Inday TrendingInday Trending
Nahuli ng Babae na Natutulog ang Kaniyang Team Leader sa Oras ng Trabaho; Nangiti Siya at Nagtungo sa Tanggapan ng Kanilang Manager

Nahuli ng Babae na Natutulog ang Kaniyang Team Leader sa Oras ng Trabaho; Nangiti Siya at Nagtungo sa Tanggapan ng Kanilang Manager

Pangarap ni Sabina na balang-araw ay maging isa sa mga boss sa kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. Nais niyang maging team leader at palitan ang kasalukuyan nilang team leader si Loida, na kahit anong husay nito, lagi naman niyang pinupulaan.

Bata pa lamang, ganoon na talaga si Sabina. Siguro ay naukilkil sa kaniyang isipan noong bata pa lamang siya, na kung hindi mo uunahan ang kapwa mo ay ikaw ang mauunahan. Gayon kasi ang paniniwala ng kaniyang tiyahin na siyang nagpalaki sa kaniya. Lagi niyang naririnig dito na hindi ito papayag na magulangan ng kaniyang kapwa, pero ayos lamang kung ito ang manggugulang.

Ayaw aminin ni Sabina sa kaniyang sarili na sadyang mahusay, matalino, at responsableng team leader si Loida. Kaya naman, nag-isip siya nang paraan kung paano ito masisira sa kanilang boss.

“Makahanap lang talaga ako ng butas sa babaeng ito, iyan ang gagamitin ko para masira ka sa paningin ng boss natin, kaya huwag na huwag kang magkakamali,” bulong ni Sabina sa kaniyang sarili habang pinagmamasdan si Loida sa kanilang pulong.

“Sabina, are you okay?” tanong ni Loida sa kaniya.

Bumalik naman sa realidad si Sabina na kanina pa pala nakatitig kay Loida.

“Y-Yes, Ma’am! I’m okay, nothing to worry po. Namamangha lang po ako sa galing ninyo. Very inspiring!” kunwari ay papuri ni Loida sa kaniyang team leader, ngunit ang totoo ay kanina pa niya pinag-iisipan nang masama.

Ganyan naman si Sabina. ‘Ika nga nila ay ‘plastikada’.

Siya rin ang numero unong nambobola at namumuri kay Loida kapag nakaharap ito dahil baka-sakaling kapag nataas na ito ng posisyon, ay siya ang irekomenda.

Ngunit kapag nakatalikod na ang team leader, kung ano-ano na ang sinasabi nito tungkol dito.

“Ano kayang inulam ni Ma’am Loida kanina, ang baho ng hininga…”

“Nakita ko may mga buhok-buhok na lumalagpas sa ilong niya, nakakadiri talaga, hindi man lang putulin, parang may paa ng ipis sa butas ng ilong niya!”

“Ang baduy pumorma ni Ma’am Loida! Sakit sa mata!”

Hanggang sa isang araw ay naispatan ni Sabina na natutulog at nakadukmo si Loida sa mesa nito. Magpapapirma sana ng mga papeles si Sabina at nabungaran niya sa akto na natutulog ang team leader sa oras ng trabaho.

“Kung sinuswerte ka nga naman,” nakangising sabi ni Sabina. “Umaayon ang tadhana sa akin.”

Inilabas niya ang cellphone at kinuhanan niya ng mga litrato ang team leader na himbing na himbing na natutulog.

Tuwang-tuwa si Sabina dahil may pambala na siya sa gagawin niyang paninira kay Loida.

“Humanda ka ngayon. Team leader ka pa naman tapos tutulog-tulog ka?” wika ni Sabina sa kaniyang sarili.

Kinabukasan ay talagang tiniyak ni Sabina na makakausap niya nang personal ang kanilang manager na si Mr. Gatchalian.

