Inday TrendingInday Trending
Sasalubungin ng Lalaki at ng mga Anak Niya ang Pagbabalik ng Misis na OFW; Imbes na Saya ay Luha ang Hatid Niyon sa Kanila

Sasalubungin ng Lalaki at ng mga Anak Niya ang Pagbabalik ng Misis na OFW; Imbes na Saya ay Luha ang Hatid Niyon sa Kanila

Isinuot ni Thomas ang pinakamaayos niyang polo shirt pagkatapos ay tiningnan ang sarili sa salamin. Naglagay ng kaunting pomada sa buhok at sinuklay ito. Pinagbihis na rin niya ang tatlong anak at sinigurong magaganda ang mga dalagita niya. Sa araw na iyon kasi ay nakatakda nilang sunduin ang kaniyang asawang si Belinda mula sa Saudi.

Paglabas nila sa bahay ay tumawag ng taxi ang lalaki.

“Mama, pakihatid niyo po kami sa airport,” wika niya.

Napansin ng panganay niyang anak na si Rica na tila kinakabahan siya.

“Itay, ayos ka lang po ba? Ano pong problema?” tanong nito sa nag-aalalang ekspresyon ng mukha.

Tumango naman siya tapos ay hinaplos ang pisngi ng anak.

“Ayos lang ako. Ikaw ba, ayos ka lang, anak?” balik tanong ni Thomas kay Rica.

Napakagat-labi lang ang dalagita at hindi diretsang siangot ang tanong niya. Inihilig nito ang ulo sa balikat niya at itinago ang pangingilid ng luha.

Niyakap niya ang anak at binulungan ito.

“Huwag ka nang umiyak, anak. Pauwi na si nanay, makikita na natin siya,” tugon niya.

“Hindi ko lang po mapigilan, itay. Miss na miss ko na po kasi si inay, eh” sabi nito sa minamalat na tono.

“Eto na nga, makikita na natin siya. Ilang taon din natin siyang hindi nakita kaya ngayong parating na siya dapat ay magaganda kayong tatlo. Matutuwa ‘yon, kasi kasing ganda niyo siya ngayon,” nakangiti niyang sabi sa tatlong dalagita.

“Itay, totoo po, kasing ganda namin si inay?” tanong ng pangalawa niyang anak na si Rochelle.

“Mana po kami kay mama at sa iyo papa, poging-pogi ka rin po,” sabad naman ng bunso niyang si Rose.

Hinalikan niya sa noo ang tatlong anak at niyakap ang mga ito.

Nang makarating sila sa airport ay lalong lumakas ang kaba sa dibdib ni Thomas. Biglang bumalik sa alaala niya ang panahon na kasama pa niya ang misis at hindi pa ito pumupunta sa Saudi para magtrabaho.

Natanggal siya noon sa pinapasukang pabrika dahil nagbawas ng mga empleyado. Dahil hirap siyang makahanap ng bagong trabaho, nagdesisyon ang asawa niyang si Belinda na mangibang bansa para kanilang pamilya. Hindi pwedeng mahinto sa pag-aaral ang mga anak nila kaya kahit labag sa loob niya ay pinayagan niya itong magtrabaho sa Saudi.

“Sabi ko sa iyo’y ako na lang ang aalis, eh, pero mapilit ka. Hindi biro ang tatlong taon,” maluha-luha niyang sabi sa misis habang hinahatid ito sa airport.

“Mabilis lang ang tatlong taon, mahal. Mas gusto kong ikaw ang magbantay at mag-asikaso sa mga anak natin. Mas panatag ako kung ikaw ang maiiwan dito sa Pilipinas. Huwag kang mag-alala, babalik din ako agad pag natapos na ang kontrata ko,” naiiyak na ring sabi ni Belinda.

“Nalulungkot lang kasi ako, hindi naman dapat ikaw ang gumagawa nito. Ako ang lalaki, eh,” wika ni Thomas. Wala na siyang pakialam kung makita ng ibang tao na umiiyak. Siyempre, aalis ang misis niya at matagal na hindi ito makikita.

Hinaplos ni Belinda ang pisngi niya. “Mas mabilis kasing matanggap ang tulad kong babae sa ibang bansa kapag domestic helper. Huwag mong maliitin ang sarili mo, mahal. Makakahanap ka rin ng trabaho pero ngayon hayaan mo munang tulungan kita. Para rin nman ito sa pamilya natin. Ang mga bata ha? Ikaw nang bahala sa kanila habang wala ako,” bilin ng misis na muli siyang niyakap nang mahigpit.

