Nang Malamang Hindi na Magkakaanak pa ang Asawa ay Naghanap Siya ng Ibang Magbibigay Nito sa Kaniya; Malaking Karma pala ang Babalik sa Ginoo
Bagsak ang balikat na umuwi si Dave at ang asawa niyang si Ezra, mula sa klinika ng kanilang OB-Gyne. Isang masamang balita kasi ang sinabi nito sa kanila at talaga namang nakaapekto ’yon nang matindi sa mag-asawa, lalong-lalo na kay Dave.
Matagal na kasi nilang binabalak na magkaanak ngunit talagang hirap silang makabuo, kaya naman naisipan na nilang magpatingin sa espesyalista upang malaman nila kung sino sa kanila ang may diperensya, o kung may pag-asa pa ba silang magkaanak.
Unico hijo kasi si Dave kaya naman ganoon na lang ang kagustuhan niya at ng kaniyang mga kapamilya na magkaroon siya ng anak. Ngunit ngayon ay mukhang malabo na ’yong mangyari. Dumating na kasi ang resulta ng ginawang test sa kanila…at kanina ay nalaman nilang walang kakayahang magdalantao ang kaniyang misis na si Ezra.
“M-mahal—” Paakma pa lamang kakausapin ni Ezra ang asawang si Dave ay pinahinto na agad siya ng mga palad nito. Itinapat iyon ng lalaki sa kaniyang harapan.
“Mamaya na tayo mag-usap. Medyo napagod ako sa biyahe,” pagdadahilan pa ng lalaki, kahit na ang totoo ay tila nawalan siya ng gana sa kaniyang misis nang malaman niyang hindi siya kayang bigyan nito ng supling. Agad namang naintindihan ni Ezra ’yon. Alam niya ang takbo ng isip ng kaniyang mister.
Simula noon ay naging malayo na ang loob ni Dave sa kaniyang asawa. Mas madalas na siyang naglalagi noon sa opisina upang igugol na lang ang kaniyang oras sa trabaho, ngunit dahil din doon ay mas nakakasama na niya ang kaniyang dalaga at magandang sekretarya, na noon pa man ay matagal na ring nagpapakita ng motibo sa kaniya. Hindi na siya nagpigil pa tulad ng ginagawa niya noon. Pinatulan niya ang kaniyang sekretarya at ni wala siyang pakialam kung malaman man ’yon ng kaniyang asawa.
Tuluyan nang nawalan ng pagmamahal si Dave kay Ezra, lalo na nang isang araw ay bigla na lamang ibinalita sa kaniya ng kaniyang babae, na nagdadalang-tao ito at siya ang ama! Agad na kinontak ni Dave ang kaniyang abogado upang daanin sa legal na paraan ang paghihiwalay nila ni Ezra.
“N-nakikipaghiwalay ka, m-mahal? B-bakit biglaan naman yata?” Nangingilid ang luha ni Ezra sa kaniyang mga mata habang itinatanong iyon sa kaniyang mister.
“Ayaw ko na. Palayain mo na ako, dahil wala na rin naman akong pagmamahal sa ’yo. Wala nang patutunguhan itong relasyon nating dalawa,” sagot naman ni Dave.
“Pero—” Gusto pa sana niyang magsalita at magpaliwanag sa asawa, ngunit sa huli ay pinili niyang manahimik na lamang at pirmahan ang papel na inihayag nito sa kaniyang harapan. Ibibigay niya na ang gusto nitong kalayaan.
Ilang buwan lang ang nakalipas ay agad na naaprubahan ang kanilang hiwalayan, dahil na rin sa mabilis na pagpapagana ni Dave ng batas gamit ang kaniyang pera. Kating-kati na kasi siyang hiwalayan si Ezra nang sa ganoon ay maaari na silang magsama ng kaniyang bagong nobya.
Ilang taon ang lumipas na hindi na muling nagkita pa sina Ezra at Dave. Malaki na ang anak ni Dave sa kaniyang dating sekretarya, kahit pa hindi naman ganoon kasaya ang pagsasama nila ng babae. Masiyado kasi itong maluho at mahilig humingi ng pera, at wala namang magawa si Dave kundi ibigay na lamang ang gusto nito, dahil ito ang ina ng kaniyang anak.
Isang araw ay nagkita sina Ezra at Dave sa isang mall nang hindi inaasahan. Kasama ni Ezra ang kaniyang bagong pag-ibig na nahanap niya, ilang taon, matapos siyang iwan ni Dave para sa ibang babae. Ngunit ganoon na lang ang gulat ni Dave nang makitang malaki ang umbok sa tiyan ni Ezra, gayong hindi naman ito mataba! Buntis ito, at patunay doon ang katotohanang kalalabas lamang nito ng isang OB-Gyne clinic nang magkasalubong sila!
“P-papaanong nabuntis ka? A-akala ko ba—”
Hindi pa man natatapos ni Dave ang kaniyang sinasabi nang talikuran siya bigla ni Ezra. Hindi nito gustong sagutin ang katanungang nakita nito sa kaniyang mga mata.
Dahil doon ay napilitang magpaimbestiga si Dave at hanapin ang dating doktor na sumuri sa kanila ng kaniyang asawa…at doon ay napag-alaman niya ang katotohanang isinakripisyo ni Ezra ang sariling puri upang hindi siya manliit sa kaniyang sarili!
Inako lang pala nito ang pagiging baog, dahil ang totoo ay siya—si Dave—ang siyang walang kakayahang magkaanak! Dahil doon ay nalaman din niya na niloloko lamang pala siya ng kaniyang kinakasama, dahil ang batang pinalaki niya ng ilang taon ay hindi pala niya tunay na anak!
Ganoon na lamang ang panlulumo ni Dave sa kaniyang mga nalaman, ngunit huli na para sa kaniyang pagsisisi. Simula ngayon ay habang buhay na lamang niyang pagsisisihan ang ginawa niyang panloloko kay Ezra, gayong ito pala ang hindi nang-iwan sa kaniya sa kabila ng kaniyang kakulangan.
Nakipaghiwalay si Dave sa kaniyang kinakasama at itinigil din niya ang pagsuporta sa anak nito. Kahit pa napamahal na sa kaniya ang bata’y hindi naman siya papayag na gamitin ito ng babae sa mga pansarili nitong kagustuhan. Ngayon ay naiwang miserable sa buhay si Dave at umaasa siyang darating ang panahong mapapatawad niya ang sarili sa kaniyang nagawa.