“Sir, gusto ko lang po ipakita sa inyo ang mga ebidensyang nakuhanan ko kahapon. Kaya po hindi ko nagawa ang trabaho ko kahapon kasi hindi napirmahan ni Ma’am Loida ang mga papeles na papipirmahan ko sa kaniya. Natutulog po kasi siya eh, nakakahiya naman pong gambalain ang team leader namin na mahimbing na natutulog tapos kaming mga tao niya, ang sipag-sipag…”

Nagulat si Mr. Gatchalian sa mga sinabi niya. Kunwari ay hindi niya sinasadyang mabanggit ito.

“Naku sir, sorry… sorry talaga… nadulas tuloy ako na nahuli ko si Ma’am Loida na natutulog sa oras ng trabaho,” sabi ni Sabina.

At hindi na niya napigilan ang bibig niya. Inakala niyang ang pananahimik ni Mr. Gatchalian ay pagkagulat nito sa ginagawa ni Ma’am Loida. Kaya naman, tinuloy-tuloy na niya ang pagsasabi sa kanilang boss ng mga bagay na makapagpapasira kay Loida.

Matapos niyang magkuwento…

“Thank you, Ms. Soriano. Pinatunayan mo ngayon ang mga bali-balitang naririnig ko,” mahinahong wika ni Mr. Gatchalian.

Lihim na nagalak si Sabina. Mukhang nagtagumpay siyang masira ang pangalan ni Loida!

“Naku, you are very much welcome sir! Ganyan po talaga si Ma’am Loida, kunwari mabait at magaling pero kapag wala na ho kayo, naku, kung ano-anong kabalbalan ang ginagawa. Kaya sir, kung sakali lang po na tatanggalin ninyo siya, may iba naman po diyang mas deserving sa posisyon niya,” at hinawi pa ni Sabina ang kaniyang buhok.

Kumunot ang noo ni Mr. Gatchalian.

“Hindi pa ako tapos, Ms. Soriano. Alam mo ba ang bali-balitang narinig ko? Tungkol sa iyo. Na isa kang backstabber at lagi mong sinisiraan ang team leader mong si Loida dahil sa paghahangad sa posisyon niya ngayon. Nakakarating sa akin ang mga chismis na ginagawa mo para siraan siya.”

Napatda naman si Sabina sa kaniyang kinauupuan.

“Tama ka naman na natutulog si Loida pero nagpaalam siya sa akin at nagpakita naman siya ng medical certificate niya. May vertigo si Loida. Dapat nga ay magpapahinga siya, payo ng doktor, ngunit mas pinili pa rin niyang pumasok para gawin ang trabaho at obligasyon niya. Sorry pero ako mismo ang magsasabing hindi totoo ang mga bagay na pinagsasasabi mo sa kaniya. Matagal nang nagtatrabaho si Loida, kung tutuusin, puwede ko na siyang i-angat, pero tumatanggi lang siya dahil marami pa raw siyang dapat ayusin sa sarili niya. Napakababa ng kaniyang pride. Kababaang-loob ang tawag doon, Ms. Soriano. At batay sa mga pinagsasasabi mo laban sa kaniya, mukhang hindi mo alam ang ibig sabihin niyon.”

Pahiyang-pahiya si Sabina sa kaniyang mga narinig.

“I have my unsolicited advice, Ms. Soriano. Kung gusto mong umangat sa kinalalagyan mo, hindi mo kailangang manira ng kapwa mo. Tatandaan mo, ang mga nagpapakababa ay siyang itinataas at ang mga nagpapakataas ay siyang ibinababa. Kung talagang magaling ka, makikita at makikita ito ng lahat, at hindi mo na dapat pang ipangalandakan, o siraan at pagmukhaing masama ang iba.”

Dahil sa labis na kahihiyan ay ipinasya na lamang ni Sabina na magbitiw sa kaniyang trabaho at humanap na lamang ng iba, para na rin makapagsimulang muli dala ang aral na natutuhan niya.

Bago siya tuluyang umalis ay personal muna siyang humingi ng tawad kay Loida.

Napagtanto niyang tama ang mga sinabi ni Mr. Gatchalian at babaunin niya ito sa kompanyang tatanggap sa kaniya at makikita ang husay niya.

Advertisement