May Utang na Sampung Libo ang Ina ng Kaniyang Nobya; Singilin Pa Kaya Ito ng Lalaki nang Hiwalayan Siya ng Anak Nito Upang Sumama sa Iba?
“Salamat hijo sa pagpapautang mo sa akin. Nahihiya ako sa iyo. Babayaran ko rin naman kaagad ito kapag napalago ko na ang pera sa itatayo naming negosyo ng mga amiga ko,” nakangiting pasasalamat ni Aling Julianna sa fiance ng kaniyang anak na si Martina, si Janus.
“Wala ho iyan, Tita. Maliit na bagay naman ho ang 10,000 piso. Isa pa, kapag ikinasal na po kami ni Martina, magiging isang pamilya na po tayo. Kaya parang pamilya ko na rin po kayo,” paliwanag ni Janus.
“Anong parang? Pamilya mo na talaga kami kahit hindi pa kayo ikinakasal ng anak ko. Mula ngayon, tawagin mo na akong Mama Julianna. Mama Julie na lang para mas maiksi,” nakangiting sabi ni Aling Julianna sa kaniyang future manugang. Kung titingnan si Mama Julie, para itong may dugong Kastila. Kahawig ng aktres na si Cherie Gil: classy at sopistikada ang dating.
“Opo, Ti… este Mama. Mama Julie,” nakangiting saad naman ni Janus sa kaniyang future biyenan.
Bumaling naman si Aling Julianna sa anak na si Martina.
“Kaya ikaw Martina, huwag na huwag mong lolokohin itong si Janus ha? Bihira ka na lamang makakita at makakilala ng matinong lalaking kagaya niya: mabait, responsable, may matinong trabaho, at marunong makisama sa magiging biyenan niya. Isumbong mo sa akin si Martina hijo kapag sinaktan ka niya at ako mismo ang kakastigo sa kaniya,” saad ni Aling Julianna.
Botong-boto talaga si Aling Julianna kay Janus dahil bukod sa mabait ito, hindi ito nagmimintis na regaluhan siya ng mga kung-ano-ano kapag dumadalaw ito; kung hindi prutas, pagkain, ay mamahaling mga bag. At ngayon nga ay pinautang pa siya ng 10,000 piso para sa itatayo umanong negosyo nito kasama ang mga kaibigan.
Ngunit sabi nga, walang lihim na hindi nabubunyag. Natuklasan ni Janus na may ibang lalaki si Martina: isang lalaking may edad na, mayaman at negosyante.
“Kaya ko rin namang ibigay sa iyo ang mga naibibigay ng lalaking iyon, Martina. Basta’t pagtatrabahuhan ko. Bakit kailangan mo akong ipagpalit sa isang mas mayaman at may negosyo? Anong nangyari sa iyo? Bakit naging materialistiko ka?” sumbat ni Janus sa kaniyang nobya.
“Patawarin mo ako, Janus. Patawarin mo ako. Sa sobra mo kasing busy, nawalan ka na rin ng panahon sa akin. Pumasok sa eksena si Gustavo, na hawak niya ang oras niya dahil siya ang boss ng sarili niyang kompanya. Patawarin mo ako. Wala sa iyo ang problema. It’s not you, it’s me,” bigkas ni Martina sa sikat na linya ng mga nakikipaghiwalay sa kani-kanilang mga kasintahan.
Agad na nagsumbong si Janus sa kaniyang Mama Julie. Gulat na gulat ito.
“Ganoon ba, Janus? Sige huwag ka mag-alala. Kakausapin ko si Martina. Pagagalitan ko siya sa ginawa niya sa iyo,” saad ni Aling Julianna.
Lumipas ang isang linggo. Nagpalit na nga ng profile picture si Martina sa kaniyang mga social media accounts, at makikitang kasama na nito sa mga larawan ang bagong nobyo. Wala na. Hindi na talaga sila makakapagbalikan pa.
Naalala niya ang utang sa kaniya ni Aling Julianna. Nagkataong kailangan niya ng pera. Balak niyang magtrabaho sa ibang bansa upang makapagsimula ng bagong buhay. Tinanong niya ang kaniyang kaibigan hinggil dito, kung tama bang singilin pa niya ang utang ng dating hilaw na biyenan.
“Aba dapat lang! 10,000 piso rin iyan. Saka dapat lang na mahiya siya’y magbayad ng utang, matapos kang lokohin ng anak niya,” payo ng kaibigan ni Janus sa kaniya.
Kaya naman, lakas-loob na nagtungo si Janus sa tahanan ng dating nobya, hindi upang makipagbalikan, kundi upang singilin sa utang nito si Aling Julianna. Hindi naman niya inasahang magagalit ito sa kaniya at makatitikim siya ng masasakit na salita.
“Masyado ka naman, Janus! Hindi ka ba makapaghintay? Umiikot na ba ang tumbong mo sa 10,000 piso? Magbabayad naman ako, wala lang akong pera ngayon. Lumalabas ang tunay mong ugali ngayon. Mabuti na lamang at nakinig sa akin si Martina,” saad ni Aling Julianna. Itinikom na niya ang bibig dahil nadulas na siya.
“Ano po bang sinabi ninyo sa kaniya na sinunod niya?”
“Sinabi ko sa kaniya na sagutin niya si Gustavo dahil mas mayaman ito kaysa sa iyo. Okay na ba? Kaya huwag kang mag-alala, hihiritan ko si Gustavo na bigyan ako ng 10,000 piso at isasaksak ko sa baga mo para matapos ka na sa paniningil mo!” galit na saad ni Aling Julianna.
Nagpanting ang mga tenga ni Janus. Ang hilaw na biyenan pala niya ang dahilan kung bakit mas pinili ni Martina ang Gustavo na iyon, kaysa sa kaniya.
“Ah ganoon ho ba? Sige ho. Kayo ho pala ang kunsintidora sa anak ninyo. Siguro ho, mas dapat pala akong magpasalamat sa mga nangyari. Mabuti na lang ho at hindi natuloy ang kasal namin ng anak ninyo, dahil ganyan pala ang tunay na kulay ninyo. Matapos kong ibigay ang lahat sa inyo, ganito pa ang igaganti ninyo sa akin? Matapos ko kayong mahalin at ituring na pamilya, itatapon n’yo lamang akong parang basura?” sumbat ni Janus kay Aling Julianna.
Hindi naman nakakibo si Aling Julianna. Sa halip, binuksan nito ang malaking abaniko at nagpaypay.
“Ganito ho, lalagyan ko ho ng interes ang utang ninyo sa akin. 10% po sa bawat linggong hindi kayo nakapagbabayad,” sabi ni Janus.
At wala na ngang nagawa si Aling Julianna. Nagbayad siya ng 25,000 piso dahil sa interes na ipinatong ni Janus sa kaniyang utang.
Nang makuha na ang utang ni Aling Julianna, pinabilis na ni Janus ang pagproseso sa kaniyang mga papeles upag makapagtrabaho na sa ibang bansa. Kalilimutan na lamang niya ang mga bangungot na kaniyang naranasan, sa ibang bansa. Magsisikap at magpapayaman siya upang wala nang babaeng makaisip na ipagpalit sa mas mayamang lalaki sa kaniya.