Tamad na Tamad Maglinis at Mag-ayos ng Sarili ang Dalaga; Isang Binata Lang Pala ang Magiging Katapat Niya
Sa edad na dalawampung tatlo, tamad pa ring mag-ayos ng kaniyang sarili ang dalagang si Christine. Kung ang mga dalagang kasing edad niya ay panay na ang pagpunta sa parlor upang magpaganda ng buhay, pagpalinis ng kuko, at magpalagay ng mahabang pilik mata, siya naman ay buong araw lamang naglalaro ng online games at nakikipagkaibigan sa mga kapwa niya manlalaro roon.
Sa katunayan, kahit pagligo araw-araw ay hindi niya magawa. Ito ang naging dahilan para magkaroon siya nang mabahong amoy at mga alaga sa kaniyang ulo na pinandidirihan na pati ng mga kapatid niyang mas bata pa sa kaniya.
Maliligo lamang siya kapag magla-live video siya sa social media upang humakot ng mga bagong followers na silang nagbibigay sa kaniya ng pera kapalit ng kaniyang paglalaro. Doon niya lamang pinapakita ang natatago niyang ganda at kaseksihan para tumaas ang kita niyang pera. May pagkakataon mang may mga taga-hanga siyang napapansin ang mga alaga niya sa buhok, ito’y pilit niyang tinatanggi.
Pilitin man siya ng kaniyang ina na mag-ayos ng sarili dahil nga tila napag-iiwanan na siya ng mga dalagang kasabayan niya, nagagalit pa siya rito.
“Kung nandidiri kayo sa akin, edi ‘wag kayong tumabi! Kadali-dali lang ng paraan, pinapakumplika niyo pa!” sigaw niya sa ina nang muli siya nitong kausapin tungkol sa amoy at mga alaga niyang kuto sa ulo.
“Anak, hindi naman sa pinapakomplika ko ang sitwasyon mo, ang akin lang, gusto kong maging malinis ka sa katawan dahil babae ka. Matanda ka na, anak, ‘yong iba mo ngang kaedad ay may sarili ng anak, tapos ikaw, mabaho pa rin ang kilikili mo at mayroon ka pa ring kuto sa ulo,” malumanay nitong paliwanag sa kaniya.
“Kung patuloy mo lang akong ikukumpara sa iba, mama, makakalabas ka na ng kwarto ko. Hindi mo ba nakikitang naglalaro ako? Baka nakakalimutan mo, mama, kumikita ako rito at ito ang dahilan kaya nakakapagbigay ako ng pangkain natin,” panunumbat niya pa rito kaya wala na itong nagawa kung hindi ang hayaan siyang maglaro buong maghapon.
Patuloy niyang kinatamaran ang pagligo hanggang sa hindi na siya makatulog sa gabi dahil sa kati ng kaniyang ulo. Sakto namang noong gabi ring iyon, nagpadala ng mensahe sa kaniya ang hinahangaan niyang lalaki na isa ring manlalaro ng online games katulad niya!
Kaya kahit alam niyang malaki ang tiyansang pandirihan siya nito, dali-dali siyang sumang-ayon sa kagustuhan nitong sila’y magkita kinabukasan.
Maaga siyang nagising kinabukasan upang magbabad ng sabon sa kaniyang buong katawan saka siya nagsimulang magsuyod ng kaniyang buhok. Sa dami ng alagang mayroon siya, isang oras na ang lumipas, hindi pa rin nawawalan ng kuto ang suyod na ginagamit niya tuwing ito’y sinusuklay niya.
“Diyos ko, mahuhuli na ako sa date namin! Bahala na, magsusumbrero na lamang ako!” sabi niya sa sarili saka siya naligo sa maraming pabango at agad nang umalis ng kanilang bahay.
Walang mapagsidlan ang kilig na naramdaman niya nang unang beses niyang makita ang binata. Agad itong kumaway sa kaniya sabay bigay ng isang bulaklak na labis na ikinapula ng kaniyang mukha.
“Ako na magsusuot niyang sumbrero mo. Sayang naman, hindi ko makikita nang buo ang kagandahan mo,” sabi nito saka agad na tinanggal ang suot niyang sumbrero bago niya pa ito maawat.
Kaya lang, pagkaalis nito ng sumbrero mula sa ulo niya, napansin nito ang ilang kutong naglalakad sa damit niya dahilan para tingnan nito ang sumbrerong hawak. Doon na ito labis na kinilabutan at agad na sinauli sa kaniya ang naturang sumbrero.
“Pasensya ka na, Christine, gusto kita pero ayoko kasi sa may kuto, eh. Baka mahawa pa ako, tawagan mo na lang siguro ako kapag wala ka nang kuto at kapag natural na ‘yong bango mo,” nahihiya nitong sabi habang patuloy na kinikilabutan na labis na nagpadurog sa puso niya.
“Akala ko pa naman, magkakanobyo na ako,” tangi niyang sabi saka agad na ring umuwi.
Dahil sa pangyayaring iyon, nagdesisyon na siyang mag-ayos ng kaniyang sarili. Una siyang humingi ng tulong sa kaniyang ina sa pagtatanggal ng kaniyang mga kuto at ng mahabo niyang amoy.
Nang mapagtanto niyang hindi pa rin nawawala ang mga ito sa katawan niya pagkalipas ng isang linggo, agad na siyang nagpakunsulta sa isang propesyonal na siyang nakatanggal ng kaniyang problema.
Noong nasiguro na niyang wala na siyang kuto at mabango na talaga ang amoy niya, sinubukan niyang tawagan ang binata katulad ng sabi nito. Ngunit kahit sandamakmak na tawag na ang ginawa niya, hindi na siya nito sinagot pa. Nagpadala lang ito ng mensahe na nagsasabing, “May nobya na ako, Christine.”
Dahil sa pangyayaring iyon, napagpasiyahan niyang ipagpatuloy na ang paglilinis ng kaniyang katawan. Simula noon, ginawa niya na rin ang ibang ginagawa ng mga kaedad niyang dalaga. Natutuhan na niyang mag-ayos ng sarili at panatilihin ang kalinisan ng kaniyang katawan.
Sa ganoong paraan, kahit nagpatuloy siya sa pinagkakakitaan niyang laro, sandamakmak ang mga binatang gustong manligaw sa kaniya dahil sa ganda niyang lalong lumitaw nang siya’y patuloy na mag-ayos.
Kung dati’y siya ang humabol sa lalaki, ngayon ay mga lalaking nagguwapuhan na ang nanunuyo sa kaniya at sa kaniyang pamilya.