“Huwag kang magtatagal dun ha? Hihintayin namin ng mga bata ang pagbabalik mo. Mahal na mahal kita, Belinda,” smabit niya.

“Mahal na mahal din kita, Thomas. Mahal na mahal ko kayo ng mga anak natin. Pangako, magkikita-kita ulit tayo,” wika ng babae saka hinalikan siya sa labi.

“Sir, ready na po ba kayo?” tanong ng isang guwardiya sa airport. Bigla siyang nagising sa pagkatulala, bumalik na sa kasalukuyan ang gunita niya.

Tumango lang siya bilang tugon. Pumuwesto sila ng mga anak kung saan naghihintay ang pamilya ng mga darating mula sa ibang bansa. Kinakabahan na siya, ilang sandali na lang ay makikita na niya si Belinda.

Maya maya ay niyakap ni Thomas ang tatlong anak.

“Nandyan na ang nanay ninyo,” bulong niya sa mga ito.

Sa wakas, natanaw na niya ang asawa, bigla siyang nanlambot at nagsimula nang mangilid ang luha sa mga mata niya. Dahan-dahan niyang inakay ang mga anak palapit sa misis.

Nang makita ng tatlog anak ang kanilang ina, imbes na matuwa ay napahagulgol na rin ang mga ito dahil ang pagsalubong na iyon ay hindi kaligayahan ang dala kundi kalungkutan at pagluluksa.

Dumating na ang misis niyang si Belinda ngunit wala na itong buhay at nakalagay sa kahon.

Halos himat*yin si Thomas nang buksan niya ang kahon, tumambad sa kaniya ang misis na wala nang hininga, payat na payat at puro pasa ang buong katawan.

“Belinda,” hagulgol niya. Nakayakap sa kaniya ang tatlong anak na umiiyak na rin.

Hindi gaya ng ibang OFW na nakipagsapalaran sa Saudi, hindi sinuwerte ang misis niya. Minalas ito sa naging amo. Pinagsamant*lahan ito ng among Arabo at nang malaman ng asawa ang nangyari ay ginutom, gin*lpi at pinahirapan pa nito ang misis niya hanggang sa mawalan ng buhay. Ang sabi sa report, kapwa Pinoy na domestic helper pa ang nakakita sa labi ni Belinda na itinapon lang sa kalsada. Nang malaman niya iyon ay durog na durog ang puso niya, kaawa-awa talaga ang kinasapitan ng asawa niya. Pakiramdam niya ay gusto niya ring pumat*y ng tao. Gusto niyang ipaghiganti ang misis niya.

Nakahinga lang siya nang maluwag nang makasuhan ang Arabo at napagbayad sa kahayup*ng ginawa sa misis niya. Nakamit man nila ang katarungan ngunit hindi na noon maibabalik pa ang buhay na nawala. Wala na ang asawa niya, wala na ang ina ng mga anak niya.

“Mahal ko, paano na kami ng mga anak natin? Hindi ko alam kung paano pa itutuloy ang buhay nang wala ka,” sambit niya na hindi pa rin tumitigil sa paghagulgol. Sa sobrang sama ng loob ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay. Dinala siya sa ospital ng mga guwardiyang naroon.

Habang nakapikit ay narinig niya ang boses ng kaniyang asawa.

“Mahal ko, alam kong kakayanin mo. Kayanin mo para sa mga anak natin. Mahal na mahal ko kayo,” bulong nito.

Ilang saglit lang ay nagising na siya. Nakita niya ang sarili sa loob ng kwarto ng ospital. Nasa tabi niya ang tatlo niyang anak. Umiiyak at nag-aalala sa kaniya.

Niyakap niya ang mga ito. “Huwag kayong mag-aala, narito pa si tatay. Balang araw ay magkikita-kita ulit tayo ng nanay ninyo. Kaya natin ito, mga anak,” sabi niya.

Ipinakita sa kwento na hindi biro ang ginagawang sakripisyo ng mga OFW upang mabigyan lang ng magandang buhay ang kanilang pamilya, lahat ay kaya nilang ibigay para sa mga minamahal nila kahit ang kapalit pa ay sarili nilang buhay.

Advertisement