Inday TrendingInday Trending
Wala Siyang Katiwa-tiwala sa Kakayahan ng Dati Niyang Kaklase; Nang Mapagalitan Ito ay Natuwa pa Siya

Wala Siyang Katiwa-tiwala sa Kakayahan ng Dati Niyang Kaklase; Nang Mapagalitan Ito ay Natuwa pa Siya

Suot ang kaniyang puting doctor’s coat ay taas noong naglakad papasok sa isang malaking ospital si Neri. Iyon ang unang araw niya bilang isang doktor.

Hindi naman siya nagulat noong natanggap siya sa ospital na iyon. Siya kasi ang nagkamit ng pinakamataas ng karangalan noong nagtapos siya. Siya rin ang nakakuha ng pinakamataas na marka noong kumuha siya ng board exam.

Kaya nga halos lahat ng inapplyan niya ay tinanggap siya. Pinili niya lang ang Ospital ng San Lazaro dahil iyon ang pinakamalaki at prestihiyosong ospital sa buong Pilipinas.

Nang dumating siya ay nakilala niya ang mga doktor na naghihintay para sa orientation.

Nagulat siya nang isang pamilyar na mukha ang nakita niya.

“Carmina?” namimilog ang matang tawag niya sa isang kakilala.

Nagliwanag ang mata nito.

“Neri! Nandito ka rin?” natutuwang bulalas nito bago lumapit sa kaniya.

Tigagal si Neri. Kilala niya kasi si Carmina, at alam niya na hindi sila magka-lebel nito. Noong nasa medical school pa sila ay muntik na itong hindi pumasa dahil sa maraming subject na ibinagsak nito.

Ni hindi niya nga alam na pumasa pala ito sa board exam. Kaya paanong nakapasok ito sa isang magandang ospital?

Maraming tanong ang naglalaro sa isipan niya, ngunit ayaw niya na isatinig ang mga iyon. Ayaw niya na saktan ang damdamin ni Carmina, lalo pa’t matagal-tagal din silang hindi nagkita.

Kaya naman wala siyang ibang magawa kundi bantayan ang kilos ni Carmina. Wala siyang tiwala sa kakayahan nito, at nais niyang masiguro na hindi ito makakagawa ng pagkakamali na maaaring ikapahamak ng pasyente.

Sa kabutihang palad ay mukhang maayos naman ang ginagawa ni Carmina, at mukhang wala naman siyang dapat ipag-alala. Malapit pa nga ang loob dito ng karamihan sa mga pasyente.

“‘Wag lang siyang gagawa ng kalokohan, dahil ako mismo ang magsusumbong sa kaniya,” sa isip-isip niya, habang minamasdan ang dating kaklase na nakikipagtawanan sa mga nars.

Ngunit sadya yatang walang lihim na hindi nabubunyag, dahil makalipas ang ilang buwan ay nagulat siya nang marinig na sinigawan ng isa sa mga doktor si Carmina.

“Hindi mo dapat ginawa ‘yun! Hindi mo ba alam ang patakaran, Carmina?” inis na bulalas ng matandang doktor kay Carmina, na yukong-yuko sa mga sandaling iyon.

Narinig niya ang bulungan ng mga nars sa likod niya.

“Naku, ano kaya ang nangyari? Kawawa naman si Doc Carmina,” bulong ni Joy, na isa sa mga nars.

Bumaling siya sa babae.

“Siguro may nagawang pagkakamali sa pasyente si Carmina. Kilala ko siya, marami siyang bagsak na subject noong magkaklase pa lang kami sa med school,” hindi maiwasang kwento niya sa babae.

Napangiwi ito.

“Doc Neri, hindi naman po siguro. Magaling na doktor po si Doc Carmina, at alam ko na wala siyang gagawin na makasasama sa mga pasyente,” pagtatanggol nito kay Carmina.

Noon lumapit sa kanila ang doktor na kanina lang ay nakasigaw kay Carmina.

“Doc Robert, ano pong nangyari? May ginawa po ba na pagkakamali si Carmina?” pasimpleng usisa niya.

Napabuntong hininga ang doktor. Sumulyap ito kay Carmina, napailing bago sumagot.

“‘Wag niyong gagayahin si Carmina…”

Napangisi si Neri. Sinasabi niya na nga ba’t may gagawing kalokohan si Carmina! Lalabas ang katotohanan na hindi ito nararapat sa ospital na iyon.

“Nakakaawa man ang mga pasyente, hindi pwede na basta-basta tayong mag-aalok na gagamutin natin sila nang libre…” anang doktor.

Natigagal siya. Hindi niya kasi inaasahan na iyon pala ang dahilan kaya napagalitan ang dati niyang kaklase.

“Hindi pwede ‘yung ganoon. May mga programa tayo na para sa mga mahihirap. Maaari natin silang irekomenda sa mga programa na ‘yun. Ang hindi pagsunod sa proseso ay may parusa. Ayokong maparusahan si Carmina dahil isa siyang magaling na doktor,” sabi ng doktor, na naiiling pa rin.

Ngunit nakapagtataka na may liwanag sa mga mata ng matandang doktor.

“Kagayang-kagaya ko si Doctor Carmina noong bago lang ako na doktor. Lahat gusto kong tulungan. Pero hindi naman tayo superhero. Kailangan nating alagaan ang sarili natin para mailigtas natin ang buhay ng iba,” sermon ng doktor.

Nang makaalis ang doktor ang tigagal si Neri. Mataman siyang nakatingin kay Carmina na noon ay nakatulala at tila may malalim na iniisip.

Napapitlag siya nang tapikin siya ng nars na si Joy.

“Doc Neri, hindi ba’t sabi ko po sa inyo? Hindi gagawa ng ikakapahamak ng pasyente si Doc Carmina. Isa siyang magaling na doktor na mabait sa mga pasyente,” nakangiting wika nito.

“Siguro nga po ay hindi siya angat sa eskwelahan noon. O hindi siya singgaling niyo. Pero hindi po ba’t ang pagiging doktor ay isa ring serbisyo? Hindi lang utak ang kailangan, kailangan din ng puso,” dagdag pa ni Joy.

Napahiya man ay napatango siya. Tama ang lahat ng sinabi ng nars.

Inakala niya na matalino siya at angat sa lahat. Ngunit siya pala ang marami pang dapat matutuhan.

Advertisement