Ilang Kumpetisyon na ang Kaniyang Sinalihan Ngunit Palaging Siyang Talo; Hanggang Tiga-Palakpak na Lang ba Siya sa Tagumpay ng Iba?
“Rence, sigurado kang sasamahan mo ako?” nahihiyang tanong ni Jordan sa kaibigang hindi na magkandaugaga sa pagbitbit ng mga kakailanganin niya.
“Oo nga! Kaya nga ako naparito nang kay aga-aga upang samahan ka sa gagawin mong audition, ‘di ba?” sagot ni Rence.
“Hindi mo naman kailangang gawin ‘to e,” aniya.
Kung tutuusin ay parang langit at lupa ang pagitan nilang dalawang magkaibigan. Si Rence ang langit, habang siya naman ang lupa. Isang sikat na artista at mayaman ang pamilyang pinanggalingan ni Rence, habang siya ay isang mahirap at wala pang nararating sa buhay sa edad niyang bente kwatro. Hindi nagkakalayo ang edad nilang dalawa, kaya minsan ay hindi niya maiwasang mainggit sa kaibigan. Masyado kasing naging madali para rito ang lahat. Isang beses lamang itong nag-audition noon sa isang reality show, tapos ay agad na sumikat. Samantalang siya’y nagawa niya na ang lahat, ngunit nananatiling kulelat pa rin.
Sa sobrang sikat na nga nito’y naiilang na siyang kasama ito. Nagmumukha kasi siyang alalay ng kaibigan kapag magkasama sila. Ngunit walang pakialam si Rence, mula noon hanggang ngayon ay hindi man lang ito nagbago. Kung ano ang ugali nito noong hindi pa ito kilala ng lahat, ay ganoon pa rin hanggang ngayon.
“Gusto ko itong gawin, Jordan, kaya huwag ka nang mag-drama d’yan,” ani Rence.
Matapos nitong ilagay ang lahat ng gamit niya sa likod ng kotse nito’y agad na siyang pinasakay nito upang marating na nila ang kanilang pupuntahan.
“Huwag kang kakabahan mamaya ah. Alam kong yakang-yaka mo iyan. Ikaw pa ba? Saka ito na ang final round ng kompetisyon kaya galingan mo. Manalo, matalo’y nandito kaming naniniwala sa’yo, Jordan!” ani Rence. “Nararamdaman kong ikaw ang magwawagi sa araw na ito,” dugtong pa nito.
Isang malapad na ngiti lamang ang isinagot ni Jordan sa kaibigan. “Salamat, Rence ah. Alam mo, hindi mo naman talaga kailangang gawin ang lahat ng ito, pero heto ka pa rin sa tabi ko’t panay ang suporta. Hindi ka man lang nagsasawang suportahan ako, kahit na ilang beses na akong pumalpak,” aniya.
Isang mahinang tawa at tapik sa balikat lamang ang isinagot ni Rence sa kaniya. Nasa manibela ang buong atensyon nito. Pipiliin na sana ni Jordan ang manahimik at hayaan ang kaibigang ituon ang buong atensyon sa pagmamaneho nang magsalita ito.
“Hinding-hindi ako magsasawang suportahan ka, Jordan, hangga’y kaya at gusto mong sumubok, nariyan ako palagi upang suportahan ka, kasi naniniwala akong darating din ang araw na mapapasa’yo ang lahat ng pangarap mo’t aayon rin sa’yo ang panahon,” ani Rence, ang tingin ay nasa daan pa rin.
Lalaki siya, pero gusto niyang humagulhol ng iyak sa simpleng sinabi ni Rence.
“Sabay tayong nangarap noon, ang kaso nga lang ay ako lang ang nakalusot kaya naiwan kita, pero kailanman ay hindi mangyayaring iiwanan kita, Jordan, dahil gusto kong sabay tayong umangat. Noong mga panahon na kinailangan ko ang suporta mo, nariyan ka upang ibigay iyon sa’kin. Noong mga panahon na walang taong gustong pumalakpak sa’kin, naroon ka upang pumalakpak, may kasama pang hiyaw! Kaya ngayong ikaw naman ang nangangailangan noon ay nandito ako,” ani Rence. Saglit na nilingon ang kaibigan at ngumiti. “Ibigay mo ang lahat ng kaya mo sa kompetisyong ito, upang sabay na nating matupad ang pangarap lang nating dalawa noon.”
Pinunasan ni Jordan ang luhang dumungaw sa kaniyang mga mata dahil sa sinabi ng kaibigan, saka marahang tumango. “Gagawin ko iyon, Rence. Maraming maraming salamat, dahil kahit nasa tuktok ka na’y hindi mo pa rin ako kinalimutan.”
Isang matamis na ngiti lamang ang tinugon ni Rence.
Sa kompetisyon ay suwerteng si Jordan ang naging kampeon, tama ang prediksyon ni Rence. Gaya ng ipinangako niya kay Rence, ginawa niya ang lahat upang makamit ang tropeo sa pagkanta. Walang palagyan ang sayang kaniyang naramdaman at gaya niya’y masayang-masaya rin si Rence sa tagumpay na kaniyang nakamit.
“Congratulations, Jordan, sabi ko naman sa’yo e, nagsisimula nang kumilos ang swerte mo,” ani Rence, masayang-masaya sa tagumpay na nakamit ng kaibigan.
“Salamat din Rence, dahil hindi ka nawalan ng tiwala sa’kin. Naniwala kang darating ang araw na ito,” mangiyak-ngiyak na wika ni Jordan.
“Ito pa lang ang simula ng sabay nating pagtupad sa mga pangarap natin noon, Jordan. Masaya akong makita kang masaya, kaibigan. Salamat at hindi mo sinukuan ang sarili mo, salamat dahil naniwala ka pa rin na darating ang araw na ito. Salamat at naniwala ka sa mga sinabi ko, masaya ako kasi ikaw ang naging kaibigan ko,” punong-puno ng emosyong wika ni Rence.
Gaya ni Rence, maituturing na rin ni Jordan na artista ang sarili. Tama si Rence, nagsisimula nang kumilos ang kaniyang swerte. Salamat at naniwala siya noon sa mga sinabi ni Rence, na may kaniya-kaniyang panahon ang bawat tao. Maaaring masyado lang napaaga ang panahon ng swerte nito kaysa sa kaniyang marami pang pinagdaanang hirap, pagkasawi at kawalan ng tiwala sa sarili.
Isang bagay lamang ang natutuhan ni Jordan sa naging takbo ng kaniyang buhay. Matutong pumalakpak sa tagumpay ng iba, dahil darating at darating din ang araw na ikaw naman ang papalakpakan nila.