Matagal nang Magkagalit ang Magkapitbahay na Ito; Isang Trahedya pa ang Magpapabago ng Takbo ng Kanilang mga Buhay
“Tse! Daraan na naman ’yong pa-sexy!”
“Akala mo kung sino’ng maganda!”
Sa tuwing magkakasalubong talaga ang magkapitbahay na Shiela at Andrea ay hindi maaaring hindi mag-iismiran ang dalawa. Dahil tuloy doon ay madalas silang paksa sa usapan ng mga Marites sa kanilang lugar na madalas ay pinagtatawanan naman ang paligsahang ginagawa nila sa halos lahat ng bagay.
Simula pa lamang nang magkakilala ang dalawang ito ay madalas na silang magpataasan ng ihi. Palaging nagkukumpitensya ang mga ito sa kung sino ang ‘mas’ sa kanilang dalawa. Sino ang mas maganda, sino ang mas mayaman, ang mas matalino, at kung anu-ano pa! Halos lahat na lang yata ng bagay ay pinag-aawayan ng mga ito kaya naman hindi na umaasa pa ang mga nakakakilala sa kanila, kabilang na ang kanilang sariling mga pamilya, na sila ay magkakasundo at magkakaisa pa.
Isang gabi, habang mahimbing na natutulog ang parehong pamilya nina Shiela at Andrea ay hindi nila namalayang nagkaroon pala ng pagkislap ang mga wire ng kuriyente sa posteng parehong dinaraanan din ng kuriyente sa kani-kaniya nilang mga kuntador. Maulan kasi noon at nagkaroon ng mga pagkidlat, at hindi inaasahang iyon pa ang tinamaan.
Dahil sala-salabat ang mga kuriyente sa naturang lugar dahil sa mga ilegal na koneksyon ng kuriyente, ay nagkaroon ng sunog at mabilis iyong kumalat hanggang sa mga bahay ng dalawang babaeng ito. Nagising na lamang silang pareho na puno na ng usok ang kani-kaniya nilang mga bahay na magkadikit pa man din at halos wala na silang daraanan upang sila ay makalabas! Mabuti na lamang at hindi pa naaapektuhan ng mga sandaling ’yon ang parehong likod-bahay nila at doon sila dumaan, dala ang mga bagay na kani-kanilang naisalba sa sobrang pagmamadali.
Kaunting pera ang kay Shiela habang ang kay Andrea naman ay mga damit at ilang mahahalagang gamit. Bukod doon ay hindi rin gaanong natupok ng apoy ang bahay ng huli dahil sa direksyon ng bahay nila dumaan ang bumbero at ito ang una nilang naasikaso.
Lugmok naman si Shiela, dahil bukod sa pera at mga sarili nila ay wala na siyang naisalba pang iba. Dahil doon ay wala na siyang nagawa pa kundi ang mapaluhod na lang at mapahagulhol.
Nasaksihan naman ni Andrea ang senaryong ’yon ng kaniyang karibal at hindi niya alam kung bakit bigla niya itong nilapitan at inalo. Tila ba biglang nawala sa kaniyang loob ang matagal na alitan nila ni Shiela, dahil sa awa.
“Kung gusto mo, dito muna kayo sa amin, Shiela. Wala kayong masisilungan at mahirap maghanap ng lilipatan ngayon lalo pa at lockdown,” naaawang pag-aalok ni Andrea sa kaniyang kapitbahay na agad namang nagulat.
Akmang sasagot na sana si Shiela nang bigla na lang sumigaw ang asawa ni Andrea, “Andrea, ang anak natin, may sugat!”
Biglang natulala si Andrea nang makita niyang walang malay ang anak nilang buhat-buhat ng kaniyang asawa. Nasapo niya ang kaniyang ulo, dahil ngayon lamang nila naalalang wala siyang naisalbang pera kanina! Kasusuweldo pa lamang naman ng asawa niya kahapon at lahat ng laman ng ATM nito ay w-in-ithdraw niya upang maipagyabang!
Naghihisterikal na si Andrea nang bigla siyang lapitan ni Shiela. “Andrea, huwag mong unahin ang paghihisterikal mo! Heto ang pera. Ito lang ang naisalba ko, pero gamitin mo na muna ’yan sa pagpapagamot ng anak mo!” madaling sabi niya, na kahit ang sarili niya ay nagulat din sa kaniyang ginawa.
Naantig kasi ang puso ni Shiela nang alukin siya ng tulong ni Andrea kanina, kaya naman wala sa loob na ganoon din ang nagawa niya. Dahil doon ay agad na napabuti ang lagay ng anak ni Andrea, habang tinanggap naman sila nito sa kanilang tahanan.
Laking gulat ng kanilang buong barangay nang masaksihan kung paano nagtulungan ang dati ay magkaribal na sina Shiela at Andrea. Kahit kasi noong nakabawi na ang dalawa mula sa nangyaring trahedya ay hindi na nawala pa ang magandang samahang nabuo nila noong pareho silang nalugmok at nangailangan. Doon kasi ay natutuhan ng dalawa na mas maganda kung magkakaisa at magtutulungan pala silang magkakapitbahay, dahil sila-sila rin ang aasahan ng isa’t isa sa oras ng kagipitan.
Dahil sa pangyayaring iyon ay tila naging ehemplo na ang dati’y paksa ng bawat tsismisan. Naging mas payapa at mas masaya rin ang buhay nila nang tuluyan na nilang kalimutan ang inggitan, siraan at awayan.