Inday TrendingInday Trending
Siniraan ng Lalaking Ito ang Bagong Halal na Mayor, Makuha Niya Kaya Muli ang Posisyon?

Siniraan ng Lalaking Ito ang Bagong Halal na Mayor, Makuha Niya Kaya Muli ang Posisyon?

“Ewan ko ba sa mga taong bayan dito sa lugar natin! Bakit ang kalaban ko pang si Domingo ang kanilang binoto, imbes na ako! Hindi ba nila alam na bukod sa malikot ang kamay noon, wala pa ‘yong naiaambag na magandang proyekto sa lugar natin!” dismayadong sambit ni Dino sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang yayain niya itong magkape upang makapaglabas ng hinanaing tungkol sa natapos na halalan.

“Anong ibig mong sabihin? Hindi ba’t siya ang katuwang mo noon sa pagpapagawa ng ating munisipyo dahil siya ang bise mayor mo?” pang-uusisa pa nito.

“Anong katuwang? Hindi ko naramdamang may katuwang ako dahil palagi siyang wala sa mga pagpupulong! Bukod pa roon, nais niyang siya ang humawak ng pera kahit na may ingat-yaman naman talaga kami sa munisipyo!” kwento niya pa saka uminom ng kapeng nasa harapan niya.

“Ibig sabihin, siya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang pagpapagawa ng munisipyo?” pagkaklaro nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga.

“Sinabi mo pa! Ngayon, wala na tayong budget para matuloy ang pagpapagawa dahil sa pagbubulsa niya! Ewan ko na lang kung anong mangyayari sa lalawigan natin ngayon!” sagot niya dahilan upang mapailing-iling na lang ito.

Hindi matanggap ng dating mayor na si Dino ang pagkatalo niya sa halalan ngayong taon. Hindi siya lubos makapaniwalang magagawa siyang palitan ng kaniyang mga nasasakupan kahit na sandamakmak ang magagandang proyektong kaniyang ipinatupad.

Sa ilang taon niyang pamumuno sa lugar na ito, kaliwa’t kanang proyekto ang kaniyang inilatag upang matulungan ang mga mahihirapan niyang nasasakupan, matugunan ang trapiko, mapaayos ang mga pasilidad doon at marami pang iba.

Kasabay ng mga proyektong iyon ay ang pagtaba ng kaniyang bulsa. Sa tuwing may proyekto kasi siya, kalahati ng pondo’y dumidiretso sa bulsa niya at ng kaniyang mga tauhan.

Lingid ito sa kaalamanan ng taong bayan kaya naman, kumpiyansado siyang muling mananalo sa halalan ngayong taon. Wika niya pa bago ang halalan, “Tiyak na ang pagkapanalo ko, dodoble na naman ang yaman ko!”

Ngunit tila umikot ang mundo niya dahil ang kaisa-isa niyang kalaban ang nagwagi sa halalan at ngayo’y kanila nang bagong mayor. Sa sobrang sama ng loob niya, kung kani-kaninong kakilala niya ito siniraan habang binibida ang kaniyang mga nagawa para sa kanilang lugar.

Noong araw na ‘yon, matapos nilang magkape ng kaniyang kaibigan, agad na rin siyang umuwi upang makapagpahinga.

Siya’y labis na naninibago dahil sa unang pagkakataon, magagawa niyang palipasin ang isang araw sa loob ng kaniyang bahay, walang ginagawa, hindi nagpupunta kung saan-saan, nakamasid lang sa kisame at nagmumuni-muni. Sa sobrang pagkaburyo niya, naisipan niyang magbukas ng social media. Nilibang niya ang sarili sa panunuod ng mga bidyo roon hanggang sa makabasa siya ng isang post mula sa kaibigang kausap niya kanina.

Ni-record pala nito ang kanilang usapan at ito ay nilagay sa social media. May mga kataga pang, “Mga mangmang na taong bayan, binoto ang isang mandurugas!” na labis niyang ikinatuwa.

“Tiyak, magagalit na ang taong bayan sa bagong mayor na ito!” tatawa-tawa niyang wika saka nagpatuloy sa panunuod ng ibang bidyo roon.

Kinabukasan, pagkagising niya, muli niyang naisipang tignan ang post na iyon ng kaniyang kaibigan upang makita kung nagagalit na nga ang sambayanan sa mayor na iyon.

Ngunit bigla siyang napabalikwas nang may makita siyang isang komento roon.

“Sino nga ba talaga ang mandurugas? Hindi ba, si Dino?” saka niya napanuod ang isang bidyo kung saan niya isinisilid sa kaniyang bag ang pera at mga chekeng para sana sa pagpapaayos ng kanilang munisipyo.

Napapikit na lang siya at napailing saka muling nagbasa ng mga komento.

“Kaya hindi ko rin binoto ‘yan, eh!”

“Lakas makapanira ng tao, palibhasa siya, bulok na!”

“Pinakawalang kwentang mayor, bulsa ang pinapalago kaysa munisipyo!”

Ito ang dahilan upang agad niyang pakiusapan ang kaniyang kaibigan na burahin ang post na iyon. Ngunit tila huli na ang lahat dahil maya-maya, may kumatok nang mga pulis sa bahay niya at siya pala’y kinasuhan na ng bagong mayor sa kanilang lalawigan.

Labis na pagsisisi ang tumatakbo isip niya habang siya’y kasama ng mga pulis. Wika niya, “Kung nanahimik na lang sana ako at tinanggap ang aking pagkatalo, e ‘di sana, malaya akong nabubuhay!”

Hindi man niya alam kung paano at kailan muling mabubuhay nang normal, pinagsisisihan niya naman ngayon ang kaniyang mga kamalian, sa loob nga lang ng isang masikip at mainit na selda.

Advertisement