Inday TrendingInday Trending
Akala ng Babae ay Masaya na ang Pagsasama Nila ng Kaniyang Asawa; Matutukso Rin Pala Ito sa Iba

Akala ng Babae ay Masaya na ang Pagsasama Nila ng Kaniyang Asawa; Matutukso Rin Pala Ito sa Iba

Mula nang magkakilala sina Rica at Aleck at naging malapit sa isa’t isa, sumumpa na ang dalawa na sila ang magsasama sa habang buhay. Kahit ilang buwan palang silang magkarelasyon ay itinakda na nila ang kanilang kasal. Parehong nagtatrabaho ang dalawa sa isang supermarket bilang mga staff. May mga naipon na rin naman sila kaya handa na nilang pasukin ang buhay may asawa.

“Ipangako mo sa akin na susuklian mo ang pag-ibig ko, Aleck…ng buong katapatan at pagtitiwala. Maging matapat ka lamang sa akin, huwag mong sisirain ang pagtitiwala ko sa iyo. Kapag nagawa mo iyon ay husto na ang kaligayahan ko,” malambing na wika ni Rica sa nobyo.

“Pangako, mangyayari ang lahat ng iyan, mahal ko,” sagot ng lalaki.

Ngunit minsan, hindi maiiwasan na sa isang relasyon ay may kaakibat na pagtatampo.

“Kahapon ang sabi mo’y dadalawin mo ako rito sa bahay, pero napanis ako sa kahihintay sa iyo,” nagdaramdam na sabi ng dalaga.

Nangako kasi si Aleck na pupunta ito sa kanila at doon kakain ng pananghalian. Nagluto pa nga siya ng paborito nitong ulam pero hindi sumipot ang binata. Ni hindi man lang ito tumawag sa kaniya para sabihin na hindi ito makakarating.

“Sorry, masama kasi ang pakiramdam ko kahapon, eh,” tanging sagot ng nobyo.

Hindi naiwasan ni Rica na mag-alala at manibugho.

“Baka naman may ibang babae ka na ha?” masama ang loob na sabi niya.

Umiling ang binata. “Huwag kang mag-isip ng ganyan, mahal ko. Ikaw lang ang nag-iisang babaeng iniibig ko. Magtiwala ka sa akin,” buong lambing na sabi ni Aleck.

Para mapawi na ang mga agam-agam ni Rica ay minadali na ni Aleck ang kanilang kasal. Makalipas ang ilang linggo ay nag-isang dibdib na sila. Wala nang nakapigil sa pagsasanib ng daalwang pusong nagmamahalan.

“Sa wakas ay kasal na tayo, mahal ko. Napakaligaya ko,” sambit ni Rica sa mister.

“Masayang-masaya rin ako dahil ngayon ay misis na kita. Aking-akin ka na at wala nang makakaagaw sa iyo sa akin,” sabi ni Aleck na masuyong hinalikan ang asawa sa labi.

Sa isang linggo nilang pagsasama bilang mag-asawa ay tila wala nang kung anong makapaghihiwalay sa kanila. Bawat araw ay puno lang ng pagmamahalan at kaligayahang walang patid.

“Ayaw mo pang bumangon ha? Baka gusto mong hilain pa kita riyan,” sabi ng babae sabay pinagkukurot sa tagiliran ng mister.

“Oops, aray ko! Sige na, sige na, arayyy! Babangon na ako!” natatawang sabi ng lalaki.

Ang kanilang pagsasama ay puno ng pag-uunawaan at pagbibigayang tila walang katapusan…

“Ayokong ibibigay mong lahat sa akin ang buong suweldo mo ha, mahal ko? Magtira ka ng para sa iyo, ang lalaki, madalas na napapasubo, ‘di ba?” wika ni Rica.

“Kung iyan ang gusto mo, mahal ko, iyan ang masusunod,” malambing na sagot ni Aleck saka hinalikan sa labi ang asawa na nakahiga sa kama. Masama kasi ang pakiramdam ng babae. “Basta, ipangako mo rin sa akin na huwag kang babangon diyan ha? May lagnat ka. Ako na ang gagawa sa lahat ng gawain mo rito sa bahay. Wala naman akong pasok sa opisina ngayon, eh,” saad pa ng mister.

Akala ni Rica ay tuluy-tuloy na ang kaligayahan nila ni Aleck ngunit isang araw…

“Ewan ko nga kung anong nakita sa akin ng anak ng boss natin. Sa dami naming staff doon, sa akin pa nagpasama sa pagsa-shopping. Hindi naman ako makatanggi dahil siyempre anak ‘yon ng may-ari ng supermarket,” pagtatapat sa kaniya ng asawa.

