Hindi Siya Tinulungan ng mga Magulang sa Oras ng Kagipitan; Bilang Ganti ay Ipinagkait Niya rin sa mga Ito ang Isinilang Niyang Sanggol
Namumugto ang mata ni Jean habang isa-isa niyang nilalagay ang mga damit niya sa isang malaking maleta. Sa edad na disisyete ay magiging ina na siya.
Masamang-masama ang loob niya sa kaniyang mga magulang. Sinubukan niyang magpaliwanag, ngunit tila sarado na ang pag-iisip ng mga ito. Sa huli ay halos ipagtulakan siya ng mga ito na sumama sa lalaki na nakabuntis sa kaniya.
“Maraming beses kitang pinaalalahanan, pero hindi ka nakinig. Kailangan mong matuto ng leksyon,” matigas na wika ng kaniyang ama.
“P-pero hindi ko pa po kayang mag-isa,” umiiyak na tugon niya, sa pag-asa na lalambot ang kalooban ng kaniyang mga magulang.
“Hindi ka nag-iisa. May anak ka na. Tumayo ka sa sarili mong mga paa,” sabi naman ng kaniyang ina.
Sa huli ay wala siyang ibang magawa kundi ang sumama sa nobyo niya na si Jared. Gaya niya ay labing pitong taong gulang lamang din ito at wala pang alam sa buhay.
Dahil wala naman silang pambili ng sarili nilang bahay ay nakipisan sila sa pamilya ni Jared. Bagaman maayos naman ang pakikitungo ng pamilya nito sa kaniya ay hindi niya pa rin maiwasang mapaiyak sa tuwing napapagtanto niya na hindi na siya makakabalik sa dati niyang buhay na halos ituring siyang prinsesa ng kaniyang mga magulang.
Sa bahay nina Jared, kahit buntis siya ay wala siyang magawa kundi ang tumulong sa gawaing bahay. Alam niya na kailangan niyang makisama.
Ilang buwan din silang nakipagsiksikan sa bahay nina Jared bago sila nagkaroon ng kakayahan na bumukod.
“Saan tayo kumuha ng pang-deposito sa bahay?” takang usisa niya sa nobyo.
Lumikot ang mata ng lalaki.
“Sa mga magulang ko… Sila ang nagbigay…” ani Jared.
Hindi rin naging madali ang lahat, lalo pa’t hindi biro ang presyo ng paupahang bahay na nakuha nila. At syempre, kahit paano ay kailangan nila ng mga gamit sa bahay.
Mabuti na lang at sinuportahan sila ng mga magulang ni Jared, bagay na hindi magawa ng sarili niyang magulang.
Nang mga sandaling iyon sa kaniyang buhay ay hindi na naiwasan pa ni Jean na magtanim ng sama ng loob sa kaniyang mga magulang.
Pakiramdam niya ay wala nang pakialam ang mga ito sa kaniya at tuluyan na siyang kinalimutan.
Mula noong umalis siya sa bahay nila, ni minsan ay hindi man lang siya nabisita ng kaniyang mga magulang.
Maliban sa minsan na pangungumusta ng kaniyang ina sa telepono ay wala na siyang narinig sa mga ito.
Sa kanilang pagbukod ng tirahan ay tuluyan nang namulat si Jean sa kahirapan ng buhay—bagay na naranasan niya sa unang pagkakataon.
Napagtanto ni Jean kung gaano kahirap ang magtaguyod ng isang pamilya. Ang kakarampot na sweldo ni Jared ay pinagkakasya nila sa pagkain, bahay, kuryente, tubig, at kung ano-ano pang gastusin.
Idagdag pa na nag-iipon sila para paghandaan ang panganganak niya. Sa murang edad ay natuto siyang magtipid at magsinop sa pera.
Subalit ilang linggo bago siya manganak ay isang malaking problema ang dumating sa kanila.
“May isang kustomer na hindi sinasadyang natapunan ko ng mainit na sabaw. Pinagmumura ako. Siguro nagreklamo kasi bigla-bigla na lang akong inalis sa trabaho,” bagsak ang balikat na kwento ng kaniyang nobyo nang hapong iyon.
Nanlaki ang mata niya.
“Paano ‘yan, manganganak na ako. Kailangan natin ng pera,” nag-aalalang bulalas niya.
Hinawakan nito ang tiyan niya.
“‘Wag kang mag-alala. Gagawa tayo ng paraan,” anang lalaki.
Maya-maya ay nagliwanag ang mata nito, tila may naisip na isang magandang ideya.
“Ano kaya kung humingi tayo ng tulong sa magulang mo, mahal?” suhestiyon ng kaniyang nobyo.
Naging mariin ang kaniyang pagtanggi.
“Hindi natin gagawin ‘yan. Hindi tayo lalapit sa kanila. Marami na tayong hirap na dinaanan, pero nasaan sila? Hindi nila magawang mag-abot ng tulong. Magagawan natin ng paraan ‘yan, kahit tayo lang,” masama ang loob na bulalas niya.
Tila may nais pang sabihin si Jared ngunit hindi na ito nagkomento pa.
