Dahil sa Tsaa ay Nagbabago ang Ugali ng Isang Matandang Nasa Home for the Aged; Nakakalungkot Pala ang Dahilan Nito
Bagong caregiver sa isang home for the aged facility si Cathy. Matagal na niyang pangarap ang magkaroon ng trabaho dahil siya ang breadwinner ng kanilang pamilya. Kaya naman sa unang araw niya’y nais niyang magpakitang gilas.
Maayos naman ang pagtanggap sa kaniya sa naturang pasilidad. Sa katunayan nga ay kung ituring siya ng mga kapwa-empleyado ay parang matagal na siyang nagtatrabaho roon. Inilibot siya ng kapwa caregiver na si Marie upang maging pamilyar siya sa lugar.
“Sa tingin mo ba ay kaya mong magtrabaho talaga sa lugar na ito? Nakakahanga ka rin dahil maraming caregiver ang nais na umalis ng bansa, pero heto ka at dito mo napiling magtrabaho,” saad ng kasamahan.
“Siguro may dahilan kung bakit narito ako ngayon. P’wede kong sabihin na kumukuha lang ako ng experience para sa mas magandang trabaho, pero sa totoo lang kasi ay malapit sa akin ang mga matatanda. Pinalaki rin kasi ako ng lolo at lola ko. Ginawa nila ang lahat para sa aming magkakapatid. Matagal na silang yumao. Ngayon naman ay ako ang nagtataguyod sa mga kapatid ko,” pahayag ng dalaga.
Patuloy na inisa-isa ni Marie kay Cathy ang kaniyang mga gagawin.
“Iba-iba ang ugali ng mga matatandang narito, pero ang lahat sa kanila’y nangangailangan ng atensyon, unawa, at pagmamahal,” muling saad ni Marie.
Napukaw ang pansin ni Cathy sa isang matandang nasa isang silid at ayaw makihalubilo sa marami.
“Sino naman ang matandang iyon? Ano ang istorya niya? Kung titingnan kasi ay para siyang may kaya sa buhay. Bakit siya narito?” tanong pa ni Cathy.
“Bago pa man ako magtrabaho rito’y narito na ‘yang si Ma’am Celia. Hindi namin alam ang tunay niyang pangalan dahil ayaw naman niyang magsalita, pero lagi siyang nariyan sa silid at nag-iisa. May isang ugali siya na dapat mong malaman. Ayaw niya ng kape o ng tsaa. Nag-iiba talaga ang ugali niya!” pahayag muli ni Marie.
Sa kaniyang pagtingin sa matanda ay nakaramdam siya ng labis na kalungkutan na tila ba inadya ng pagkakataon na magkita sila. Mula noon ay sinikap ni Cathy na mapalapit sa matanda.
Kinabukasan ay binigyan niya ito ng almusal. Kahit na sinabi ng katrabaho na ayaw nito ng tsaa at kape ay naging matigas pa rin ang kaniyang ulo.
“Ma’am Celia, narito na po ang agahan ninyo. Ilalapag ko na po rito sa may mesa. Ubusin po ninyo itong itlog at kanin. May gulay rin po para lumakas kayo. Sinamahan ko na rin po ng mainit na tsaa dahil mainam ito sa inyong katawan,” sambit ni Cathy.
Nang marinig ng matanda ang tsaa ay agad na napatingin ito sa dalaga. Lumuluha at tila mabigat ang loob… saka ito sumigaw nang husto.
“Ilang taon na akong narito at sinabi ko nang ayaw ko ng tsaa! Sino ka ba?!” nagwawalang saad ni Celia.
“P-pasensya na po, ma’am. Ako nga po pala si Cathy, bago pong caregiver dito. Nais ko lang naman pong mainitan ang sikmura ninyo lalo pa’t malamig ngayong umaga,” depensa ng dalaga.
“Alisin mo na ang lahat ng iyan! Wala na akong ganang kumain. Pakitawag si Marie at sabihin mo sa kaniya na siya na ang maghatid sa akin ng pagkain. Ayaw na ulit kitang makita rito!” galit na sambit ng matanda.
Labis ang paghingi ni Cathy ng pasensya sa matanda, ngunit tinalikuran na lang siya nito. Ayaw naman niyang palakihin pa ang gusot at baka matanggal siya sa trabaho gayong kabag-bago lang niya.
“Marie, hayaan mo naman akong makabawi. Pasensya na talaga sa nagawa ko. Gusto ko lang talagang malaman kung bakit ayaw niya ng tsaa o kape,” paliwanag ni Cathy.
“Sinabi ko na sa iyo na ayaw niya, ‘di ba? Kawawa ang mga matatandang narito, Cathy. Huwag na nating dagdagan pa ang depresyon na nararamdaman nila. Ako na ang bahalang tumingin muli kay Ma’am Celia,” pahayag ng kasamahan.
Hindi naman mapakali si Cathy. Hindi rin magaan sa kaniyang pakiramdam na nakadagdag siya sa sama ng loob ng matanda. Upang makabawi ay nakiusap siya kay Marie na siya muli ang magdadala ng pagkain nito.
