
Hiniwalayan ng Babae ang Lalaki Dahil Pangit ang Ibinigay Nitong Regalo sa Anibersaryo Nila; Pagsisisihan Niya Pala Iyon sa Paglipas ng Panahon
Tatlong taon nang magkasintahan sina Rob at Wendy. Plano ng lalaki na sorpresahin ang nobya para sa kanilang anibersaryo kaya humihingi siya ng payo sa kaniyang tiyahing si Clarita, matandang dalaga. Ito ang nag-iisang kapatid ng kaniyang ina na sa bahay na niya nakatira. Dahil walang pamilya ay ito na ang tumatayong pangalawa niyang ina. Ang mga magulang ni Rob ay parehong nasa Canada, nag-iisa rin siyang anak ng mga ito. Bukod sa trabaho niya bilang sales manager sa isang malaking kumpanya sa Makati ay pinapadalhan pa sila pera ng mama at papa niya buwan-buwan upang may panggastos silang magtiyahin.
“Papa, hindi niyo na kami dapat padalhan pa ng pera ni tita. May trabaho naman po ako rito at ako po ang bahala sa lahat ng pangangailangan naming dalawa,” wika ni Rob sa telepono.
“Edi ipunin mo na lang. Magagalit ang mama mo pag hindi mo tinanggap ang mga ipinapadala namin diyan sa inyo,” pangungumbinsi ng kaniyang ama.
Ang ugaling iyon ni Rob ang ayaw na ayaw ng nobya niyang si Wendy. Hindi nito gusto ang pagiging ma-prinsipyo niya kaya kapag may mga ganoong eksena na tumatanggi ang lalaki sa kaperahan ay lihim na nangngingitngit ang babae. Mukhang pera kasi si Wendy, ang totoo, hindi naman nito mahal si Rob, ginusto lang ni Wendy ang lalaki dahil mapera ito at sunud na sunod ang luho niya rito. Malaki ang sahod ni Rob sa pinagtatrabahuhang kumpanya at pinapadalhan pa ng pera ng mga magulang sa abroad, o ‘di ba, bongga! Kapag nagkatuluyan sila ay buhay reyna siya.
Marami na ngang plano ang babae kapag ikinasal sila ni Rob. Kahit hindi pa siya nito inaaya ay sinisiguro niyang mapapasakanya ang nobyo pero may isa siyang pinoproblema, ang tiyahin nitong si Clarita na nakatira pa rin sa magandang bahay ng lalaki. Hindi maaari na pag mag-asawa na sila ay naroon pa rin ang bwisit na tiyahin. Gusto niya ay silang dalawa lang ni Rob ang titira roon. Kailangang mapalayas niya ang sagabal na babae.
“Aba, pag kasal na kami ni Rob, hindi na pwedeng tumira ang epal na tita niya sa bahay ‘no! Ayoko ng may asungot!” inis niyang sabi sa isip.
Napansin naman ni Rob na nakasimangot siya. Kasalukuyan silang kumakain sa isang mamahaling restawran. Doon nila isine-celebrate ang ikatlong taon nilang anibersaryo. Isa iyon sa sorpresa sa kaniya ng lalaki, ang dalhin siya sa pinakamahal na restawran dahil alam nitong isa iyon sa gusto niya.
“Honey, tatlong taon na tayo. Salamat sa mga taon na nandiyan ka sa tabi ko. Mahal na mahal kita, Wendy. Happy anniversary!” masayang sabi ng lalaki at inilabas nito ang isang maliit na kahon.
Napatakip naman sa kaniyang bibig si Wendy bago nakapagsalita.
“Naku, happy anniversary labs. Sana hindi ka na nag-abala. Ano naman ‘yang gift mo sa akin?” sabik na sabi niya. Ine-expect niya na isa iyong engagement ring o iba pang mamahaling alahas na pwede niyang ipagyabang sa mga kaibigan niya at ipost sa social media.
“Buksan mo,” sabi ni Rob.
Nang buksan niya ang kahon, ang saya niya ay biglang naglaho at napalitan ng pagkadismaya dahil isang luma at pangit na kwintas ang nasa loob niyon. Mukhang nakuha pa iyon sa panahon ng kupong-kupong.
“Sh*t! A-ano ito? Kay pangit naman nito! Bibigyan mo ako ng regalo tapos ganito?” ‘di napigilang itanong ng babae sa nobyo.
Nagulat si Rob sa naging reaksyon ni Wendy.
“What’s wrong? Hindi mo ba nagustuhan ang gift ko sa anniversary natin?”
“Anong what’s wrong? Kita mo ‘yang pangit na kwintas na ‘yan? ‘Yan talaga ang ibibigay mo sa akin? How cheap! Sorry, Rob pero hindi ko matatanggap ‘yan!” inis na sabi ng babae.
“P-pero, honey…”
Hindi na pinagsalita ni Wendy ang lalaki sa halip ay nilait-lait pa niya ito.
“Sorry, Rob, pero kung bibigyan mo lang ako ng ganyan, eh, mag-break na tayo!” sabi niya at tumayo na sa kinauupuan.