Sa kabutihang palad, may mga tao na hindi naman sila pinagkaitan ng tulong. Noong una ay nag-aalala siya na baka mapalayas sila sa bahay kapag hindi sila nakabayad ng upa. Masungit kasi ito at bungangera.
Ngunit tila naging santa sa bait ang kasera nila nang pakiusapan nila ito.
“Walang problema! ‘Wag niyong alalahanin ang upa,” nakangiting sabi ng babae.
Madalas din ito magdala ng bigas, prutas, ulam, at kung ano-ano pa. Kaya naman kahit paano ay nairaraos nilang mag-anak ang araw-araw.
Isang gabi ay nagising si Jean nang makirot ang kaniyang tiyan. Agad niyang kinalabit ang natutulog na nobyo.
“Jared, manganganak na yata ako…” bulong niya sa lalaki.
Taranta naman itong tumayo at dali-dali silang pumunta sa pinakamalapit na ospital.
Matapos niyang mayakap at masilayan ang isang malusog na sanggol na babae ay agad siyang nawalan ng malay sa labis na pagkahapo.
Nang magising siya ay nabungaran niya si Jared na nakaupo sa gilid ng kama. Tila hinihintay nito ang paggising niya.
“Nasaan ang baby natin?” agad na usisa niya.
Itinuro nito ang isang panig ng silid at doon ay nakita niya ang kaniyang ina na hawak ang sanggol. Naroon din ang kaniyang ama.
“Kunin mo sa kanila ang anak natin at pauwiin mo na sila. Hindi ko sila kailangan dito,” malamig na utos niya sa nobyo. Ni hindi niya sinulyapan ang mga magulang.
“Anak, may problema ba?” usisa ng kaniyang ina matapos nitong ipasa sa bisig niya ang sanggol.
“Umalis na kayo. Kaya namin ng anak ko na wala kayo rito. Wala kayo noong mga panahong kailangan ko ng tulong, dapat hindi na kayo nagpakita pa rito…” bwelta niya sa ina.
Noon pumasok ang doktor.
“Kumusta na ang pakiramdam mo, hija?” usisa nito.
“Mabuti naman po, Dok,” aniya.
Ngumiti ito.
“Mabuti naman. Kanina ay nag-agaw buhay ka. Kinailangan mong operahan. Mabuti na lang at mabilis na nakapag-desisyon ang mga magulang mo at nakapaglabas sila ng malaking pera,” kwento ng doktor.
“Magpahinga ka, para may lakas ka na alagaan ang anak mo,” payo ng doktor bago ito lumabas.
Sinulyapan niya ang kaniyang mga magulang na pawang laglag ang mga balikat.
“Babayaran ko ho sa inyo ang kung anumang ginastos n’yo sa operasyon, ‘wag kayong mag-alala. Umalis na ho kayo,” taboy niya sa mga ito.
“Hindi mo naman kami kailangan bayaran. Anak ka namin, bakit mo kami kailangang bayaran?” anang kaniyang ama.
Tuluyan nang napaiyak si Jean.
“Iyon na nga, Papa! Anak niyo ako, pero bakit niyo ako pinabayaan na maghirap? Nagawa niyo akong tiisin!” hindi niya maiwasang maibulalas.
Lumapit ang kaniyang ina at hinaplos ang buhok niya.
“Anak, may anak ka na. Kailangan mo na maging matapang. Hinayaan ka namin mamuhay kasama si Jared para maging malakas at matuto kang maging isang ina. Sa tingin mo ba ay kagaya ka pa rin ng dati na parating naka-depende sa amin ng Papa mo?” marahang litanya ng kaniyang ina.
Natigilan siya. Alam niya kasi na malayong-malayo na siya sa dating siya. Mas namulat na siya sa hirap. Natuto na siyang magtiis at maging malakas.
Noon sumingit si Jared.
“Jean, hindi totoo na iniwan tayo ng mga magulang mo. ‘Yung pera na ginamit natin sa pandeposito sa bahay, ‘yung mga pinambili ng gamit natin, sa kanila galing ‘yun. Nalaman kasi nila na hindi ka komportableng makipisan sa amin…” anang kaniyang nobyo.
“Noong nawalan ako ng trabaho, at hindi tayo makabayad sa bahay, sila ang sumalo sa atin. Sila rin ang nagpapadala ng pagkain sa atin. Aksidente ko lang na nalaman mula sa kasera natin…” kwento pa ni Jared.
Napahagulhol si Jean dahil sa mga nalaman. Ang akala niya talaga ay iniwan na siya ng kaniyang mga magulang!
Niyakap siya ng kaniyang ama.
“Anak, ikaw ang nag-iisang anak namin. Kahit pa matanda ka na, kami ang mag-aalaga sa’yo. Pero gusto namin na matuto ka sa buhay, dahil nais namin na maging mabuti kang ina… Sana ay maniwala ka na para sa’yo rin ang ginawa namin,” sabi ng kaniyang Papa.
Sa puso ni Jean ay alam niya na totoo ang sinasabi ng kaniyang ama. Hindi lang siya, kundi sila ng mga magiging anak niya—alam niya na hangga’t nabubuhay ang kaniyang mga magulang ay maaari siyang tumakbo sa mga ito sa oras ng kagipitan.