Pinaniwalaan pa rin ng Mister ang Misis sa Kabila ng Lahat ng Isyu; Mapait na Pagwawakas ang Kahahantungan Nito
Labis ang pag-aalala ng amang si Peter nang tumawag ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Doris upang sabihing naroon ang walong taong gulang na anak na si Scottie. Agad-agad siyang umalis ng opisina upang puntahan ang anak.
“Sa tingin ko, Peter, ay kailangan mong kausapin ang asawa mo. Malakas ang kutob ko na may hindi siya magandang ginawa kay Scottie! Hindi naman ito maglalayas sa inyo kung maayos ang pakikitungo niya rito sa bata!” sambit ni Doris.
“Scottie, anak, ano ba talaga ang nangyari sa inyo ng mommy mo? Bakit ka lumayas sa atin?” pakiusap ni Peter.
Ngunit tikom ang bibig ng bata.
“Mabuti na lang at dito napiling pumunta nitong si Scottie at mabuti na rin na mabait ‘yung taxi driver na nasakyan niya. Baka mamaya ay napano na ‘tong pamangkin ko! Pagsabihan mo ‘yang asawa mo! Sa tingin ko nga ay may ginagawang milagro ‘yan kaya sobra ang pinagbago ng ugali! Baka totoo ang kumakalat na balitang may kalaguyo ‘yan!” galit pang saad ng ginang.
“Ate, huwag naman sa harapan ng anak ko,” giit ni Peter.
“Nagsasabi lang ako ng totoo, Peter. Aba’y unang beses pa lang na nagparetoke ‘yang si Glenda ay sinabihan na kita, ‘di ba? Walang ginawa kung hindi puro pagpapaganda. Palaging nagwawaldas ng pera para sa sariling kapakanan! Ngayon naman ay pinagbubuhatan pa ng kamay itong pamangkin ko! Sobra na s’ya!” sambit muli ni Doris.
Kinausap muli ni Peter ang anak upang sumama na sa kaniyang umuwi. Ayaw pa ng bata at halatang takot ito.
“Huwag kang mag-alala at ako na ang bahala, anak. Kakausapin ko ang mommy mo,” dagdag pa ng ginoo.
Nang makauwi ang mag-ama ay naabutan nila sa bahay si Glenda na abala sa telepono.
“Lumayas ang anak natin, Glenda! Hindi mo pa napansin?” bungad ni Peter sa asawa.
“Alam ko! At alam ko naman kung saan siya pupunta dahil tinuruan ‘yan ng magaling mong kapatid na kapag napagalitan ko ay doon pumunta! Iba na talaga ang mga kabataan ngayon, pagsabihan mo ng konti ay maglalayas na! Akala naman niya’y hahanapin ko siya,” sambit ni Glenda.
“Ano ba talaga ang dahilan kung bakit kayo nagtalo? Ayaw namang magsalita sa akin nitong si Scottie,” muling tanong ng mister.
“Sadyang matigas lang ang ulo ng anak mo kaya kailangan kong pagsabihan. Kung ayaw niya ng pamamalakad ko sa pamamahay na ito’y doon na muna talaga siya sa ate mo! Tutal, sa tingin naman ng ate mo ay mas magaling siya sa akin na maging ina,” dagdag pa ng ginang.
Inihatid muna ni Peter ang kaniyang anak sa silid nito upang masinsinan silang makapag-usap ng asawa. Ayaw rin kasi niyang makita ni Scottie na nagtatalo sila.
Sa totoo lang ay maganda naman ang buhay nilang mag-anak. Maganda ang trabaho ni Peter kaya masagana ang kanilang pamumuhay. Marami lang talagang intriga ang kaniyang naririnig. Ngunit labis ang pagmamahal niya sa kaniyang misis kaya matindi rin ang tiwala niya rito.
“Glenda, mag-usap nga tayo. Napapansin ko ay napapadalas ang pagbubuhat mo ng kamay sa anak natin. Ano ba talaga ang nagawa niyang kasalanan sa iyo?” masinsinang tanong ni Peter.
“Tinuturuan ko lang siya ng leksyon, Peter. Mali bang suwetuhin ko ang anak natin?” sagot ni Glenda.
“Naiisip ko lang kasi na baka hindi maganda ang nagiging impluwensya sa iyo ng mga kaibigan mo. Napapadalas kasi ang alis ninyo at parang sa kanila na rin umiikot ang mundo mo. Baka nagkukulang ka na rin ng atensyon kay Scottie kaya nagpapapansin ang bata. Saka isa pa, nakita ka na naman raw na kasama ‘yung lalaking naiintriga sa iyo. Tapatin mo nga ako, Glenda, may relasyon ba kayong dalawa?” muling tanong ng ginoo.
“Paulit-ulit na naman ba itong usapan na ito, Peter? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na isa siya sa mga instructor namin sa gym? Kung makikita mo kaming magkasama ay dahil kasama rin namin ang mga kaibigan namin. Walang namamagitan sa amin ng lalaking ‘yun, p’wede ba? Sinusulsulan ka na naman ata ng magaling mong ate, e! Saka walang mali kung paglaanan ko ng oras ang sarili ko. Hindi palaging kailangan na nanay ako o misis ng bahay na ito. Nakakapagod din, Peter!” saad pa ni Glenda.
