Lumaki si Agatha sa marangyang buhay. Mayaman ang daddy niyang si Don Rufino na nagmamay-ari ng tatlong malalaking kumpanya sa bansa. Pumanaw sa panganganak sa kaniya ang ina kaya hindi na niya ito nasilayan pero kahit ang ama lang ang kasama niya ay kuntento na siya. Sunod kasi lahat ang luho niya rito. Sa ekslusibong eskwelahan din siya nag-aaral at tulad niyang may kaya ang mga kaklase niya. Hatid-sundo rin siya ng kotse at linggo-linggong binibigyan ng malaking allowance ng daddy niya.
Maganda at matalino rin si Agatha kaya maraming lalaki ang nagkakagusto sa kaniya pero may pagka-spoiled siya kaya pakiramdam niya ay lagi siyang tama. Masungit din siya sa mga kasambahay nila, sa mga ito niya ipinapakita ang pangit niyang ugali.
“Tat*nga-t*nga ka kasing lagi, eh. Hindi mo iniintindi ‘yung inuutos ko sa iyo!” singhal niya sa isa nilang nakatatandang kasambahay.
“S-sorry po, senyorita,” tugon naman nito na halatang napahiya sa mga sinabi niya.
Sa mga sandaling iyon, pakiramdam ni Agatha, siya ay reyna na siya dapat ang masunod.
“Sorry?! Umalis ka nga sa harap ko! Baka kung ano pang magawa ko sa iyo!” gigil pa niyang sabi.
“Opo, pasensya na po,” sagot ng matanda na kanina pa nangangatog sa takot.
Nang umalis na ang kasambahay ay binalingan naman niya ang hardinero nilang si Raffy. Beinte tres anyos na gaya niya, anak ito ng drayber at labandera nila. Working student ang binata at matalino rin. Masipag ito sa trabaho kaya lubos na pinagkakatiwalaan ng daddy niya. Matagal na siyang bwisit dito dahil paborito ng kaniyang ama. Insecure din siya rito dahil mas matalino ito sa kaniya. President’s lister ito sa eskwelahang pinapasukan samantalang dean’s lister lang siya.
“Hoy, Raffy, linisin mo na ‘yung kotse at sabihin mo sa tatay mong magbihis na siya at aalis na kami!” sigaw niya.
Tumingin lang sa kaniya ang binata at…
“Sandali lang, tatapusin ko muna itong pagdidilig ng mga halaman,” sagot nito.
Napaismid ang dalaga. Hindi man lang siya nito sinabihan ng ‘opo senyorita’?
“Unahin mo na ‘yung kotse dahil tanghali na ako, ‘no! Ayokong ma-late sa school!” inis niya pang sabi.
Pero ang tanging tugon lang sa kaniya ni Raffy ay…
“Oo!”
Mas lalong kumulo ang dugo ni Agatha sa binata. Kung spoiled siya ay nakatagpo siya ng katapat sa katauhan ni Raffy.
“Ang bastos na ito a! Teka nga, humanda ka sa akin!” gigil na sambit niya sa isip at nilapitan ang binata. “Hoy, bastos! Bakit ganyan ka kung sagutin ako? Huwag kang antipatiko ha? Ano bang ipinagmamalaki mo?” aniya.
Hindi siya pinansin ni Raffy. Sumisipol-sipol pa ito habang nagdidilig kaya mas lalo siyang nairita rito.
“Pag kinakausap kita, matuto kang sumagot ha?”
Nilingon siya ng binata. “Sasagutin kita kung kakausapin mo ako bilang tao, hindi bilang isang busabos,” tugon nito.
Nagpanting ang tainga ni Agatha sa pabalang na sagot sa kaniya ng hardinero. Aba, wala itong karapatan na pagsalitaan siya ng ganoon. Siya ang amo at muchacho lang ito!
“Ang galing mo, a! Bakit, gaano ba kataas ang tingin mo sa sarili mo? Anak ka lang naman ng drayber at labandera namin!” sabi niya na pinamewangan pa ang kausap.
