Nagtatampo Siya sa Sundalong Asawa; Hindi Niya Alam na Iyon na Pala ang Huli Nilang Pagkikita
Malaki ang tampo ng ginang na si Helen sa kaniyang sundalong asawa. Sa lahat na lang kasi ng importanteng okasyon sa buhay ng kanilang pamilya, palagi itong wala sa tabi niya. Palagi siyang mag-isa nanganganak, mag-isa niyang inalagaan ang kanilang mga anak, mag-isa niyang ipinagdiriwang ang kanilang anibersaryo taon-taon at marami pang okasyon na wala ito sa kaniyang tabi.
Wala man siyang problema pagdating sa pera dahil nga lahat ng sahod ng kaniyang asawa ay ibinibigay nito direkta sa bangko niya, ramdam niya pa rin ang malaking butas sa kaniyang puso dahil pakiwari niya, mag-isa niyang itinataguyod ang kanilang mga anak.
Palagi siyang naiinggit sa mga kaibigan niyang may asawang kasama sa bahay. Wala mang sapat na pera ang mga ito hindi katulad niya, siksik at liglig naman ang pagmamahal na mayroon ang mga ito.
Kaya naman, sa tuwing uuwi ito sa kanila, isang beses sa isang taon, gagawin niya ang lahat upang maiparamdam dito ang sakit na nararamdaman niya tuwing wala ito sa kaniyang tabi. Hindi niya ito pinaghahandaan ng pagkain, kakausapin niya lang ito kapag may tinatanong itong importante at higit sa lahat, sinasaway niya ang kanilang mga anak kapag lumalapit at nakikipaglaro ang mga ito rito.
“Hindi ba parang mali naman ‘yang ginagawa mo, mare? Ngayon lang makakasama ng mga anak mo ang tatay nila tapos parang pinagbabawalan mo pa sila,” sabi sa kaniya ng kaibigan niya, isang araw nang masaksihan nito ang ginawa niya habang sila’y nagkukwentuhan sa tapat ng kanilang bahay.
“Aba, anong mali sa ginagawa ko? Dapat lang sa kaniya ‘yan! Ni wala siyang pakialam sa amin ng mga anak niya tapos kapag uuwi siya rito dapat makasundo niya kaming lahat? Ano siya, sinuswerte?” masungit niyang sagot habang pinupunasan ng pawis ang anak na patakbo-takbo.
“Helen, alam mo naman noon pa na gan’yan talaga ang mga sundalo, hindi ba? Kung saan-saan sila dinedestino kaya palagi silang wala sa sarili nilang pamilya,” paliwanag nito sa kaniya.
“Basta, bakit ba pati emosyon ko pinapakialamanan mo? Magbabayad ka ng utang ngayon, hindi ba? Akin na! Ginogoyo mo pa ako!” pag-iiba niya ng usapan na talagang ikinatawa na lang ng kaniyang kaibigan saka nag-abot ng pera sa kaniya.
Ilang araw lang ang lumipas, muli na namang nagpaalam ang kaniyang asawa na kailangan na nitong bumalik sa trabaho at dahil nga wala naman siyang magagawa roon, tumango lang siya at sinabing, “Isara mo na lang ‘yong pinto, ha? Baka lumabas ang mga bata nang hindi ko namamalayan,” na ikinabuntong-hininga nito.
“Hindi mo man lang ba ako yayakapin? Hindi ka man lang ba magpapaalam sa akin nang maayos?” tanong nito habang mangiyakngiyak.
“Bakit? Mawawala ka na ba sa mundong ito? Huling araw mo na ba para magpaalam ako sa’yo?” sunod-sunod niyang tanong.
“Sige, kung ayaw mo, baka pupwedeng sa mga anak na lang natin ako magpaalam nang maayos. Hayaan mo naman ako na mayakap at mahagkan sila,” hiling nito na ikinailing niya.
“Hindi mo ba nakikitang tulog pa sila? Gigisingin mo pa sila para lang makapagpaalam ka? Kahit kailan talaga, makasarili ka!” sigaw niya rito dahilan para umalis na lang ito nang hindi man lang sila nagkakaayos.
Ni katiting na pangongonsenya, hindi siya nakaramdam nang araw na iyon. Sa katunayan, bahagya pang lumuwag ang pakiramdam niya nang makita niyang malungkot itong umalis ng kanilang bahay.
Kaya lang, paglipas lang ng halos isang buwan, isang tawag mula sa kumander ng kaniyang asawa ang gumising sa kaniya at balita nito, wala na ang kaniyang asawa dahil sa isang engkwentro.
“Huwag naman kayong gan’yan, sir, hindi pa kami nagkakaayos ng asawa ko!” biro niya pa.
“Pasensya na po, misis, totoo po ang sinasabi ko. Mamaya po, iuuwi namin sa inyo ang b*ngkay niya kasama ang ilan niyang gamit na puno ng litrato niyo,” tugon nito.
“A-anong litrato po?” tanong niya.
“Hindi niyo po ba alam na ang kabina niya ay puno ng litrato niyong mag-iina? Pati nga po ang kwintas, relo, sapatos, at kung ano pang gamit niya ay may maliit niyong litrato. Sabi niya pa nga, kayo ang lakas niya. Mahal na mahal po kayo ng asawa niyo, misis,” dagdag pa nito na ikinaluha niya na lamang.
Pagsisisi ang agad na sumakop sa kaniyang puso. Gustong-gusto man niyang ibigay ang yakap na hiling asawa, hindi na nito mararamdaman ang init ng katawan niya.
Wala na siyang ibang magawa noon kung hindi ang maiyak habang hinihintay ang pag-uwi ng labi ng kaniyang asawa. Lalo pa siyang nadurog nang makita kung gaano kalungkot ang kanilang mga anak na talagang ikinakonsensya niya.
“Patawarin mo ako, mahal, naging makasarili ako. Hindi ko man lang naisip ‘yong hirap at pagsasakripisyo mo para sa aming mag-iina,” ngawa niya sa kabaong nito.