“Baka naman kasi naguwapuhan sa iyo. Artistahin ka kasi, eh,” pabiro naman sagot ni Rica.

Hindi naman kasi maipagkakaila na magandang lalaki ang mister niya kaya marami sa mga katrabaho nila ang nagkakagusto rito pero malas lang ng mga ito at siya ang nagustuhan ng mister at pinakasalan.

“Hindi ‘no! Tiyak niya sigurong mabait ako at mapagkakatiwalaan,” tugon ng lalaki.

Pero, ganoon nga lang kaya? Nang minsang tumawag ang anak ng boss nila kay Aleck…

“Hello, ma’am?”

“Hi, Aleck! Nandito ako ngayon sa pabirito nating restawran na kinakainan, punta ka rito ha? Hihintayin kita, magpaalam ka kay daddy,” anito sa kabilang linya.

Pagdating ni Aleck sa restawran ay nagulat siya, naangiting naghihintay sa kaniya roon ang anak ng boss nila na si Alexia.

“Ma’am, ang dami namang pagkain! Birthday niyo po ba?” tanong niya.

“Porke maraming pagkain, birthday na? Hindi ba pwedeng para sa ating dalawa ito, para mabusog tayo?” malanding sabi ng babae.

Kahit nahihiya ay pinagbigyan ni Aleck ang imbitasyon ni Alexia.

“Sige kain na tayo and after this, samahan mo akong manood ng sine,” saad pa ng babae.

Ang pagiging malapit ni Aleck sa anak ng kaniyang boss ay nauwi sa bawal na relasyon. Hindi niya napigilan ang sarili na mahulog sa kagandahang taglay ni Alexia kaya ang naging resulta…

“Kung kasalanan man niya’y kasalanan ko rin, Rica. Nang tinukso niya ako’y natukso naman ako kaya…nabuntis siya at ako ang ama,” pagtatapat niya sa misis.

“Hindi ko akalain na magagawa mo sa akin ito, Aleck! Nangako ka, ‘di ba, na hindi mo sisirain ang pagtitiwala ko sa iyo?” naluluhang sabi ni Rica.

“Patawad kung nagkamali ako. Ikaw pa rin ang mahal ko, ikaw ang pag-ibig ko, kasal tayo,” sagot ni Aleck saka niyakap ang umiiyak na misis.

“Pero, dinadala niya ang anak mo. Gusto niyang magsama kayo,” sabi ni Rica na patuloy pa rin sa pag-iyak.

“Hindi siya ang mahal ko, Rica, ikaw! Hayaan mong patunayan ko sa iyo iyan.”

“May pananagutan ka na sa kaniya kaya dapat mong gampanan ang iyon, Aleck. Maawa ka sa magiging anak ninyo.”

Kahit masakit kay Rica ay pinakawalan niya ang asawa. Hinayaan niya itong gampanan ang pananagutan ng lalaki sa babaeng nabuntis nito dahil iyon ang tama.

Makalipas ang ilang buwan ay bumalik sa kaniya si Aleck.

“O, bakit narito ka? Aleck, ‘di ba, sabi ko sa iyo’y panagutan mo ang dinadala niya?” sabi ni Rica.

“Nagbalik ako dahil ibinigay na ni Alexia ang pagsuko at kalayaan sa akin. Walang buhay nang isilang niya ang anak namin. Nagdesisyon siyang makipaghiwalay na sa akin at bumalik na sa Amerika. Bumalik ako rito dahil ikaw pa rin ang mahal ko, kahit kailan ay hindi ka nawala sa puso ko. Pinagsisisihan ko na ang mga nagawa ko, Rica. Bigyan mo sana ako ng isa pang pagkakataon. Isinusumpa ko, suklian mo uli ang pag-ibig ko ng pagtanggap, sa sukli mong iyan, ang sukli ko naman’y pagsumpang kapag iyon ay naulit pa, sumpain mo ako’t huwag nang tanggapin kailanman,” pagsusumamo ng lalaki.

Hinaplos ni Rica ng kaniyang palad ang pisngi ng mister.

“Mahal pa rin kita, Aleck, ang pagbibigay ko sa iyo ng isa pang pagkakataon ay huwag mo na sanang suklian pa ng kataksilan dahil hindi ko na kakayanin pa. Huwag mo sanang sayangin ang ikalawang pagkakataon na ito,” naluluhang sabi niya.

“Pangako, mahal ko, hinding-hindi ka na ulit iiyak,” sinserong tugon ni Aleck saka masuyong hinalikan ang labi ng minamahal na asawa.

Ipinakita sa kwento na sa pag-ibig, ang buo ay nasisira at ang sira ay muling nabubuo kung bukal sa puso ang pagsisisi at pagtanggap sa pagkakamali.

Advertisement