Inday TrendingInday Trending
Iginapos at Inapi ng Magkakapitbahay na Ito ang Babaeng Pinagkamalan Nilang Mangkukulam; Matinding Ganti pala ang Ibabalik Nito sa Kanila

Iginapos at Inapi ng Magkakapitbahay na Ito ang Babaeng Pinagkamalan Nilang Mangkukulam; Matinding Ganti pala ang Ibabalik Nito sa Kanila

Sunod-sunod ang mga binabawian ng buhay sa barangay na ’yon, at ayon sa mga tagaroon ay nangyari lamang daw ang lahat ng ’yon simula nang lumipat sa kanilang lugar ang matandang ito na kakaiba ang hitsura, na ngayon ay pinaniniwalaan nilang isa raw mangkukulam.

Nagsimula kasi ang haka-hakang ’yon nang makipaglamay ang matandang ’yon sa isa sa mga nakaburol. Paano kasi ay nagpunta lamang naman ito roon upang makihingi ng maiinom at makikain kahit na hindi naman nito kakilala ang pinaglalamayan.

Doon unang nasilayan ng mga tao ang kaniyang hitsura at ipinagtaka ng lahat kung bakit pailalim siya kung tumingin at hindi nawawala ang kakaibang ngisi niya sa labi. Bukod doon ay mabagal din siyang maglakad na para bang laging nakikiramdam kahit na mukha namang walang diperensya ang kaniyang katawan.

“Perwisyo na talaga ang matandang ’yan! Simula nang dumating ’yan dito ay marami na rin sa atin ang nagkakasakit at binabawian ng buhay! Siguro ay ginagamitan tayo n’yan ng mahikang itim! Tingnan ninyo at sa tuwing may nawawalan ng buhay dito sa atin ay palaging nakangisi ang matandang ’yan!” galit na ani Mang Andoy, isa sa mga nakatatanda sa lugar, at isa rin sa mga beteranong manginginom sa naturang barangay. Agad naman iyong sinang-ayunan ni Mang Bruno, isa ring manginginom at isang dakilang sugarol.

“Tama!” anito, “dapat ay turuan ng leksyon ang matandang ’yan nang matigil na ang ginagawa n’yan sa atin, e!” pangungumbinsi pa nito sa kanilang mga kabarangay na sa ’di malamang dahilan ay agad namang napaniwala ng mga lasinggerong ito!

Nagplano ang magkakabarangay, lingid sa kaalaman ng kanilang lokal na pamahalaan. Maliit lamang ang barangay na ’yon at mahirap pa ang pamayanan kaya naman malayo-layo rin sa mga kabahayan ang kanilang tanggapan.

Dahil doon ay malaya kung kumilos ang mga tao lalo na at kulang naman sila sa nagrorondang tanod. Kinagabihan tuloy matapos ang pag-uusap na ’yon ng magkakabarangay ay sinugod nila sa bahay nito ang matandang si Aling Estrelya—ang pinagbibintangan nilang mangkukulam!

“Huwag ninyong gawin sa akin ito, pakiusap! Hindi totoo ang mga ibinibintang ninyo sa akin! Hindi ako isang mangkukulam!” umiiyak na sabi nito.

Lalo pang natakot ang mga tao dahil kahit pa lumuluha na ito ay hindi pa rin nawawala ang kakaibang ngisi sa kaniyang mga labi. Dahil doon ay iginapos nila ang matanda at pinagsisira nila ang mga gamit sa loob ng bahay nito!

Ang senaryong ’yon ang inabutan ng dalawang tanod na eksakto namang napadaan lang sa dulong bahagi ng lugar na ’yon nang sila ay makadinig ng ingay. Dahil doon ay natigil ang ginagawang pang-aapi ng kanilang mga kabarangay sa nasabing matanda na noon ay kaawa-awang nakagapos at nakayupyop sa isang sulok ng kaniyang tahanan.

“Hindi ba ninyo alam na mali ’yang ginagawa n’yo?! Mga salbahe kayo! Bakit ba naniniwala pa kayo sa mga ganiyan? Susmariyosep, matatanda na ho kayo!” anas ng isa sa mga tanod habang ang isa naman ay kinakalagan si Aling Estrelya mula sa kaniyang pagkakagapos.

Pagkatapos noon ay tinulungan ng dalawang tanod ang matanda upang madala ito sa kanilang barangay hall at nang doon ay matingnan ang kalagayan nito. Isang volunteer na doktor sa kanilang klinika ang tumingin dito, at doon ay napag-alaman nitong inborn na ang kondisyon ni Aling Estrelya kaya naman kakaiba ang hitsura nito! Ipinanganak na pala iyon na ganoon.

Ipinaliwanag nila ’yon sa mga mamamayan kaya naman kumalat ang balita tungkol sa ginawa nilang pang-aapi sa matanda. Hanggang sa makarating na ’yon sa ilang mga taong may kakayahan na agad namang nag-alok ng tulong kay Aling Estrelya upang makamit niya ang hustisya ng ginawa nila sa kaniya.

“Gusto ba ho ninyong sampahan ng kaso ang mga taong gumawa nito sa inyo? Nasa atin naman ho ang lahat ng kakailanganin nating ebidensya dahil nakunan ho ng video at mga litrato ng ating mga tanod ang pangyayaring ’yon,” sabi ng abogadong lumapit mismo sa matanda upang tulungan ito nang libre.

Tumango naman si Aling Estrelya habang umiiyak. Ang totoo, kahit na ganoon ang ginawa sa kaniya ng mga taong ito ay naaawa pa rin siya sa kanila, ngunit mas nahahabag siya sa kaniyang sarili ngayon. Hindi makatao ang ginawa ng mga ito sa kaniya at gusto niya silang turuan ng leksyon!

Dahil doon ay itinuloy ng matanda ang pagkakaso sa mga taong basta na lamang nagbintang na isa raw siyang mangkukulam base lamang sa kakaiba niyang hitsura. Ngayon ay nagkukumahog sila sa paghingi ng tawad sa kaniya, ngunit sisiguraduhin niyang makakamit niya ang hustisya!

Advertisement