
Pinagtakhan ng Dalaga ang Biglang Pagtawag ng Dating Kaibigan; Hindi Niya Inaasahan ang Tunay Nitong Sadya
Abala si Janice sa pagre-repack ng kaniyang mga paninda nang tumunog ang kaniyang selpon. Agad niya iyong kinuha at tiningnan kung sino ang tumatawag sa kaniya. Hindi niya kilala ang numerong lumabas sa kaniyang selpon, ngunit naisip niyang baka isa iyon sa kaniyang mga kustomer, kaya napagpasyahan niyang sagutin iyon.
“Hello?” kausap niya sa kabilang linya.
“Janice!” tumitiling sambit ng boses babae. “Ako ito si Hazel, naaalala mo pa ba? Magkaklase tayo noong high school.”
“Hazel, ikaw pala iyan! Nakakagulat ka naman. Paano mo nalaman ang number ko?” tanong niya. Alam naman niya ang sagot sa tanong niyang iyon, ngunit wala na kasi siyang ibang maisip sabihin.
“Uy! Nabalitaan kong isa ka na raw successful business woman ah. Ang galing-galing mo naman,” anito.
Gustong isipin ni Janice na pinupuri siya ng kaibigan, ngunit pakiramdam niya’y may ibang ibig sabihin ang mga kataga nito. Pakiramdam niya’y hindi pa rin talaga nagbabago ang babae. Magkaklase sila noon pero hindi sila close sa isa’t-isa. Kaya nga naiilang siyang kausap ito, dahil hindi naman sila talaga malapit na magkaibigan.
“Nga pala, Janice, pwede ba kitang imbitahan sa kasal ko? Punta ka ah, ‘yong iba nating kaklase noong high school inimbita ko na rin sila at nangakong dadalo sa kasal ko. Hinanap talaga kita kasi gusto kong magkita-kita tayong muli sa kasal ko,” ani Hazel.
Hindi man niya nakikita ang mukha nito’y nailalarawan niya sa kaniyang isipan na masaya ito.
“S-sige, walang problema. Sabihin mo na lang sa’kin kung kailan at kung saan gaganapin para makapaghanda naman ako sa importanteng araw ng buhay mo, Hazel.” Iyon ang totoong sinasabi ng kaniyang puso. Ayaw naman niyang dumalo sa kasal nitong mukha siyang timang! Mahalaga ang araw na iyon para kay Hazel, kaya dapat lang sigurong paghandaan niya iyon nang bongga!
“Sige, Janice, aasahan kita sa kasal ko ah,” masayang wika nito.
Akmang ibababa na sana niya ang selpon nang marinig itong muli.
“Nga pala, Janice, pwede ba akong humingi ng pabor sa’yo? Balita ko kasi may iniangat ka na sa buhay at matagumpay ang pinasok mong negosyo. Hindi ba’t gumagawa rin kayo ng mga invitation card?” tanong ni Hazel.
“Oo,” maiksi niyang tugon.
“Janice, baka pwedeng ikaw na lang ang gumawa ng invitation card namin? Halos kumpleto na ang lahat sa kasal ko, maliban sa invitation card. Kaysa sa iba pa ako magpagawa, naisip ko na bakit hindi na lang sa’yo, ‘di ba?”
Marahang tumango-tango si Janice, kahit alam naman niyang hindi siya nakikita ni Hazel. “Sure, mas maigi nga iyong naisip mo. Iba-iba kasi ang presyo ng papel na gagamitin Hazel, pero huwag kang mag-aalala, dahil magkaibigan tayong dalawa, bibigyan kita ng discount,” nakangiti niyang wika.
“Huh?! Discount lang? Bakit hindi mo na kang ilibre ang bagay na iyon sa’kin, Janice? Pakunswelo, hindi ba’t magkaibigan naman tayo, at saka pupunta ka naman sa kasal ko. Ano ka ba naman, pababayaran mo pa talaga? Ilibre mo na lang, masyado ka namang negosyante, pati kaibigan pinapabayad,” ani Hazel.
Naririnig naman niya ang mahinang tawa nito na animo’y nagbibiro. Gusto niyang isipin na nagbibiro lamang ang babae, ngunit iba ang pakiramdam niya dahil mukhang seryoso ito sa sinabing ilibre na lamang niya ang sinasabi nito.
“Naku, Janice, ikinalulungkot kong sabihin ngunit hanggang discount lang talaga ang kaya kong ibigay sa’yo,” aniya. Kunwa’y sinasabayan ng tawa ang bawat salita. “Hindi ko naman pwedeng hingin sa supplier ang papel na gagamitin ko sa invitation card mo, alangan naman sabihin ko sa supplier na ilibre na lang nila sa’kin ang papel, dahil kasal naman iyon ng kaibigan ko. At saka hindi ko rin pwedeng ilibre ang araw ng mga trabahante kong gagawa ng invitation card mo, baka pagsasampalin ako ng mga iyon at sabihing anong paki nila sa kasal mo. Kaya discount lang talaga ang kaya kong ibigay Hazel, hindi ko kaya ang hinihingi mo,” ani Janice.
“Grabe! Kaya pala naging matagumpay ang negosyo mo, Janice, dahil sugapa ka sa pera. Hindi kataka-takang umangat-angat ka sa buhay dahil mukha kang pera! Akala ko pa naman may mapapala ako sa’yo. Huwag ka na lang pumunta sa kasal ko kung makikikain ka lang!” inis na wika ni Hazel.
Isang mahinang tawa ang pinakawalan ni Janice. “Alam mo Hazel, hindi ako sugapa sa pera. Ipinaliwanag ko na nga sa’yo kanina ang dahilan kung bakit hindi ko pwedeng ibigay nang libre ang tinda ko. Hindi bunganga ko lang ang pinapakain ko sa negosyong ito, Hazel. Pati bunganga ng mga trabahante ko’y itong negosyo ko ang inaasahan. Hindi naman pwedeng isang pasasalamat lang ang ibigay ko sa kanila, syempre kaya nga sila kumakayod dahil kailangan nila ng pera,” mahinahong paliwanag ni Janice.
“Ikaw ang sugapa… panay palibre ka lang. Huwag kang magpapakasal kung kulang ang budget mo. At saka hindi mo na kailangang sabihin sa’kin na huwag akong pumunta sa kasal mo, dahil wala naman talaga akong balak pumunta. Kaya kong kumain ng mga pagkain na gusto ko dahil marami akong pera. Hindi ko kailangan ang kasal mo para makakain,” aniya saka agad na ibinaba ang tawag.
Maganda ang gising niya kanina, nasira nga lang ngayong nakausap niya si Hazel.
Kumakayod ang isang tao upang mabuhay sa mahirap na mundong ito. Kung sa palagay ng nakakarami ay mukha silang pera at sugapa dahil ayaw nilang ilibre ang kaibigan nila, hindi na nila problema ang bagay na iyon, ang taong mahilig magpalibre sa kaibigan na mismo ang may mali!