Mula nang pag-uusap na iyon ay tila nagbago na ang pakikitungo nitong si Glenda. Lalong naging madalas ang pagbubuhat nito ng kamay sa kaniyang anak, at palaging mainit din ang ulo nito sa kaniyang mister.
Isang araw ay bigla na lang nakatanggap si Peter ng tawag mula sa kaniyang anak.
“Daddy, patawad po. Pero hindi ko na po kayang makasama pa si mommy. Pasensya na po kung pati ikaw ay hindi ko na rin makakasama pa,” saad ni Scottie sa ama.
“Anong ibig mong sabihin Scottie? Scottie! Scottie!”
Dahil hindi na sumasagot ang anak ay labis na nag-alala itong si Peter kaya umuwi agad ito ng bahay. Agad niyang tinungo ang silid ng anak at doon ay nakita niya na wala itong malay at duguan. Sinubukan pala ni Scottie na tapusin ang sariling buhay. Mabuti na lang ay naisugod niya ito ospital.
Sa lahat ng pangyayaring ito ay wala si Glenda. Ang masaklap ay nasa casino raw ito kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Dahil dito ay nagpasya na si Peter na tuluyan nang iwan ang asawa.
“Ayaw ko mang masira ang pamilyang ito ngunit sinagad mo ako, Glenda. Iiwan na kita at dadalhin ko na si Scottie. Bahala ka na sa buhay mo! Tutal gusto mo namang magbuhay dalaga, ‘di ba? Binibigay ko na sa iyo ang kalayaan mo!” saad pa ng ginoo.
Wala ka man lang makikitang pagsisisi sa mga mata ni Glenda. Dalawang linggo lang matapos lisanin ng mag-ama ang bahay ay doon na nakatira ang kalaguyo ng ginang — ang lalaking sinasabi niyang gym instructor lamang daw niya.
Ang pinakasukdulan pa ay nang malaman ni Peter na ginalaw ni Glenda ang lahat ng pera nila sa bangko. Wala itong tinira kahit piso. Maging ang ilang investment nila ay nilimas din nito. Kaya hindi na nakapagpigil pa si Peter kung hindi sampahan ng kaso ang dating asawa.
“May karapatan ako sa lahat ng ari-arian na iyon lalo pa at ako ang naghirap na maipundar ang lahat,” saad ni Peter sa hukuman.
Labis naman ang pag-arteng ginawa ni Glenda upang maawa sa kaniya ang korte at siya ang panigan. Ang sabi niya ay sinasaktan daw siya nitong si Peter kaya naman napilitan siyang maghanap ng iba. Kaya rin daw napilitan siyang magparetoke sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan ay dahil inaabuso raw siya ng dating asawa sa mental na aspeto.
Malakas ang laban ni Glenda lalo na at magaling talaga siyang magsinungaling. Labis na nagagalit si Peter sa kaniyang sarili kung bakit nagtiwala siya rito gayong marami na ang nagsasabi ng bulok na ugali nito.
Hanggang isang araw ay tumayo si Scottie sa hukuman upang magsalita laban sa sariling ina.
“Wala pong pagkukulang ang daddy ko sa amin. Sa katunayan nga po ay lagi niyang kinakampihan ang mommy ko kahit na marami nang nagsasabi na may ginagawa itong hindi maganda. Pinagkatiwalaan ni daddy si mommy nang lubusan dahil mahal niya ito. Pero ang hindi alam ng daddy ko ay palagi akong sinasaktan ni mommy dahil alam ko ang lahat ng nangyayari. Sa tuwing wala si daddy ay pinapapunta niya sa bahay ang lalaki niya. Nagkukulong sila sa silid nang matagal. Minsan nga ay hindi pa ako pwedeng pumasok man lang sa bahay. Tapos, narinig ko ang mga kaibigan ni mommy. Nag-uusap sila tungkol sa isang plano. Ang sabi nila’y gawin daw ni mommy na miserable ang buhay namin ng daddy ko para kami na mismo ang umalis, tapos ay kunin ang lahat ng ari-arian at saka mabuhay nang gusto niya. Hindi ko maintindihan ngayon kung bakit gagawin ng isang ilaw ng tahanan ito sa kaniyang sariling anak at asawa! Wala siyang kasing sama!” umiiyak na pahayag ni Scottie.
Nang dahil sa mga pahayag ng bata ay pinanigan ng korte si Peter. Lahat ng ari-arian ay muling naibalik sa pangalan ng ginoo. Higit sa lahat ay nakasuhan pa itong si Glenda at ang kalaguyo nito at pareho silang mabubulok sa bilangguan. Sinampahan din ng ginoo ng kaso ang mga kaibigan ng kaniyang dating asawa. Sa pagkakataong ito’y wala siyang papalagpasin ni isa dahil sa nagpupuyos na galit lalo na sa ginawa sa kaniyang anak.
“Muntik nang mawala ang buhay ng anak ko nang dahil sa pagiging makasarili mo. Binigay ko ang lahat ng pagmamahal at pagtitiwala sa iyo, Glenda, pero ganito lang ang iginanti mo sa amin ng anak ko. Mabulok ka ngayon sa bilangguan kung saan ka nababagay!” saad ni Peter sa dating asawa.
Hindi man madali ang pinagdadaanan ng mag-ama, ang mahalaga ay lumabas na rin ang katotohanan. Ngayon ay pilit na nagpapakatatag si Peter para sa kaniyang anak. Pangako niyang gagawin niya ang lahat upang mabigyan ito ng mas maayos na bukas.