“Siguraduhin mong wala ka nang dadalhing tsaa. Humingi ka rin ng tawad kay Ma’am Celia. Huwag ka na ring gumawa ng kahit anong ikasasama ng loob niya. Baka isipin ng pamunuan na matigas ang ulo mo at hindi ka na magtagal dito,” wika ni Marie.
Nang sumunod na umaga’y si Cathy muli ang naghatid ng pagkain sa matandang si Celia.
“Narito ka na naman? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyong ayaw na kitang makita? Umalis ka rito!” bulyaw ng matanda.
“Huwag na po kayong magalit sa akin, Ma’am Celia. Hindi na po mauulit. Sa katunayan nga po ay narito ako upang humingi ng tawad sa inyo. Pasensya na po sa nagawa ko kahapon,” saad naman ng dalaga.
“Sige na at ibaba mo na ang pagkain na ‘yan at ako na ang bahala sa sarili ko!” saad muli ng matanda.
Hindi na namilit pa si Cathy dahil ayaw niyang magalit ito muli sa kaniya.
Sa mga sumunod na araw ay pilit na kinukuha ni Cathy ang loob ng matanda. Madalas niya itong dalawin sa silid nito upang asikasuhin. Madalas din ay kinukwentuhan niya ito tungkol sa kaniyang buhay. Madalas niyang ikwento ang kaniyang mga kapatid lalo na ang bunsong kaniyang pinag-aaral, kahit na hindi naman ito talagang sumasagot. Mukhang hindi nga ito nakikinig sa kaniya, pero patuloy lang siya.
“Minsan talaga, ma’am, natatakot ako na baka mamaya ay hindi ko na kayanin ang magpaaral ng kolehiyo. Pero ilalaban ko talaga ito para sa magandang bukas nila. Uunahin ko na ang bunso namin kasi ‘yung pangalawa nga po ay katuwang ko sa pagtatrabaho. Buti na lang at masipag din ‘yun. Sa susunod na Linggo nga ay kaarawan na niya. Plano ko siyang bilhan ng cake tutal sasahod naman na ako,” patuloy sa pagkukwento ang dalaga.
“Talagang hindi tumatahimik ang bibig mo, ano? Tapos ka na ba sa ginagawa mo? Umalis ka na at nais ko nang mapag-isa. Hindi ako makapagpahinga dahil ang ingay ng bunganga mo!” saad pa ng matanda.
“Pasensya na po ulit. Sige po at lalabas na ako,” wika ni Cathy.
Kahit na hindi maganda ang pakitungo sa kaniya ni Aling Celia at patuloy pa rin si Cathy sa pagkuha ng loob nito. Alam niyang isang araw ay lalambot din ang puso ng matanda.
Isang araw, pagpasok ni Cathy sa silid ng matanda ay nakita na lamang niya itong nasa sahig at puno ng dumi. Hindi na ito nakaabot pa sa banyo dahil sa labis na sakit ng tiyan.
“Umalis ka na rito at kaya ko ang sarili ko!” saad ni Celia sa dalaga.
“Hayaan n’yo na pong asikasuhin ko kayo, ma’am,” wika ni Cathy.
Nagpupumilit si Celia ngunit hindi niya kaya ang sarili dahil sa labis na pananakit ng tiyan, kaya wala na siyang nagawa pa at hinayaan na niyang linisan siya ng dalaga.
“Hindi ibig sabihin ng nangyari ay alagain na ako at dapat na ako rito sa home for the aged! Kaya ko ang sarili ko kaya dapat ay nasa labas ako ngayon at malaya!” sambit ni Celia.
Patuloy pa rin si Cathy sa pag-aasikaso sa matanda.
“Huwag na po kayong mag-aalala. Nauunawaan ko po ang pinagdadaanan ninyo. Tawagin n’yo lang po ako kung may kailangan pa kayo,” saad ng dalaga.
Mula noon ay unti-unti nang nagbago ang pakitungo ni Celia kay Cathy. Sa tuwing magkukwento ang dalaga ay nakikinig na rin ito. May mga pagkakataon pa ngang sumasagot ito at pinangangaralan ang dalaga.
“Alam mo, Ma’am Celia, ang nais ko pong makita ay ang mga ngiti ninyo. Kasi kapag tinitingnan ko kayo nang maigi ay mukhang maganda kayo noong kabataan ninyo. Saka sa totoo lang mukha kayong mayaman,” wika ni Cathy.
Biglang hindi umimik si Celia.
“Naku, ma’am, baka hindi na naman maganda ang nasabi ko. Huwag na po kayong magalit sa akin. Ayaw ko pong nagagalit kayo sa akin. Alam n’yo kasi, bukod sa mga kapatid ko ay tinuturing ko na rin kayong pamilya kahit na madalas ay naiirita kayo sa akin. Siguro ay nakikita ko sa inyo ang lola kong nagpalaki sa amin. Kaya pasensya na po kayo kung anuman po ang lumalabas sa bibig ko,” saad pa ng dalaga.
