Nag-iinarte Siyang May Sakit Para Mapansin ng Kanilang Lider sa Sayaw; Sa Huli’y Pinagsisihan Niya Ito
Hindi nagdalawang-isip ang dalagang si Karmen na sumali sa isang dance group nang malaman niyang gwapo ang namumuno rito. Halos tumulo pa ang laway niya nang makita itong sumayaw na talagang nagtulak sa kaniyang mag-aral kung paano sumayaw.
Kahit mukha siyang tuod kung sumayaw nang unang pagkakataon niyang magpakitang gilas sa naturang binata ay hindi niya inalintana. Tanging gusto niya lang ay mapansin nito ang angking kagandahan niya.
Hindi naman siya nabigo dahil pagkatapos na pagkatapos niyang magpakitang gilas dito, kahit puro tawa ang naitugon nito sa sayaw niya, siya pa rin ay tinanggap nito. Sabi pa nito na hinding-hindi niya makakalimutan, “Pasalamat ka, maganda ka. Hayaan mo, tuturuan pa kitang sumayaw.”
Walang mapagsidlan ang kilig na kaniyang nararamdaman tuwing naglalaan ito ng oras na turuan siya. Sa katunayan, madalas, hindi na niya nga maintindihan ang tinuturo nito dahil nakatingin lang siya sa macho nitong katawan at gwapong mukha.
Ngunit dahil nga gusto niyang mapabilib ang binata, labis siyang nagpursigi sa pagsasayaw hanggang sa tuluyan na siyang natuto at nabihasa sa pagsabay sa pag-indayog ng bawat musikang kanilang sinasayaw.
Kaya lang, napansin niyang nang gumaling na siya sa pagsasayaw, hindi na siya madalas kinakausap ng pinuno nilang ito. A-apir lang ito sa kaniya kapag nakitang maganda ang pagkakasayaw niya o tatango lang kapag nahuli siya nitong nakatingin na talagang ikinalulungkot niya.
Dito na siya nag-isip ng paraan kung paano siya patuloy nitong mapapansin kahit magaling na siyang magsayaw.
“Tutal, maalaga at maalalahanin siya, subukan ko kayang magsakit-sakitan? Isasakto ko pagkatapos ng mga pagtatanghal namin para mas mag-alala siya!” sabi niya sa sarili na agad niya ring ginawa hindi kalaunan.
Labis naman siyang natuwa dahil nang gawin niya nga ang balak niyang ito, matapos ang isa nilang pagtatanghal, dali-dali siya nitong binilhan ng gamot, binigyan ng makakain at pinasandal pa siya nito sa sariling balikat upang makapagpahinga. Payo pa nito sa kaniya habang hinihilot ang ulo niya, “Kapag hindi mo kayang magsayaw, magsabi ka agad, Karmen. Huwag mong pilitin ang sarili mo, baka mamaya, lumala ‘yang sakit mo, eh,” na talaga nga namang ikinakilig niya.
Ito ang dahilan para ulit-ulitin niya ang gawaing iyon. Tuwing matatapos silang magtanghal, agad niyang ipaparinig o ipapakita ritong masama ang pakiramdam niya. Kung hindi niya sinasabing masakit ang ulo niya, iniinda niya naman ang kaniyang tiyan kaya siya’y palagi nitong inaasikaso.
Minsan pa nga, bago pa magsimula ang kanilang pagtatanghal, pinapayuhan na agad siya nitong magpahinga kung masama na ang pakiramdam niya. Tuwing papaalalahanan siya nito, tila ba gusto nang kumawala ng kaniyang puso sa sobrang kilig na kaniyang nararamdaman.
Kaya lang, isang araw, mayroon silang malaking pagtatanghal sa isang malayong lugar. Bago pa sila bumiyahe, sinabihan na siya nitong huwag nang sumama kung masama ang pakiramdam niya ngunit dahil nga gusto niyang palaging nakabuntot dito, sumama pa rin siya.
Buong akala niya’y tatabihan siya nito sa bus ngunit ito ay tumabi sa drayber at siya’y pinaupo pa nito sa unahang bahagi ng bus upang madali siyang makakababa kung siya’y masusuka.
“Hindi mo ako tinabihan, ha? Pag-aalalahanin kita mamaya!” sabi niya sa sarili habang masamang nakatingin sa lider na masayang nakikipag-usap sa drayber.
Katulad nga ng balak niya, pagkatapos na pagkatapos ng kanilang pagtatanghal, dali-dali siyang nagtungo sa kanilang dressing room saka siya tumungo roon at kagaya ng inaasahan niya, ilang minuto lang ang binilang niya, nilapitan na siya ng lider nilang ito.
“Ayos ka lang ba, Karmen?” tanongn nito na agad niyang ikinangiti.
“Hindi, eh, nahihilo ako dahil siguro ito sa mahabang biyahe,” pag-iinarte niya pa.
“Naku, mukhang hindi mo na muna kayang bumiyahe pa, ano? Sige, ibibilin na lang kita sa mga organizer dito. Naghihintay na kasi ‘yong iba sa bus,” sabi nito na agad niyang ikinapagtaka.
“Bakit? Saan kayo pupunta?” pang-uusisa niya.
“Iniimbatahan kasi tayo ni mayor na kumain sa restawran niya sa kabilang lalawigan. Kaso isang oras pa raw ang biyahe. Sa lagay mo, mukhang hindi mo na kakayanin kaya magpahinga ka na lang dito, ha? Babalikan ka na lang namin,” natataranta nitong sabi habang inaayos ang sariling gamit.
“Sama na ako! Ayokong maiwan dito!” giit niya.
“Karmen, makinig ka sa’kin. Ako ang lider dito. Hindi ko hahayaang palagi kang nagkakasakit tuwing may pagtatanghal. Kung hindi ka makikinig sa akin, mapipilitan akong tanggalin ka dahil mukhang hindi pa handa ang katawan mo,” sagot nito na ikinatahimik niya na lamang.
Wala na siyang ibang nagawa noon kung hindi ang maghintay ng ilang oras habang nagsisisi sa pag-iinarteng ginawa niya.
“Hinding-hindi na talaga ako mag-iinarte nang ganito! Nagsasayang lang ako ng masasayang oportunidad para sa lalaking mukha namang walang interes sa akin!” inis niyang sabi saka nangako sa sariling ititigil na pagpapapansin sa lider nilang iyon.
Simula noon, hindi na nga siya gumawa ng eksena para lang mapansin ng kanilang lider. Bagkus, mas ginalingan niya ang pagsasayaw at pakikipagkaibigan sa ibang kasama sa grupo. Dito niya hindi inaasahang makilala ang isang lalaking hindi man kagwapuhan katulad ng kanilang lider, ramdam na ramdam naman niya kung paano siya nito pahalagahan kahit hindi siya mag-inarte na talagang nagbigay ng totoo at hindi pilit na saya sa kaniya.