Inday TrendingInday Trending
Takot na Takot ang Dalaga Dahil may Matandang Lalaking Nagmamanman sa Kaniya; Siya na Kaya ang Susunod na Mapapahamak?

Takot na Takot ang Dalaga Dahil may Matandang Lalaking Nagmamanman sa Kaniya; Siya na Kaya ang Susunod na Mapapahamak?

Humahangos na nagtungo si Ronalda sa kuwarto ng kaniyang kaserang si Aling Nemesia. Sunod-sunod na katok ang pinakawalan niya. Takot na takot siya.

Kaya naman pala walang nagbubukas sa kaniya kahit halos gibain na niya ang pinto. Nasa labas na pala kanina pa si Aling Nemesia. Batay sa mga bitbit nitong plastik na naglalaman ng mga karne, gulat, at prutas, mukhang namili na ito sa palengke.

“Oh Ronalda, may problema ka ba? Anong nangyari?” takang tanong ni Aling Nemesia. Kitang-kita ang pangangatal ni Ronalda.

“Aling Nemesia, may nakita po kasi akong lalaking medyo may katandaan na, nakasilip sa bintana ko. Natakot po ako at baka mapagsamantalang tao po,” sabi ni Ronalda.

“Naku, namukhaan mo ba yung lalaki? Mabuti naman at napansin mo para doblehin natin yung pag-iingat dito sa dormitoryo. Uso pa naman ang masasamang elemento ngayon. Kanina lang sa bayan eh may pin@slang na naman. Iba na talaga ang mga tao ngayon. Halang na ang kaluluwa. Brutal ang ginawa roon sa lalaki. Wakwak na ang tiyan. Nawawala ang puso. Kaya mag-inat-ingat tayo sa panahon ngayon,” salaysay ni Aling Nemesia.

“Talaga ho ba? Nakakatakot nga ho iyan. Kailangan pong mag-ingat talaga tayo at iba na po ang panahon ngayon,” nahihintakutang sabi ni Ronalda.

Kaya naman, pinaayos na mabuti ni Aling Nemesia ang mga bintana ng kaniyang maliit na dormitoryo, hindi lamang sa kuwarto ni Ronalda, kundi maging sa iba pa niyang tenants.

“Sabihan mo lang ako kapag may nakita ka pang sumisilip-silip ha?” paalala ni Aling Nemesia ay Ronalda, na dalawang linggo pa lamang sa Maynila, at isang linggo pa lamang sa kaniyang dormitoryo. Nag-aaral kasi ito sa isang state university. Ayon sa panayam ni Aling Nemesia, nagmula si Ronalda sa lalawigan ng Siquijor.

Makalipas ang dalawang araw, muling ibinalita ni Aling Nemesia na may karumal-dumal na pagpasl@ng na naman ang naganap sa kanilang bayan. Sa tantiya ng mga awtoridad, biktima ito ng pagnanakaw dahil nawawala ang mahahalagang gamit ng naturang ginang. Wakwak ang tiyan nito at halos masaid ang dugo.

“Nakakatakot naman po pala talaga rito sa Maynila, Aling Nemesia. Sa probinsya namin, walang ganyan kasi nalalaman kaagad ng mga tao, magkakakilala po kasi ang lahat sa bayan,” sabi ni Ronalda.

“Ronalda, kaya ikaw mag-ingat-ingat ka sa paglalakad ha? Maganda ka pa naman at baka makursunadahan ka ng mga lalaki diyan sa tabi-tabi. Nakikita pa kasi sa iyo na hindi ka tagarito. Baka mapagkatuwaan ka,” paalala ni Aling Nemesia.

“Opo. Pero nakakapagtaka naman po yung serye ng mga nangyayari dito sa atin? bakit po wakwak ang tiyan ng mga nabibiktima? Hindi po kaya kagagawan ng aswang?” tanong ni Ronalda.

Napaantada ng krus si Aling Nemesia. “Susmaryosep ka, hija. Anong era na ngayon? May mga aswang pa ba? Moderno na ang panahon ngayon, saka wala pa akong nakikitang ganyan sa tanang buhay ko. Mahirap mapatunayan kung totoo o hindi. Pero alam mo, dati naman walang mga ganyan-ganyan dito. Nito na lang.”

Samantala, may iba namang paksang idinulog si Ronalda kay Aling Nemesia.

“Aling Nemesia, may nakikita po akong matandang lalaki na sa tuwing nakikita ako, matalim ang titig sa akin. Yung may benda po sa ulo saka may mga kuwintas sa leeg na pagkahaba-haba. Lagi po niya akong tinititigan nang masama. Natatakot po ako,” sumbong ni Ronalda.

“Ah, si Tata Nonie ang tinutukoy mo. Albularyo at hilot iyon dito. Hayaan mo lang siya. Ganoon lang talaga siya tumingin kasi malabo na ang mga mata niya. Baka sinisino ka lamang niya kasi bagong mukha ka rito sa amin,” saad na lamang ni Aling Nemesia.

Isang gabi, kinakailangang magpagabi ng uwi si Ronalda dahil may kailangan silang tapusing proyekto sa isang asignatura. Siya na lamang ang nasa daan. Nararamdaman niyang may sumusunod sa kaniyang lalaki. Hindi niya pinansin. Ngunit sa tantiya niya, siya ang sinusundan nito. Binilisan niya ang lakad. Binilisan din ng lalaki ang paglalakad.

Naalala ni Ronalda ang mga nangyayari sa bayang iyon. Kaya nakaramdam siya ng takot. Kumaripas na siya ng takbo. Kumaripas din ng takbo ang lalaking sumusunod sa kaniya.

Nang makarating sila sa isang liblib na bahagi ng bayang iyon. huminto si Ronalda upang harapin kung sinoman ang magtatangka sa kaniya nang masama. Paglingon niya, ang lalaking sumusunod sa kaniya ay ang matandang albularyo—si Tata Nonie.

“B-Bakit ho, Tata Nonie? Ano pong kailangan ninyo sa akin?” maang na tanong ni Ronalda.

Dinuro siya ni Tata Nonie.

“I-Ikaw… ikaw ang dahilan ng lahat ng mga nangyayari dito sa amin lugar. Galing kasa probinsya ng Siquijor hindi ba? Nakita kita. Nakita ko kung paano nahahati ang katawan mo! Ikaw ang nambibiktima. Ikaw!”

Takang-taka si Ronalda sa mga pinagsasasabi ni Tata Nonie. Hindi niya talaga alam ang pinagsasasabi nito. Siya? Siya ang nambibiktima? Nahahati ang katawan?

“A-Ano po ang ibig ninyong sabihin?” nagtatakang tanong ni Ronalda sa matanda. Napatingin siya sa kaniyang relo. 11:59 ng gabi. May kakaibang init na naman siyang nararamdaman sa katawan. Sanay na siya. Tuwing ganoong oras niya nararamdaman iyon hanggang sa nakakatulog na siya. Simula pagkabata pa siya. Marahil hudyat iyon ng kaniyang katawan na kailangan na niyang matulog.

“Isa kang aswang! Isa kang mananang…”

Hindi na natapos ni Tata Nonie ang anomang sasabihin. Sa isang iglap, tinubuan ng malaking mga pakpak si Ronalda, tinubuan ng matatalim na kuko sa mga kamay at pangil, pumangit at nangitim ang balat, at naputol ang katawan. Dinaluhong nito si Tata Nonie.

At pumailanlang ang nakaririndi at nakakikilabot na sigaw ng isang matandang lalaking humihingi ng saklolo…

Advertisement