Inday TrendingInday Trending
Pinulot ng Pulubing Ito ang Basurang Sinisipa-sipa Lamang ng mga Tao; Laking Panghihinayang Nila nang Makita ang Tunay na Nilalaman Nito

Pinulot ng Pulubing Ito ang Basurang Sinisipa-sipa Lamang ng mga Tao; Laking Panghihinayang Nila nang Makita ang Tunay na Nilalaman Nito

Pinagmamasdan ng pulubing si Boyong ang mga taong dumaraan sa kalsadang iyon na katapat ng isang lumang simbahang nagsisilbi na rin ngayong puntahan ng mga turista. Isa kasi ito sa mga pinakasikat at pinakamatandang establisyimentong naitayo pa noong panahon ng mga Kastila, kaya naman maraming tao ang gustong makadalaw dito.

Iyon nga lang, dahil sa dami ng taong nagtutungo sa lugar na ’yon araw-araw ay hindi na kakaiba ang makakita ng mga dumi at basurang pakalat-kalat sa paligid, tulad na lamang ng plastik na kanina pa pinagsisisipa-sipa ng mga taong nagdaraan sa harap na ’yon ni Boyong.

Napakamot siya sa kaniyang ulo. Isa nga siyang pulubi at naturingang walang sariling tahanan, ngunit kung hindi mo siya kilala ay hindi mo rin iyon malalaman. Malinis kasi sa katawan ang lalaking ito, kahit pa medyo may kondisyon siya sa utak na kung magsalita ay pautal-utal. Bukod doon, kilala rin si Boyong sa lugar na ’yon dahil sa sobrang pagmamahal niya sa kalikasan, pati na rin sa paraan niya ng pag-aalaga nito.

Si Boyong kasi ay palaging kasama sa mga volunteers ng naturang lugar sa tuwing may isasagawang proyekto ang kanilang munisipalidad tungkol sa pagtatanim ng mga halaman at puno. Araw-araw, kada umagang-umaga, ay matatagpuan din siya sa iba’t ibang sulok ng barangay habang nagwawalis at namumulot ng basura, katulong ng mga street-sweepers, kahit pa siya ay wala namang nakukuhang sweldo sa kaniyang ginagawa. Dahil doon ay madalas kagiliwan ng mga tao si Boyong, ngunit kung minsan ay kinaiinisan din lalo na sa tuwing maninita siya ng mga taong nagkakalat sa daan.

“K-kuya, pulutin n’yo naman p-po ’yong plastic. H-hindi ’yong sinisipa n’yo lang,” uutal-utal na aniya sa isang lalaki nang makitang sinipa rin nito ang plastic na pakalat-kalat sa daan.

“Edi ikaw ang pumulot! Kalat ko ba ’yan?!” galit namang singhal nito na bumalik naman sa pagse-cellphone.

Sunod namang binalingan ni Boyong ang isang babaeng ganoon din ang ginawa sa nasabing kalat. Agad siyang tinaasan nito ng kilay at nakangiwi pa ang ngusong sumigaw ng, “bakit ’di ikaw ang pumulot? Tutal ay mukha ka namang basurero!”

Napailing na lang tuloy si Boyong sa narinig sa mga taong ito. Dahil doon ay tumayo na siya sa kinauupuan at siya na ang pumulot sa naturang kalat…ngunit ganoon na lang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makita ang nilalaman ng supot na ’yon!

“P-pera! May pera sa plastic!” hiyaw niya bago inilabas mula sa itim na plastic na ’yon ng basura ang isang bungkos ng mga lilibuhing perang papel!

Napahinto sa paglayo ang kanina’y mga tinawag ni Boyong upang kunin ang naturang kalat. Agad na rumehistro sa kanilang mga mukha ang pagsisisi at panghihinayang, lalo na nang makita nilang tunay na pera nga ang hawak ni Boyong! Hindi naman sila makaangal upang akuing kanila ang perang ’yon dahil marami ring nakakitang tinanggihan nilang pulutin ang naturang kalat.

Maya-maya ay isang grupo ng mga taong nakauniporme at may hawak na camera ang biglang lumabas mula sa mga sulok sa naturang lugar.

“Napakabait mo naman, Boyong! Tama nga ang sinabi sa amin ng mga na-interview naming tagarito na isa ka sa pinakamabait at pinakamapagmahal sa kalikasan dito sa inyong pamayanan! Kami ang may-ari ng perang ’yan na talagang inilagay namin sa lagayan ng basura upang tingnan kung may mga tao bang magkukusang mamulot ng kalat sa malinis na lugar na ’to, at walang ibang gumawa n’on kundi ikaw!” saad ng isa sa mga miyembro ng grupong ’yon na isa palang organsisasyon para sa mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa kalikasan. Kanina pa pala sila nagtatago upang kunan ang napakagandang ehemplong si Boyong.

“Dahil doon, ipinagkakaloob na namin sa ’yo ang perang ’yan, kalakip ng pangakong mag-aabot kami sa ’yo ng tulong upang makahanap ka ng magandang tirahan at pangkabuhayang magagamit mo sa pang-araw-araw. Nawa ay dumami pa ang mga katulad mo, Boyong!” dagdag pa ng nasabing grupo na lalo namang nakapagpatindi ng pagsisisi ng mga taong sumipa-sipa lamang kanina sa plastic ng basurahan.

Hindi nila akalaing may pera palang laman ’yon. Sila sana ang nasa posisyon ngayon ni Boyong kung sumunod lamang sana sila sa pakiusap nitong pulutin nila ang kalat na ’yon. Ngayon ay wala na silang magagawa pa kundi ang magsisi na lamang at manghinayang sa pagkakataong sinayang nila, habang si Boyong naman ay nagpapakasasa sa oportunidad na nararapat naman talaga para sa kaniya.

Advertisement