Sumali Siya sa Isang Samahan ng Masasamang Loob; Pamilya Niya ang Magdurusa Rito
Miyembro ng isang grupong tumatapos ng masasamang tao ang padre de pamilyang si Kaloy. Binata pa siya nang mahumaling siya sa ganitong klaseng samahan. Napag-alamanan niya kasing bukod sa masisiguro niya ang pansariling kaligtasan kapag siya’y naging miyembro, nabalitaan niya pang maaari siyang makakilala ng mga mayayamang tao rito na pupwede niyang hingian ng tulong pinansyal.
Kaya naman, nang malaman niyang miyembro ng isang ganitong klaseng samahan ang isa sa kaniyang mga katrabaho, hindi siya na nagdalawang-isip at agad nang sumali rito. Kailangan man siyang saktan ng namumuno rito bilang tanda ng pagsali niya sa naturang samahan, hindi niya iyon kinatakutan. Bagkus, tinuring niya itong hamon at malaking oportunidad upang mas matugunan niya nang maayos ang responsibilidad niya bilang padre de pamilya.
“O, Kaloy, hindi porque miyembro ka na namin, mang-aabuso ka na ng iba, ha? Huwag na huwag mong dudungisan ang pangalan ng samahan natin. Tumatapos lang tayo ng buhay ng mga may sala sa mga kliyente natin, iyan ang tatandaan mo,” paalala sa kaniya ng kanilang pinuno.
“Opo, boss, makakaasa po kayo sa akin,” tugon niya saka agad pang sumaludo.
“Magsanay ka na simula ngayong araw dahil sa isang linggo, isasama kita sa pagtuturo ng leksyon sa isang taong bumangga sa ating mayor,” payo nito sa kaniya na talagang ikinasabik niya.
“Walang problema, boss!” sagot niya nang may galak sa puso.
Oramismo, siya nga ay agad na nagsanay at nang mapansin ng kaniyang asawa na panay ang pag-eehersisyo niya, pakikipaglaban ng suntukan sa kaniyang kapatid na coach ng boxing, at paggamit ng mga patalim at baril, agad siya nitong kinompronta.
“Huwag mong sabihing tinupad mo na ang pangarap mong maging miyembro ng isang samahang…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi ng asawa.
“Oo, ginawa ko iyon para maproteksyunan kayo ng mga anak natin at kumita ng pera. Wala ka nang magagawa para mapigilan ako,” mayabang niyang tugon na talagang ikinagalit nito.
Ilang beses man siyang pinagsabihan ng kaniyang asawa at kinumbinsing tumiwalag na dahil maaaring malagay sa panganib ang buhay nilang lahat, pinagpatuloy niya pa rin ito at agad pang sumama sa kanilang pinuno para sa unang kliyenteng pagtatrabahuhan niya.
Katulad ng inaasahan niya, matagumpay nga nilang nadispatya ang taong bumangga sa kanilang kliyente. Kapalit nito ang malaking halaga ng pera na talagang ikinatuwa niya.
Pagkakuhang-pagkakuha niya ng parte niyang pera na umabot sa halos kalahating milyong piso, dali-dali siyang dumiretso sa mall upang ibili ng mga gamit sa eskwela ang kaniyang mga anak at mamahaling bag ang kaniyang asawa.
At dahil nga unang beses niya lang makahawak ng ganito kalaking pera, naisipan niya na ring kumain sa mamahaling restawran pagkatapos niyang mag-shopping.
Alas otso na ng gabi nang siya’y makalabas sa mall. Wala na siyang sinayang na minuto at siya’y nagmadali nang umuwi upang maibigay na sa pamilya ang kaniyang pasalubong.
“Tiyak na matutuwa silang lahat sa mga regalo kong ito!” sabi niya pa sa sarili pagkababa niya sa taxi.
Kaya lang, bago pa siya pumasok sa kanilang bahay, napansin niya sa kanilang bintana ang ilang talsik ng dugo na agad niyang ikinaalarma at katulad ng ikinakatakot niya, nadatnan niyang wala nang buhay ang kaniyang asawang tadt*d ng saks@k habang yakap-yakap nito ang dalawa niyang anak na panay ang iyak.
“Papa! Maraming pumunta ritong lalaki, hinahanap ka, papa! Nang pinaalis sila ni mama, siya ang sinaktan!” iyak ng kaniyang panganay nang makita siya na talaga ikinadurog niya.
Agad siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kasamahan na agad namang nagdesisyong dalhin sa ligtas na lugar ang kaniyang mga anak.
Kaya lang, kahit pa ganoon, hindi pa rin mapanatag ang kaniyang loob lalo na’t nawala na ang kaniyang asawa na hindi man lang niya nabigyan ng isang disenteng libing.
Dito na niya napagtantong mali ang desisyon niyang sumali sa ganoong klaseng samahan dahilan para agad siyang makiusap sa kanilang pinuno na hayaan siyang magpapakalayo na kasama ang kaniyang mga anak.
Sa kabutihang palad, agad naman itong pumayag at binigyan pa siya ng pinansyal na tulong upang makapagsimula ng bagong buhay.
“Kapag kailangan mo ng tulong o kapag natunton ka ng mga taong gustong tumapos sa buhay mo, tawagan mo lang ako,” sabi pa nito na talagang ikinataba ng puso niya.
Simula noon, muli siyang namuhay nang normal kasama ang kaniyang mga anak. Pilit niyang binura sa memorya ng mga ito ang masakit na nangyari sa ilaw ng kanilang tahanan at pinakita niya kung gaano niya kamahal ang dalawang ito. Pinapakain niya ito ng mga masasarap na pagkain, pinapasyal sa magagandang lugar at kung ano pang makapagpapasaya sa mga bata.
Sa ganoong paraan, natutukan na niya ang paglaki ng kaniyang mga anak, nasiguro niya pa ang kaligtasan ng mga ito.
“Pasensya ka na, mahal. Hinayaan ko pang mawala ka bago ako magising sa maling desisyon ko. Hayaan mo, gagawin ko ang lahat para maproteksyunan ang mga bata,” bulong niya sa hangin habang inaalala niya ang mga masasayang karanasang naranasan niya kasama ang minamahal.