Inday TrendingInday Trending
Tinatamad na ang Kaherang Ito sa Kaniyang Trabaho; Ano Kayang Aral sa Buhay ang Mapupulot Niya Mula sa Sinakyang FX?

Tinatamad na ang Kaherang Ito sa Kaniyang Trabaho; Ano Kayang Aral sa Buhay ang Mapupulot Niya Mula sa Sinakyang FX?

Tapos na ang shift ni Liza bilang isang kahera sa maliit na convenience store sa loob ng isang exclusive subdivision. Dahil ito lamang ang nag-iisang convenience store at pagmamay-ari pa ito ng isa sa mga opisyal ng home owner’s association, talaga namang patok na patok ito, at paminsan ay dinarayo pa ng mga tagalabas.

5:00 PM. Late dumating ang kaniyang karelyebo kaya inis na inis si Liza. Kung may pamimilian lamang siya, ayaw na niya sanang magtrabaho doon. Sapatan lamang ang suweldo. Naiinip na siya sa kaniyang ginagawa. Kung tutuusin, magaan lamang ang mga ginagawa niya dahil wala naman siyang ibang ginagawa kundi mag-punch at maglagay sa supot sa mga panindang binili ng mga customers.

Kapag naroon ang kanilang amo, kunwari naman ay naglilinis-linis siya sa mga estante, o kaya naman ay nag-iimbentaryo ng mga produktong pampaganda na nasa area niya, o kaya nagsasalansan ng mga sigarilyo, candy, plastik, at mga beauty products. Tuwang-tuwa naman ito sa kaniya.

Kaya lang, talagang tinatamad na siya. Kung may pamimilian lamang siya, nais niyang humanap ng ibang trabaho. Kung nakatapos lamang siya ng kolehiyo, magiging madali lamang ang paghahanap ng trabaho. Kaya lang, hanggang 4th Year high school lamang ang natapos niya, at panahon pa iyon na wala namang Senior High School.

Matapos mabilang ang mga kinita, inendorso na niya ito sa susunod na kahera.

“Liza, puwede ba akong makiusap sa iyo? Palit sana tayo ng shift. Birthday kasi ng anak ko bukas kaya kailangan kong umabsent. Ikaw na lang kasi ang puwede talaga,” pakiusap nito.

“Anong oras ba? Sige gawan natin nang paraan,” naiiritang sabi ni Liza.

Mabuti na lamang at may nasakyan kaagad siyang UV Express. Siya lamang ang nasa loob. Mukhang mabait naman ang driver kaya kampante siya. Walang masyadong tao dahil nga sa ipinatutupad na community quarantine at curfew.

“Salamat naman at may pasahero na ako,” basag sa katahimikan ng driver.

“Bakit po, ‘Tay? Ngayon lang ho ba kayo nagkaroon ng pasahero?” usisa ni Liza sa driver.

“Oo eh. Simula nang mangyari ang pandemya at magpatupad ng lockdown ang pamahalaan, talagang nahirapan na ako sa paghahanapbuhay. Minsan, maghapon at magdamag na ako bumibiyahe, pero kulang pa sa gasolina ang kinikita ko. Kulang na kulang pa sa boundary nitong sasakyan, hindi naman kasi sa akin ito. Kaya nag-iisip na rin ako na huwag na bumiyahe, kasi parang lugi ako,” paliwanag ng driver.

“Naku ‘Tay, mabuti na lang ho at bumiyahe kayo, kasi kung hindi, wala ho akong masasakyan,” pampalubag-loob ni Liza sa driver.

“Ikaw ba? Anong trabaho mo?” untag naman ng driver.

“Kahera ho ako,” tugon naman ni Liza.

“Marangal na trabaho iyan. Ayos iyan. Masuwerte ka at may trabaho ka pa rin. Kaya rin ako kumakayod kasi yung anak ko, kasing-edad mo siguro, natanggal siya sa trabaho niya bilang sales lady kasi nagbawas ng mga empleyado. Yung anak ko namang lalaki, ang nagsara naman yung kompanya nila. Kaya ikaw, pangalagaan mong mabuti ang trabaho mo. Sa panahon ngayon ng pandemya, napakahirap maghanap ng ibang mapagkakakitan.”

At ilang oras lamang, nakauwi na nang matiwasay si Liza. Matapos makaligo at gawin ang iba pang mga routine, naghanda na siyang mahiga sa kaniyang kama at magpahinga.

“Wow Liza, iba yata ang ngiti mo ngayon ah,” bati sa kaniya ng amo nang masilayan siya nitong nakangiti habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin bilang kahera. Pumayag siya na humalili sa kaniyang kasamahan na nakiusap na halinhan muna niya, dahil birthday ng anak nito.

“Opo, para naman good vibes kaagad ang mga customers natin at bumalik-balik sila rito sa ating convenience store, Ma’am! Para mas marami tayong benta,” nakangiting tugon naman ni Liza sa kaniyang boss.

“Tama iyan! Iyan ang tamang attitude. Masuwerte tayo dahil dumadagsa pa rin ang mga tao rito, dahil ito naman talaga ang hanap nila: easy access sa mga pangangailangan nila sa bahay, para hindi na sila magpunta pa sa palengke.”

Napagtanto ni Liza na hindi siya dapat magreklamo sa trabahong mayroon siya ngayon. Lahat naman ng trabaho ay pinaghihirapan. Tama ang manong driver sa sinabi nito na masuwerte pa rin siya’t hanggang ngayon ay may trabaho pa rin siya, kumikita nang maayos para sa kaniyang sarili at pamilya.

Kaya naman, ganadong ginampanan ni Liza ang kaniyang trabaho bilang isang masayahin at magaling na kahera, na ang inspirasyon ay kaniyang pamilya!

Advertisement