“Tama ka, Cathy, galing ako sa isang mayamang pamilya. Ibinahagi ko ang lahat ng meron ako sa mga taong lumalapit sa akin nang sa gayon ay makatulong ako. Kaya siguro labis ang galit sa akin ng anak ko dahil kakaunti na lang ang natira sa kaniya. Kaya siguro dinala niya ako rito sa home for the aged,” bigla na lang nagkwento ang matanda.
“Alam mo ba kung bakit ayaw ko ng tsaa o kape? Natatandaan ko pa ang araw na ‘yun. Masakit ang ulo ko at biglang umuwi ang anak ko. Ayaw ko siyang nag-aalala sa akin kaya naman sinabi kong ayos lang ako. Pero ang sabi niya, magbihis daw ako at pupunta kami sa isang kapehan. Nais niya raw ng kape at isang mainit naman daw na tsaa para sa akin upang bumuti ang nararamdaman ko. Natuwa naman ako sa ginawa niya. Pero ang pinagtataka ko lang ay kung bakit kailangan pa naming bumiyahe ng malayo para lang sa kape at tsaa. Nakarating kami sa lugar na iyon. Habang hinihigop ko ang mainit na tsaa ay nagpaalam siya sa akin na pupunta lang daw siya sa palikuran. Magkita na lang daw kami sa parking lot kung saan nakaparada ang kaniyang sasakyan. Nang magkita kami ay dinala niya ako sa ibang sasakyan. Hindi ko alam na sasakyan na pala iyon nitong home for the aged na ito. Ang sabi niya sa akin ay wala na raw akong pera kaya hindi na raw niya ako kaya pang alagaan. Pabigat na raw ako sa kaniya dahil alagain na ako. Napakasakit ng tagpong iyon, Cathy. Hindi ko alam na kaya pala akong talikuran ng kaisa-isa kong anak,” anito habang patuloy sa pag-iyak.
“Ano po ba ang pangalan ng anak ninyo? Gusto niyo po bang puntahan ko siya para malaman niyang nangungulila kayo sa kaniya? Sasabihin ko na nalulungkot kayo rito. Pakikiusapan ko siyang dalawin kayo,” saad ni Cathy.
“Huwag na, Cathy, matagal na akong itinuring na p*tay ng anak ko. Wala nang saysay kung guguluhin ko pa siya. Sa kabila ng ginawa niya sa akin ay hangad ko pa rin ang magandang buhay para sa kaniya,” saad pa ng matanda.
Labis na nahabag si Cathy kay Celia. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit ilag ito noong una at hindi man lang makuhang makihalubilo.
Kinabukasan, pagpasok ni Cathy ay nagkakagulo ang lahat. Napatakbo siya sa silid ni Celia. Natataranta siya nang makitang nag-aagaw buhay na ito.
“Cathy, kanina ka pa niya hinahanap. Kanina pa niya binabanggit ang pangalan mo,” saad ni Marie sa dalaga.
“Ma’am Celia, narito na po ako. Lumaban po kayo,” saad ng dalaga habang nangingilid ang luha.
“Panahon ko na, Cathy. Tanggap ko nang mangyayari ito sa akin. Nais ko lang magpasalamat dahil dumating ka sa buhay ko. Nanghihinayang lang ako dahil maikli lang ang pinagsamahan natin. Ngunit sa maiksing panahon na iyon ay naramdaman kong muli na mayroon akong pamilya. Sa drawer ko ay mayroon akong regalo para sa iyo. Gamitin mo para umayos ang buhay ninyong magkakapatid. Hangad ko ang magandang kinabukasan mo at ng iyong mga kapatid. Maraming salamat sa iyo, Cathy. Aalis ako nang masaya,” nakangiting wika ng matanda.
Sa unang pagkakataon ay nakita ni Cathy ang mga ngiti sa mukha ni Aling Celia, ngunit ito na rin ang huli sapagkat tuluyan na itong sumakabilang buhay.
Nag-iwan si Celia ng tseke na nakapangalan kay Cathy. Nagkakahalaga ito ng dalawang milyong piso – ang huling perang nasa pangalan ng matanda. Doon din nalaman ng dalaga na ang tunay na pangalan nito ay Remedios Marcelino. Galing ito sa mayamang angkan ng mga Marcelino at mahilig talaga itong tumulong sa kapwa.
Sa kabila ng pangako ni Cathy sa matanda ay ipinagbigay alam pa rin niya sa anak nito ang nangyari, ngunit tulad nga ng sinabi ni Aling Celia ay sadyang wala na itong pakialam pa.
Sadyang mabigat sa damdamin ang kinahantungan ng buhay ni Aling Celia. Naging mabuti siya sa maraming tao ngunit tinalikuran naman ng sariling anak. Mabuti na lang at nakilala niya si Cathy dahil kahit paano’y namaalam siya nang may ngiti sa kaniyang puso. Nagkaroon siya ng isang kaibigan at pamilya, at kahit kailan ay hinding-hindi siya malilimutan ng dalaga.