“W-Wendy…”
“Ang kapal ng mukha mo! Sana pala ‘yung kaibigan mo na lang na si Dennis ang sinagot ko noon, at least siya kaya akong bigyan ng mamahaling regalo kaysa sa iyo na tatlong taon na tayo’t lahat hindi mo pa rin ako mabigyan ng mamahaling alahas. Nag-expect pa naman ako na magpo-propose ka na sa akin at isang mamahaling singsing ang ibibigay mo tapos ito lang pangit na kwintas na ito ang mapapala ko? Bwisit ka! Huwag mo na akong tatawagan ha? Ayoko na sa iyo, ang tagal kong naghintay tapos cheap lang ang mahihita ko? Goodbye, Rob hindi ka karapat-dapat sa akin, pwe!” mataray na sabi niya sabay talikod at umalis na.
Napako sa pagkakaupo si Rob, hindi niya inasahan na gagawin iyon sa kaniya ni Wendy. Kay tagal niyang pinagplanuhan ang anniversary nila tapos ay makikipaghiwalay lang ito sa kaniya? Sinayang nito ang tatlong taon nila.
Lulugu-lugong umuwi ang lalaki sa bahay. Mugto ang mga mata at masama ang loob. Sinalubong siya ng kaniyang tiyahin na nang makita siya ay agad na nag-alala sa kaniya. Ikinuwento naman niya rito ang nangyari.
“Bakit ganoon, tita? Saan ba ako nagkulang? Minahal ko siya pero sakit sa kalooban pa rin ang isinukli niya sa akin,” umiiyak na sabi ng lalaki.
Niyakap siya ng tiyahin. “Huwag ka nang malungkot, buti nga at nalaman mo nang maaga ang tunay na pagkatao ng Wendy na iyon. Hindi ikaw ang nawalan kundi siya,” sambit ng babae.
Makalipas ang maraming taon…
Hindi magkandaugaga si Wendy habang namimili sa grocery dahil kasama nito ang tatlong anak na maliliit pa. Isang tatlong taon, isang apat na taon at isang sanggol na karga-karga niya. Nang hiwalayan niya noon si Rob ay tinanggap niya ang panliligaw ng kaibigan nitong si Dennis pero nagkamali pala siya ng desisyon dahil imbes na sarap ay hirap ang ipinaranas nito sa kaniya. Inanakan lang siya nito ng tatlo pagkatapos ay palagi pa siyang sinasaktan sa tuwing umuuwi ito nang lasing. Napaka-babaero rin nito at nagdadala ng iba’t ibang babae sa inuupahan nilang maliit na apartment. Ang masaklap ay ginagawa pa siyang katulong ng mga babaeng iyon sa sarili niyang bahay. Kapag inaaway niya ang mga ito ay binubugb*g siya ni Dennis. Napapaiyak na lang siya sa isang tabi at nagsisisi na sana ay hindi niya hiniwalayan si Rob, mas maayos sana ang buhay niya. Maya maya naputol ang iniisip niya nang makita niya ang tiyahin ni Rob na si Clarita na namimili rin sa grocery. Nilapitan niya ito.
“T-tita, natatandaan niyo po ba ako?” tanong niya.
Sinulyapan siya ng babae at nang makilala siya ay napangiti ito.
“O, Wendy, ikaw na ba yan?” gulat nitong tanong.
Nahihiya naman siyang tumango.
“Kumusta na po kayo? Ako po, ito, may mga anak na. K-kumusta na po si Rob?” tanong niya.
“May-asawa na siya ngayon, hija. Tatlong taon na silang kasal ni Kathleen at mayroon na silang kambal na anak na babae. Mabait si Kathleen at galing sa mahirap na pamilya pero disente, higit sa lahat minahal niya ang pamangkin ko nang buong-buo at hindi tumitingin sa yaman at luho. Masuwerte ka na noon kung tinanggap mo ang regalong ibinigay ni Rob sa iyo noong anibersaryo ninyo dahil kaugalian sa aming pamilya na bibigyan ng lalaki ang babaeng gusto niyang pakasalan ng antigong alahas na nagmula pa sa mga ninuno ng aming angkan. Kapag nakatanggap ka niyon, ibig sabihin ikaw na ang napili para maging asawa pero wala, eh, tinanggihan mo. Alam mo ba na ang kasunod sana niyon ay ang pagpo-propose sa iyo ng kasal ni Rob? Nakabili na nga siya ng singsing para sa iyo pero sinayang mo, Wendy,” bunyag ng babae.
Napaluha si Wendy sa katotohanang sumambulat sa kaniya. Wala siyang kaalam-alam na mamahalin palang kwintas ang ibinigay sa kaniya noon ni Rob, alahas iyon na pagmamay-ari ng angkan ng pamilya ng lalaki na ibinibigay lamang para sa babaeng mapupusuan na maging asawa. Pinakawalan niya pa ang suwerte. Nasa kama na siya noon, mas pinili pa niyang lumipat sa papag.
Sa ngayon, puno siya ng pagisisi dahil wala na siyang babalikan. Masaya na si Rob sa asawa nito’t mga anak samantalang siya ay miserable at nagdurusa sa buhay na pinili niya.