhan nito na mapasunod siya, umabot pa sa punto na pinutol nito ang sustento para sa kaniyang matrikula.

Pero hindi siya sumuko, mas lalo siyang nagmatigas na ipaglaban ang gusto niyang propesyon. Napilitan siyang magtrabaho para sustentuhan ang sarili niyang pangangailangan.

Halos lahat ay pinasok niya—waiter, tutor, tindero—matustusan lang ang pag-aaral niya.

Nang mapagtanto nito na wala na itong magagawa, hindi na siya kinausap pa nito.

Ngayon ang unang uwi niya pagkatapos ng limang taon na pamumuhay niya mag-isa kaya’t bahagya siyang nakaramdam ng pagkaasiwa.

“’Nay, ‘wag na lang kaya muna akong umuwi sa bahay? Baka mas lalong magalit ang Tatay kapag nakita ako!” nahihintakutan niyang bulalas.

Kahit naman may hindi sila pagkakaunawaan, mahal niya pa rin ito at ayaw niyang lumala ang hidwaan nila.

“Naku, hijo, sa bahay na. Naghanda na ako ng mga pagkain. Kung palagi niyong iiwasan ang isa’t isa, kailan pa kayo magkakaayos niyan?” kontra nito.

Napabuntong-hininga na lang siya saka tumango. Alam niya naman na tama ito at wala na rin siyang magagawa.

Nanlalamig ang mga kamay niya sa sobrang kaba habang tahimik na naglakad papasok sa bahay na ilang taon niya nang hindi nakita.

Nilibot niya ang tingin dito pero agad siyang natigilan nang makita ang kaniyang Tatay Gener na nakaupo sa sala.

Kahit na kabado ay lumapit siya rito para magmano pero agad nitong iniwas ang palad.

“Anong ginagawa mo rito? Himala at kilala mo pa pala ang mga tao dito,” malamig nitong tanong.

“’Tay naman…hanggang ngayon pa rin po ba galit pa rin kayo?”

Gaya ng inaasahan, hindi pa rin humupa ni kaunti ang galit nito sa kaniya.

“Anong gusto mong maramdaman mo gayong sinuway mo ako? Nagsinungaling ka pa. Kung hindi pa ako lumuwas sa Maynila hindi ko pa malalaman na niloloko mo lang kami. Iba naman pala ang kursong kinuha mo pero hindi mo ipinaalam sa amin!” mataas ang boses na pahayag nito.

“Matagal na po ‘yun. Humingi na ako ng tawad sa inyo, at ginawa ko lang naman po ‘yun kasi alam kong hindi kayo papayag,” pagtatanggol niya sa sarili, na mas lalong kinagalit nito.

“Alam mo naman pala pero ginawa mo pa rin. Ang tanging gusto ko lang ay matutunan mong pamahalaan ang negosyo ng pamilya natin na ikaw rin naman ang makikinabang pero mas pinili mo pa ring mag-doktor, wala ka namang mapapala roon! Sinayang mo lang ang pag-aaral mo sa kursong ‘yan,” matalim nitong sinabi.

Hindi niya maiwasan maapektuhan sa sinabi nito.

“Bakit naman po masasayang? Pagiging doktor po ang pangarap ko. Kailan niyo maintindihan ‘yon? At saka hindi pa po ba sapat sa inyo na hindi niyo sinuportahan ang pag-aaral ko? Bakit kailangan niyo pang maliitin at insultuhin ang kursong pinaghirapan ko?” buong paghihinakit niyang sabi sa ama.

Imbes na makinig, mas lalo itong nagalit. Kung ano-anong insulto ang ibinato nito sa kaniya. Dahil sa inis, hindi niya mapigilan ang sumagot-sagot.

Patuloy kasi ang pangmamaliit nito sa kursong tinapos niya. Saradong-sarado na ang isip nito.

“Tama na ‘yang sagutan niyong dalawa! Minsan na nga lang tayo magkita-kita, magsusumbatan pa ba kayo?” singit ng kaniyang ina.

Subalit nasa kalagitnaan sila ng balitaktakan kaya inignora nila ito.

Nagpatuloy ang kanilang sagutan. Naipon kasi ang ilang taong sama ng loob at ngayon lang nila nasabi sa isa’t isa.

Natigil lang sila sa malakas na kalabog kasabay ng sigaw ng kapatid.

“’Tay! Kuya! Si Nanay!” tili ng kaniyang kapatid.

Nang lingunin nila nakahandusay na sa lapag ang ina, habang wala itong malay.

“Anong nangyari?” tarantang tanong ng kanilang ama.

“Hindi ko po alam! Bigla na lang siyang hinim@tay! Ano pong gagawin natin?” umiiyak na tanong ng kapatid niya. Putlang-putla ito dahil sa takot.

“Tumawag ka ng ambulansya! Dali!” utos ng ama.

Tumakbo palabas ang kapatid habang siya naman nilapitan niya ang ina. Napansin niyang namumutla ito at hindi humihinga. Gaya ng madalas niyang gawin sa mga pasyente, inilagay niya ang mga kamay sa dibdib nito saka sinimulan na pabalikin ang tibok ng puso nito.

“Anong ginagawa mo?” tanong ng kaniyang ama.

Hindi siya nakaimik, ngunit patuloy lang ang pagdiin niya sa dibdib ng ina. Maya-maya pa ay unti-unting bumalik ang paghinga nito.

“Ayos ka lang ba?” agad na usisa rito ng kanilang ama. Bahagyang basa ng luha ang pisngi nito.

Nang tumango ito ay saka lang siya nakahinga nang maluwang.

Maya-maya pa ay dumating na ang ambulansya.

“Inatake po ang pasyente sa puso. Posible po talaga itong mangyari kahit walang sintomas. Mabuti na lang at naagapan agad dahil baka kung anong nangyari sa asawa niyo,” paliwanag ng nurse.

Tulala ang kaniyang ama hanggang sa isakay sa ambulansya ang pasyente.

“Ayos lang po kayo, Tatay?” tanong niya sa ama.

Inakala niyang hindi siya nito papansinin dahil kani-kanina lang ay galit na galit ito pero dahil sa nangyari mistulang nawala ang bagsik nito.

“Anak, sa tingin ko alam ko na ang dahilan kung bakit gusto mong maging doktor. Patawad kung naging makasarili ako at hinadlangan ko ang pangarap mo. Kung hindi ko pa nakita nang harapan, hindi ko pa mapapagtanto,” pahayag nito.

Nangilid ang kaniyang luha sa sinabi nito.

Lumapit ito sa kaniya saka siya niyakap.

“Mula ngayon, hayaan mo akong bumawi sayo,” dagdag pa nito.

Lihim na napangiti si Joseph. Hindi man maganda ang nangyari sa kaniyang ina ay nagresulta naman iyon sa isang magandang bagay.

Sa wakas, tanggap na siya nito. Malaya niya nang gawin ang gusto nang walang bigat sa kaniyang dibdib.

Advertisement