Nahihirapang Tanggapin ng Binata ang Kasintahan ng Ina na Mas Bata pa sa Kaniya; Tunay nga bang Walang Pinipiling Edad ang Pag-Ibig?
Malalaki at mabibilis ang bawat hakbang ni Edgar na para bang may hinahabol. Hinihingal na siya at pawis na pawis ngunit hindi niya alintana iyon. Nang sabihin ng kaniyang bunsong kapatid na nakita nito ang ina sa may kanto ay agad siyang nagmadaling lumabas at nagbakasakaling maabutan ang inang halos isang buwan nang hindi umuuwi sa kanila.
“Ma!” malakas niyang sigaw nang makita ito.
Nagulat man ang ina niya’y hindi naman ito tumakbo palayo sa kaniya, bagkus ay hinintay nito ang paglapit niya.
“E-Edgar,” nauutal na sambit ni Edna.
Gustong magwala ni Edgar nang makita ang kasama ng ina. Ito ang kasintahan nitong mas bata pa sa kaniya. Pumunta ang ina niya rito, ngunit hindi na tumuloy pa sa kanila. Ang katwiran nito’y ayaw na nitong makita pa ang mga tsismosa nilang kapitbahay. Hindi naman masisisi ni Edgar kung bakit pinagpi-fiestahan ng mga tsismosang kapitbahay nila ang kaniyang ina. Higit sa kalahati ng edad nito ang kasintahan, parang anak na lamang nito.
“‘Ma, umuwi ka na sa’min,” humahangos niyang pakiusap. “Hindi ka ba naaawa sa mga anak mo, ‘ma? Ano bang mapapala mo sa lalaking iyan, e mas bata pa iyan sa’kin? Parang ka-edad nga lang yata iyan ni Sassa,” napapangiwi niyang wika.
Singkwenta’y singko na ang kaniyang ina, habang bente uno anyos pa lamang ang lalaki. Kaka-debut lamang nito, ano’ng alam nito sa buhay? Mukhang hindi pa nga ito marunong magbanat ng buto.
“Edgar, pabayaan mo na lang ako. Masaya ako kay Jeff,” anang ina sabay hawak sa kamay ng nobyo nito.
Hindi napigilan ni Edgar ang mapangiwi. Ni sa panaginip ay hindi niya inasahang hahantong ang ina sa ganitong sitwasyon. Nang sumakabilang buhay ang kanilang ama, halos isang dekada na ang nakakalipas, naging mabuting ina ito sa kanilang tatlong magkakapatid. Wala itong ginawa kung ‘di ang alagaan at arugain sila. Ngunit hindi niya alam kung ano ang nangyari.
Isang araw ay napansin niya ang kaniyang ina na parang bumalik sa pagiging dalaga. Naglalagay na rin ito ng kolorete sa mukha, at nagbago ang pananamit at kilos na animo’y nasa desi-sais anyo pa lang ang edad. Imbes na sawayin ay hinayaan lamang iyon ni Edgar, iniisip niyang baka epekto lamang iyon ng katandaan nito.
Ngunit nagulat na lang siya isang araw, kauuwi lamang niya galing sa trabaho nang sabihin ni Sassa na umalis ang kanilang ina, may dalang mga damit at nakipagtanan sa nobyo nitong batambata. Simula noon ay hindi na niya muling nakita ang ina.
“Masaya? E, mukhang anak mo lang ‘yan ‘ma, ang bata-bata pa ng lalaking iyan! Paano ka bubuhayin niyan?!” inis na sambit ni Edgar.
“Responsableng lalaki si Jeff, anak. Oo, aaminin kong napakabata pa niya para sa’kin, pero, Edgar, anak, walang pinipiling edad ang pagmamahal. Mahal namin ang isa’t-isa, at sana naman hayaan niyo na ako,” mangiyakngiyak na pakiusap ni Edna.
Galit si Edgar, kung susundin niya ang sinasabi ng kaniyang puso ay nais niyang sugurin ng suntok ang nobyo ng ina. Ngunit ayaw niyang gumawa ng eskandalo.
“Mula noong nawala ang papa niyo, pinasan ko kayo ng mga kapatid mo, Edgar. Kinalimutan ko ang sarili kong kaligayahan para sa inyo. Ngayong malalaki na kayo at kaya niyo na ang mga sarili niyo, hayaan niyo naman akong lumigaya, anak. Mahal na mahal ko si Jeff, wala akong pakialam sa mga panghuhusga nila sa’kin. Hindi ko obligasyong ipaliwanag ang sarili ko sa kanila, hindi ko hihingin ang pang-unawa nila, pero sa inyong mga anak ko, kailangan ko ang pang-unawa niyo, anak. Kung mali man ang nararamdaman kong ito, handa akong harapin iyon. Pero ngayon, hayaan niyo muna akong lumigaya,” mahabang pakiusap ni Edna.
Walang salitang nais lumabas sa mga bibig ni Edgar. Tama ang kaniyang ina. Ilang taon din itong nagtiis mula noong pumanaw ang kanilang ama. Ilang taon din itong naging responsable sa kanilang magkakapatid. Tanggap naman niya ang gusto ng inang magkaroon ng kasintahan, ngunit hindi sa kagaya nitong si Jeff na mas bata pa sa kaniya. Ngunit ano nga bang magagawa niya kung totoong nagmamahalan ang dalawa?
Mataman niyang tinitigan ang mukha ng kasintahan ng ina. Nakikita naman niyang apektado ito sa alitan nila, hindi man niya alam kung ano ang mukha ng taong nagmamahal, ngunit nararamdaman niyang mahal din nito ang kaniyang ina. Malalim siyang bumuntong hininga upang pakawalan ang halo-halong emosyong nararamdaman.
“Jeff, kung dumating man ang araw na ayaw mo na sa nanay ko, ibalik mo siya sa’min nang walang galos ah. M-mahal na mahal namin ‘yan,” aniya. Hindi niya maiwasang hindi pumiyok sa huling sinabi.
Animo’y natanggalan ng tinik sa dibdib ang kaniyang ina. Patakbo itong lumapit sa kaniya at mahigpit siyang niyakap.
“Salamat, Edgar, anak,” mangiyak-ngiyak nitong sambit.
Marahan niyang tinapik ang likod ng ina. “Sa susunod na punta mo, dumiretso ka sa bahay. Maglinis at magluto ka doon. Kahit malalaki na kami, ikaw pa rin ang mama namin,” aniya saka mahinang tumawa.
Mahirap mang tanggapin sa buhay nila ang batang nobyo ng kanilang ina, wala silang magagawa kung ‘di tanggapin ito dahil mahal ito ng kanilang pinakamamahal na ina. Ang tanging hiling lamang niya sa lalaki ay alagaan at huwag sasaktan ang kaniyang ina, dahil baka hindi niya masabi kung ano ang kaya niyang gawin kung sakaling mangyari iyon.
Para naman sa mga mapanghusga nilang kapitbahay, wala siyang pakialam! Hangga’t nakikita niyang masaya ang kaniyang ina, at wala naman silang inaapakang iba, bakit sila magpapaapekto, hindi ba?