“Hindi siguro tataas pa sa tingin mo sa iyong sarili dahil ‘di tulad mo’y nakatuntong pa ako sa lupa,” makahulugang sagot ni Raffy. “Alam kong labandera ninyo ang nanay ko at drayber ang tatay ko, binabayaran ninyo ang serbisyo namin. Katulong kami pero hindi alipin. At hindi sapat ang bayad ninyo sa mga magulang ko para apakan ang buong pagkatao naming tatlo,” saad pa nito.
Napalunok si Agatha sa litanyang iyon ng binata.
“Aba’t….
Akmang sasampalin ng dalaga si Raffy pero…
“Lalong hindi mo karapatang gawin sa akin iyan, huwag mo nang ituloy dahil baka ibalik ko lang sa iyo. Kung gusto mong igalang kita, igalang mo rin ako,” wika ng binata.
Dahil sa sinagot-sagot siya ng binata ay umiiyak siyang nagsumbong sa daddy niya. Gusto niyang maparusahan nito si Raffy sa ginawang pamamahiya sa kaniya. Gusto niyang mapalayas ito sa bahay pati na ang mga magulang nito bilang ganti ngunit…
“Sorry, hija, pero mabuting bata ‘yang si Raffy. Kilala ko siya,” tugon ni Don Rufino.
“T-teka, hindi ka naniniwala sa akin, daddy? Ako na nga ‘yung sinagot nang pabalang nung lalaking ‘yon!” wika niya.
“Naniniwala, pero mas naniniwala akong dapat lang gawin ni Raffy iyon, kilala rin kita anak, masyadong pinalaki ng lolo’t lola mo ang ulo mo palibhasa’y nag-iisa kitang anak,” saad pa ng ama.
“Pero dad…”
“Panahon na para pakonti-konti’y maputol ang sungay mo. Wala na ang mommy mo, isang araw ay mawawala na rin ako. Paano kang mag-iisa kung naroon ka sa itaas at hindi maabot ng kahit sino?” paliwanag ng daddy niya.
Napatungo si Agatha. Napagtanto niya na sumosobra na ang pagiging mapagmataas niya. Marahil ay wala kasing inang gumagabay sa kaniya kaya ganoon ang naging ugali niya. Palagi kasing abala ang daddy niya sa negosyo. Ang lolo’t lola naman niya ay ibinibigay rin ang lahat ng gusto niya. Naging sarado ang isip niya na hindi pala nasusukat sa estado sa buhay ang pagbibigay galang sa kapwa.
“Daddy, pwede pa akong magbago, ‘di ba?” nahihiya niyang tanong.
“Oo naman, hija. Simulan mo na ngayon ang magpakababa. Hindi habang panahon ay Diyos ka sa langit. Sige, mag-sorry ka kay Raffy,” sabi ni Don Rufino sa anak.
Spoiled si Agatha, mahirap tanggapin ang pagkakamaling ginawa niya pero kailangan…
“Tawag mo raw ako? May iuutos ka ba o sisigawan mo uli ako?”
Sinimulan na ng dalaga na magpakumbaba.
“Ipinatawag kita, Raffy kasi…hihingi nga sana ako ng dispensa sa nangyari kanina. Alam kong mali, pasensya ka na ha? Kung pwede sana….kung pwedeng maging magkaibigan na tayo? Maaari ba iyon?” wika niya.
Napangiti ang binata. Naramdaman naman nito ang sinseridad sa mga sinabi ni Agatha.
“Sorry din kung sinagot kita, senyorita,” sagot ng binata.
“Huwag mo na akong tawaging senyorita, Agatha na lang,” nakangiting sabi ng dalaga na iniabot ang kamay kay Raffy na tanda ng pakikipag-ayos. Tinaggap naman nito ang pagpapakumbaba niya.
Mula noon nag-iba na ang ugali ni Agatha. Hindi na siya spoiled at mapagmataas. Marunong na siyang gumalang at makipagkapwa. Naging mas malapit din sila ni Raffy sa isa’t isa.
“Gusto mong ikuha kita ng mga rosas sa hardin? Marami nang bulaklak ‘yung tanim ko,” malambing na sabi ni Raffy sa kaniya.
“Sige ba,” kinikilig niyang sabi. “Hindi ko nga siya kauri dahil totoong tao siya, totoong totoo,” saad pa niya sa isip.