Nakokonsensya ang Binata sa Pagkawala ng Kaibigan, Hanggang Kailan Niya Ito Pagdurusahan?
“Mikel, anak, nand’yan sa baba ang mga pinsan mo, baka gusto mo namang bumaba riyan at makihalubilo sa kanila,” alok ni Marissa sa kaniyang anak, isang hapon nang dalhan niya ito ng meryenda sa silid nito.
“Ayoko po, mama, gusto ko pong magpahinga,” malamig na sagot ni Jose saka muling nagtalukbong ng kumot.
“Pahinga, anak? Halos limang buwan ka nang nagpapahinga rito sa kwarto mo. Ni hindi ka na nga nasisikatan ng araw, nagtatrabaho o kahit nag-eehersisyo katulad ng mga nakasanayan mo dati,” wika pa nito habang inaayos ang mga nakakalat niyang damit.
“Mama, pwede po bang huwag niyo muna ako kausapin ngayon?” pakiusap niya rito dahil bahagya siyang nakararamdam ng inis sa kakulitan nito.
“Anak naman, naiintindihan kita. Alam ko kung anong nararamdaman mo. Alam kong labis kang nakokonsensya pero hindi mo naman kasalanang pinutol ng kaibigan mo ang buhay niya,” sambit pa nito na ikinapikit ng mata niya.
“Tama na po, mama, pwede na po kayong lumabas. Gusto ko na pong matulog ulit,” sagot niya.
“Mikel, hindi gusto ng kaibigan mo na magdusa ka buong buhay mo,” pangaral pa nito.
“Pakiusap, lumabas na po kayo, mama!” sigaw niya dahilan upang magpadali itong lumabas at isara ang kaniyang pintuan, doon na siya muling umiyak at niyakap ang litrato ng kaniyang kababata.
Hindi matanggap ng binatang si Jose ang pagkawala ng nag-iisa niyang kaibigan. Bukod kasi sa ito ang nagsilbing sandalan niya sa buong taon ng pag-aaral niya mula elementarya hanggang makapagtapos sila ng kolehiyo, ito rin ang nagpabukas sa mata niya sa masasayang parte ng buhay niya rito sa mundong ibabaw.
Kaya lang, ang sandalan niyang ito, winakasan ang sariling buhay, limang buwan na ang nakararan dahil sa isang malaking problema.
Noong araw kung kailan nito tinapos ang sariling buhay ay ang araw kung kailan niya itong unang beses nakitang umiiyak sa kanilang tambayan.
Biniro niya pa nga ito noon at sinabing, “Iniiyakan mo ang pagkawala ng trabaho mo? Marami pa namang ibang trabaho riyan, pare, maghanap ka na lang ulit! Para ‘yon lang, eh,” saka niya ito iniwan doon at nagpunta sa kaniyang nililigawan.
Habang kasama niya ang kaniyang nililigawan, makailang beses itong tumawag sa kaniya. Ngunit dahil nga abala siya sa pakikipaglambingan sa dalagang ito, kahit na naririnig niya nang tumutunog ang kaniyang selpon, hindi niya ito iniintindi. Pilitin man siya ng dalaga na sagutin muna ang tawag na iyon, tangi niyang sambit, “Ang iyaking kaibigan ko lang ‘yan. Baka mangungutang, nawalan ng trabaho, eh. Ako na bahala riyan mamaya.”
Ngunit nang oras na magdesisyon siyang tawagan ito pabalik, nanay na nito ang sumagot ng tawag niya at sinabing ito nga ay wala nang buhay.
Binasa niya pa ang mga mensaheng paulit-ulit na ipadala nito, “Pare, nandito ako sa bahay, samahan mo ako, gulong-gulo na ang utak ko. Ayoko nang mabuhay, wala na ako maipapakain kila mama,” dahilan upang ganoon na lang siya makonsensya at madala niya ito kahit na ilang buwan na ang nakararaan.
Pagkalabas ng nanay niya noong araw na ‘yon, agad na niyang tinanggal ang pagkakatalukbong at nagmasid-masid sa kaniyang silid.
Maya-maya, nakarinig siya ng ingay mula sa kanilang gate dahilan upang silipin niya ito mula sa kaniyang bintana at halos lumuwa ang mata niya nang makitang ito ang kaibigan niya.
“Ang tagal mo nang nakakulong d’yan! Labas ka naman! Nami-miss ko nang marinig ang mga halakhak mo!” sigaw nito dahilan upang siya’y mapaluha.
Nais man niyang babain ito, hindi niya magalaw ang kaniyang mga paa.
“Wala man ako riyan para damayan ka, lagi ka namang nasa puso’t isip ko at hanggang ngayon, pinagdarasal kita. Wala kang kasalanan, Jose!” dagdag pa nito saka agad na umalis dahilan upang siya’y magsisisigaw at pilit na gumagalaw upang ito’y habulin.
Hanggang sa naramdaman niya na lang na may bisig na nakayakap sa kaniya. Doon na nga siya nagising at napagtantong ito’y panaginip lamang.
Wala siyang ibang magawa noong oras na ‘yon kung hindi ang humagulgol sa bisig ng ina habang paulit-ulit na sinabi ang mga katagang, “Patawarin mo ako.”
Doon niya napag-isip-isip na hindi kagustuhan ng kaniyang kaibigan na siya’y magdusa buong buhay niya. Kaya naman, ginawa niya ang lahat upang bumalik sa dati ang kaniyang buhay at ito’y sinimulan niya sa pakikihalubilo sa kaniyang pamilya.
Madalas pa rin mang sumasagi sa isip niya ang kaibigan niyang ito, ginagawa niya na lang itong inspirasyon upang magpatuloy sa buhay.