Hilig ng Babaeng Ito na Saktan ang Kaniyang Anak kahit sa Maliliit Lamang na Pagkakamali Nito; Isang Aksidente ang Magpapabago sa Kaniyang Pagdidisiplina
Noon pa man ay talagang mainitin na ang ulo ni Aling Gloria, lalong-lalo na sa tuwing siya ay mapapagod sa mga gawaing bahay. Lima ang kaniyang anak, at ang lahat ng ito ay sanay sa palo, kahit pa sa maliliit lamang na kasalanang nagagawa ng mga ito.
Sa makalumang estilo kasi ng pagdidisiplina lumaki si Aling Gloria, kaya naman akala niya ay magiging epektibo rin iyon sa kaniyang mga anak. Bukod pa sa mahirap lamang sila at kulang ang edukasyon nila tungkol sa ganitong mga bagay.
Pawang may mga asawa’t anak na ang apat sa mga anak ni Aling Gloria, kaya naman ang natitira na lamang sa kaniyang pangangalaga ay ang kaniyang bunsong si Edison, siyam na taong gulang. Dahil doon ay ito tuloy ang sumasalo ng lahat ng init ng ulo ni Aling Gloria, kaya naman halos mamanhid na ang balat nito sa palo ng tsinelas, sinturon, patpat o ’di kaya’y hanger.
“Edison! Hindi ka na naman talaga nag-igib ng tubig, ano? Tingnan mo at walang laman ’yong drum!” galit na hiyaw ni Aling Gloria sa anak nang makita niyang walang inipong tubig ang drum sa likod ng kanilang bahay na siya niyang ginagamit na pampaligo o ’di kaya’y panghugas ng pinggan.
“Nanay, nagmo-module lang ho ako saglit. Mag-iigib din po ako agad,” sagot naman ng kaniyang anak na si Edison.
Imbes na matuwang pag-aaral ang inuuna ng anak ay tila lalong nabugnot ang nanggagalaiting ginang. Dahil doon ay kumuha siya agad ng patpat at sinugod ng palo ang anak!
Wala naman siyang balak na ihampas iyon sa anak. Ang balak niya ay iaamba lamang niya ito sa bata upang madala ito, ngunit hindi akalain ni Aling Gloria na mabilis na iilag ang nagulat na si Edison sa kaniyang palo. Ngunit imbes na makaiwas ito sa tama ng dala niyang pamatpat ay tila napasama pang lalo ang tama n’on at nadali niya ang punong tainga nito, hanggang sa may batok…
Ganoon na lang ang gulat ni Aling Gloria nang makitang bigla na lang humandusay sa kaniyang harapan ang anak. Nawalan ito ng malay! Lalo pang tumahip nang matindi ang kaniyang dibdib nang makitang dumudugo rin ang parteng natamaan niya ng pamalo!
“Tulong! Tulungan n’yo ako, ang anak ko!” hiyaw ni Aling Gloria.
Mabilis namang nagsilapit ang kanilang mga kapitbahay at dahil doon, sa awa ng Diyos ay agad na nadala si Edison sa pinakamalapit na ospital.
“Napaano po ang bata?” tanong ng isang nars kay Aling Gloria. Kinabahan naman siyang sabihin dito ang totoong nangyari ngunit dahil sa pagsisisi sa nagawa sa anak ay handa na sana siyang harapin ang kaparusahan sa ginawa niya.
Ngunit biglang nagsalita si Edison sa tabi niya, na hindi niya namalayang gising na pala, “nadali lang po ng patpat na panghampas ni mama sa ipis. Hindi po ’yon sinasadya ni mama,” pagtatanggol sa kaniya ni Edison bago siya nito tinitigan nang malumanay na animo sinasabing ayaw nitong makulong siya.
Naiyak si Aling Gloria. Halos maramdaman niya ang bawat tusok ng karayom sa sugat ni Edison habang tinatahi iyon ng doktor. Sising-sisi ang kalooban niya kaya naman panay ang pagdarasal at paghingi niya ng tawad sa Panginoon sa para kaniyang nagawa.
Isang leksyon iyon para sa kaniya at pati na rin sa mga kapitbahay nilang ganoon kung palakihin ang kanilang mga anak. Minsan kasi ay hindi naman talaga kailangang masaktan ng mga bata upang sila ay matuto, dahil tamang paggabay at mapagpasensiyang pagpapaliwanag lamang ang kailangan ng mga ito upang sila ay makaintindi. Hindi na katulad noon, dahil mayroon naman nang mga makabagong paraan upang disiplinahin ang mga bata.
“Anak, patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa ’yo. Hindi ko naman ginustong magkaganoon ka, dahil wala namang inang gustong nasasaktan ang kaniyang anak. Minsan ay hindi ko na lang talaga mapigil ang galit ko lalo na kapag ako’y pagod na pagod. Pero alam kong walang sapat na dahilan ang maaaring mag-alis sa katotohanang nagkasala ako sa ’yo. Sana ay patawarin mo si nanay. Sisiguraduhin kong babawi ako sa mga pagkukulang ko sa ’yo,” nang gabing ’yon ay sabi ni Aling Gloria sa anak na isang mahigpit na yakap naman ang isinagot sa kaniya.
“Pinatatawad ko na po kayo, ’nay. Sana po ay huwag na kayong umiyak,” nakangiti pang sambit nito at nang gabing ’yon ay nakatulog silang mag-ina na magkayakap.