Inday TrendingInday Trending
Sinulit ng Lalaki ang Kaniyang Pagkabinata Bago Ikasal, Maudlot Kaya ang Kasalan Dahil Dito?

Sinulit ng Lalaki ang Kaniyang Pagkabinata Bago Ikasal, Maudlot Kaya ang Kasalan Dahil Dito?

“O, pare, bakit napunta ka pa rin dito? Hindi ba’t ikakasal ka na? Hindi ba magagalit ang magiging misis mo sa pagpunta ko rito?” tanong ni Rody sa kaniyang kaibigan nang ito’y makita niyang mag-isang nag-iinom sa kinawiwilihan nilang bar noong sila’y nasa kolehiyo pa lamang.

“Magagalit ‘yon kung malalaman niya, eh, hindi niya naman alam na andito ako. Pwera na lang kung isusumbong mo ako,” nakangising sagot ni Joald saka nilagok ang alak na nasa harapan niya.

“Para saan pang naging kaibigan mo ako kung ilalaglag kita sa kalokohang parehas nating ginagawa?” tanong nito na ikinatawa niya dahilan para yakapin niya ito at sila’y humagalpak sa tawa.

“Kung tutuusin naman kasi talaga, pare, wala naman talaga tayong ginagawang kalokohan. Nagsasaya lang naman tayo. Sinusulit ang mga nalalabing araw na matatali na tayo sa iisang babae,” kumpiyansado niyang wika.

“Nasapul mo! Kaya, ano pang hinihintay mo? Pili ka na ng babae mo! Kahit ilan, ako ang magbabayad! Regalo ko na ito sa kasal mo, ha?” sambit pa nito na labis niyang ikinatuwa.

“Ayan ang gusto ko!” sigaw niya saka agad nang nagtawag ng mga babaeng nag-aabang sa kanila at sinulit ang gabing iyon habang siya’y binata pa.

Hindi lubos akalain ng binatang si Joald na dadating ang araw na siya ay magpapakasal at itatali ang kaniyang buong buhay para lang sa iisang babae. Akala niya kasi noon, habang buhay na lang siyang magpapapalit-palit ng mga babae dahil siya’y madalas magsawa at wala talagang nagtatagal na babae sa kaniya dahil sa mga kalokohang ginagawa niya.

Ngunit nang dumating mula sa States ang kababata niyang dalaga, tila nag-iba ang ihip ng hangin sa buhay niya. Noong una’y niligawan niya lang ito upang makasama sa pagtulog at maibida sa kaniyang mga kaibigan dahil sa kagandahan at yaman nito.

Katulad ng mga iba niyang nakarelasyon, nang siya’y sagutin na nito at nakita na niya’t nalasap ang katawan nito, agad na rin siyang nagsawa rito. Kahit na hindi pa sila hiwalay noon, agad na siyang sumama sa ibang babae upang mailabas lang ang kaniyang pagkalalaki.

Nahuli man siya nito, siya pa rin ay buong pusong pinatawad nito at binigyan muli ng pagkakataon. Nais man niya itong hiwalayan na, hindi niya magawa dahil kasosyo ng kaniyang mga magulang sa negosyo ang tatay nito. Ilang buwan lang ang lumipas, napag-alamanan niyang nagdalang-tao ang dalagang ito dahilan upang siya’y mapilitang alukin ito ng kasal, base na rin sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Pangako niya sa dalaga at sa pamilya nito, “Magtitino na po ako, lahat gagawin ko para sa anak at magiging asawa ko,” na labis na ikinatuwa ng mga ito.

Kaya naman, upang masulit ang nalalabing araw na siya’y isang binata pa, nagpunta siya sa paborito niyang bar kung saan nagtatrabaho ang naggagandahan mga babae.

Noong gabing iyon, nilango niya sa alak ang sarili habang pinalilibutan ng mga babae. Yakap dito, halik doon ang kaniyang ginagawa na para bang siya’y wala na sarili habang ang kaniyang kaibigan naman, todo kuha ng bidyo habang patuloy sa pag-inom ng alak.

Nagising na lang siyang nasa bahay na at may dalawang dalagang nakayakap sa kaniya.

“Mga binibini, paano tayo nakauwi?” malambing niyang tanong.

“Hinatid tayo ng kaibigan mo,” sagot ng isa sabay yakap sa kaniya.

“Ang sarap namang gumising araw-araw na ganito ang kaharap!” sigaw niya saka sabay na niyakap ang dalawang dalaga.

Maya-maya, narinig niyang bumukas ang pintuan ng kaniyang bahay at ang sumunod na niyang narinig, ang pagbukas ng pintuan ng kaniyang silid.

“Akala ko ba nagtino ka na?” bulyaw nito dahilan upang siya’y mapabalikwas.

“Ah, eh, sinusulit ko lang ang nalalabing mga araw na binata pa ako,” uutal-utal niyang palusot saka sinuot ang kaniyang pantalon, nagsipuntahan naman sa isang sulok ang mga babaeng kasama niya.

“Binata ka pa? Eh, may anak ka na nga! Hindi pa lang tayo kasal pero tatay ka na!” sigaw pa nito.

“Pa-pasensiya na,” wika niya.

“Pasensiya? Tingin mo kaya ko habang-buhay na magpasensya sa’yo? Ayan na, ang singsing mo! Isuot mo sa mga babae mong mumurahin katulad niyan!” galit na sambit nito saka itinapon sa mukha niya ang singsing na bigay niya.

Hindi pa man niya napapaalis ang mga dalagang kasama niya, dumating na ang kaniyang mga magulang at galit na galit ang mga ito sa kaniya.

“Sila na lang ang pag-asa natin para magpatuloy ang negosyo natin! Hindi ka ba nag-iisip, ha? Ginto na ang hawak mo, nangongolekta ka pa ng mga ligaw na bato!” sigaw ng kaniyang ama saka siya pinagsususuntok.

Doon na bumagsak ang negosyo ng kanilang pamilya kasabay ng pagpapalayas sa kaniya ng mga ito. Labis siyang naghihinayang sa dalagang iyon na ngayo’y hindi ipinapakita sa kaniya ang kaniyang anak.

Advertisement