Pilit Siyang Humihiling ng Bahay at Lupa sa Anak Bago Ito Mag-asawa; Nalulungkot na Pala Ito Dahil sa Hiling Niya
Tinatak ng ginang na si Belen sa utak ng kaisa-isa niyang anak na hindi ito pupwedeng mag-asawa hangga’t wala silang sariling bahay at lupa. Simula kasi nang mabuo ang kanilang maliit na pamilya, sa tabing dagat na sila naninirahan hanggang ngayon na tapos na sa pag-aaral ang kanilang anak, dito pa rin sila nagtitiis na manirahan.
“Huwag po kayong mag-alala, mama, pangako, mabibigyan ko po kayo ng sariling bahay at lupa. Hinding-hindi ko kayo bibiguin ni papa,” sambit sa kaniya ng anak, isang araw habang naglalaba ito ng uniporme sa trabaho.
“Aba, dapat lang, anak! Huwag mong gayahin ‘yong ibang kabataan dito sa lugar natin! Wala pa mang napapatunayan at naitutulong sa kani-kanilang mga magulang, nagsi-asawahan na kaagad! Makakapaghintay naman ang pag-aasawa, eh, pero ang mga magulang, hindi na! Hindi mo alam baka bukas wala na kami ng tatay mo,” sigaw niya rito.
“Huwag mo namang sabihin ‘yan, mama, sigurado ako, bago pa kayo mawala ni papa may bahay at lupa na tayo! Saka, huwag ka nang mainis sa ibang kabataan, papataasin mo lang lalo ang dugo mo, eh!” nakangiti nitong tugon.
“Kaya nga ikaw, magtino ka, ha? Napagtapos ka namin ng pag-aaral ng tatay mo, dapat suklian mo ang sakripisyo naming iyon!” pangaral niya pa sa anak saka niya iniabot ang marumi niyang damit na gusto niyang ipalaba rito.
Hindi naman siya binigo ng kaniyang anak. Hindi man siya mabigyan kaagad nito ng bahay at lupa kahit tatlong taon na ang lumipas matapos itong makapagtapos ng pag-aaral, panatag pa rin siyang matutupad nito ang pangakong bahay lalo’t higit kahit nobyo ay wala ito.
Kaya lang, sa hindi inaasahang pagkakataon, sa araw na sana ay kukuha na sila ng bahay at lupa, bigla namang inatake ang kaniyang asawa at lahat ng perang inipon ng kaniyang anak ay napunta sa pagpapagamot nito na talagang ikinapanghinayang niya.
“Huwag ka nang mag-alala riyan, mama. Pupwede namang mag-ipon ako ulit, eh, kaysa naman may bahay nga tayo, malubha naman ang sakit ni papa,” sabi nito sa kaniya habang parehas nilang binabantayan ang kaniyang asawa na kakatapos lamang operahan.
Katulad ng sinabi ng kaniyang anak, muli nga itong nagsimulang mag-ipon. Nagdoble kayod ito upang makakuha sila kahit hulugang bahay at lupa. Ngunit inabot na ito ng halos sampung taon, kulang pa rin ang perang ipon nito pang-downpayment dahil sa laki ng gastos nito sa gamot nilang mag-asawa, pagkain nila araw-araw, at mga bayarin pa sa kanilang bahay. Dito na siya unti-unting nawalan ng pag-asang makakaranas pa siyang manirahan sa isang bahay na nakatayo sa lupa.
Upang bahagyang gumaan ang loob niya, sa araw ng mga puso, niyaya siya ng kaniyang asawa na maglakad-lakad sa parke. Doon, nagawa niyang makalanghap ng sariwang hangin at makapag-isip-isip. Marami rin siyang kakilalang nakita roon kabilang na ang mga dating kaibigan ng kaniyang anak na lahat ay may mga sarili na ring anak.
“Ewan ko ba riyan sa anak mo, tita! Ayaw pang mag-asawa! Trenta’y singko anyos na siya pero tuwing Valentine’s Day, wala pa rin siyang ka-date! Sobrang lungkot po siguro ng buhay niya, ano? Huwag naman siya sanang tumandang dalaga, mas malungkot ‘yon, tita!” sabi sa kaniya ng kaibigan nitong may bitbit-bitbit na sanggol na talagang tumagos sa puso niya.
“Mahal, tawagan mo kaya ang anak natin? Papuntahin mo siya rito. Baka nga nalulungkot iyon,” pangamba niya, imbes na siya’y sundin ng asawa, may tinuro lang ito sa tabi ng isang malaking puno.
Doon niya nakita ang kanilang anak na nakatungo lamang. May mga bote ng alak sa paligid nito at ilang balat ng chichiryang kinain nito. Sa sobrang pag-aalala niya, agad niya itong pinuntahan. Pagka-angat niya sa mukha nito, kitang-kita niya ang maga nitong mga mata na patuloy pa ring naglalabas ng luha.
“Mama, ginagawa ko naman po ang lahat para matupad ko ang pangako ko sa inyo pero hindi ko po alam kung bakit hindi ako makabili ng bahay at lupa. Sa edad kong ito, ni minsan, hindi ko pa naranasang sumaya sa araw na ito dahil sa pangakong hindi ko matupad-tupad!” hagulgol pa nito na talagang ikatahimik niya na lamang habang unti-unti itong itinayo ng kaniyang asawa upang iuwi na sa kanilang bahay.
Paulit-ulit na tumakbo sa kaniyang isipan ang mga sinabi ng kaniyang anak. Hindi man ito tila naalala ng kaniyang anak kinabukasan, alam niyang kinukubli nito sa matatamis na ngiti ang lungkot na nararamdaman nito.
“Anak, wala ka pa bang ipapakilala sa amin ng papa mo? Magnobyo ka na kaya? Gusto na rin naming magkaapo, eh,” tanong niya na ikinagulat nito.
“Naku, mama, wala pa po sa isip ko ‘yan! Hindi ko pa natutupad ang…” agad niya na ring pinutol ang sasabihin nito.
“Kalimutan mo na ‘yong pangako mong iyon sa amin ng papa mo. Ang gusto namin ngayon, maging masaya ka at masulit mo ang buhay mo,” tugon niya.
“Pero, mama…” hikbi na nito.
“Patawarin mo ang mama, ha? Masyado kitang pinilit na bumili ng bahay at lupa para lang sa aming dalawa. Ngayon ko lang napagtantong hindi mo iyon obligasyon, ang kailangan mo lang gawin para mapasaya kami ay mabuhay nang masaya at magkaroon ng makakatuwang sa buhay para sa araw na wala na kami, kampante kaming may masasandalan ka,” sabi niya rito na talagang ikinahagulgol nito habang nakayakap sa kanilang mag-asawa.
Ramdam niya ang saya ng kaniyang anak matapos ang pag-uusap nilang iyon at isang taon lang ang kanilang binilang, nagkaroon na nga ito ng nobyo na tumulong naman ditong makapag-abroad.
Doon na siya tuluyang nabigyan ng bahay at lupa ng anak kasabay ng pagpapakasal nito sa isang maaasahang lalaki na talagang nagpaluwag at nagpataba sa kaniyang dibdib.