Inday TrendingInday Trending
Napansin ng Apo na Para Bang “Nagmumurang-Kamatis” ang Kaniyang Lolo; Isang Dalaga Pala ang Dahilan

Napansin ng Apo na Para Bang “Nagmumurang-Kamatis” ang Kaniyang Lolo; Isang Dalaga Pala ang Dahilan

“Esmie, wala ka bang napapansin kay Lolo Arturo?”

Pabulong na tinanong ni Gardo sa misis na si Esmie. Ayaw niya kasing may makarinig sa mga sinasabi niya.

“Anong napapansin mo sa kaniya? Na puti na ang mga buhok niya sa ulo at mukha?” ganting tanong ni Esmie sa mister. Si Lolo Arturo ay lolo ni Esmie, na ama ng kaniyang ina. Nauna pang mawala sa daigdig ang kaniyang ina, subalit magkasama pa rin ang kaniyang mga lolo at lola. Tantiya niya, nasa 80 na ang kaniyang lolo at ang lola naman niya na si Lola Sharon ay nasa 75. Pawang malalakas pa naman at wala pa masyadong iniinda sa katawan at kalusugan.

“Ano ka ba naman. Nagpapatawa ka ba? Hindi iyon. Napapansin ko kasi na parang lagi nang nakangiti, parang hindi na sambakol ang mukha. Parang masigla ulit,” sabi ni Gardo sa kaniyang misis.

“Mabuti naman kung gayon. Ulila na nga ako sa mga magulang, kaya malulungkot talaga ako kapag nawala pa sina Lolo at Lola, pero alam ko naman na papunta na rin sila roon dahil sa edad nila.”

“Hindi iyon. Para kasing kakaiba ang mga ngiti niya. Hindi na siya masyadong masungit ngayon. Napapansin ko parang laging may ningning sa kaniyang mga mata. Parang… parang in-love!” saad ni Gardo.

“Naturalmente lang naman sigurong ma-in love si Lolo eh nariyan pa naman at kasa-kasama niya si Lola. Hindi na nga lang sila magkasama sa iisang kuwarto, pero for sure, mahal pa rin nila ang isa’t isa!” sabi na lamang ni Esmie, bagama’t napupuna nga niya na tila hindi na nagsusungit ang kaniyang lolo sa mga nagdaang araw.

“Hindi kaya nagkakabalikan na sila ni Lola Sharon? Baka nagniningas na ulit ang kanilang pagmamahalan,” sabi ni Gardo.

‘Ikaw, ang corny mo! Tigilan mo na nga si Lolo, kung ano-ano ang napapansin mo. Kung nagkakabalikan man sila ni Lola Sharon, eh di mabuti. Hayaan na natin sila,” saad na lamang ni Esmie.

Dahil sa obserbasyon ng mister, nabuksan tuloy ang kuryosidad ni Esmie. Nang mga sumunod na araw, napansin nga niya ang kakaibang mga ngiti sa labi ni Lolo Arturo. Lagi itong nagsusuklay, naglalagay ng pomada sa buhok, at panay harap sa salamin. Araw-araw nagpapalit ng damit, at hindi lamang basta damit, kundi isinusuot pa ang mga lumang polo na hindi na nito ginagamit, dahil bihira na lamang umalis.

Minsan, biniro niya ito.

“Aba Lo, mukhang isputing na isputing ah! Ang guwapo naman ng Lolo ko!” bati ni Esmie sa kaniyang lolo. Ngumiti naman ito ng ubod-tamis, kahit na bungal na at hindi pa nakasuot ang pustiso.

“Masama bang bumalik sa pagkabata? Saka sayang naman ang pomada ko, natutuyo na dahil matagal nang hindi ginagamit. Baka magsikipan na ang mga polo ko. Suutin ko na habang buhay pa ako at hindi pa kinukuha ni San Pedro!”

“Grabe naman iyan, Lo! Knock on wood! Ide-date mo pa si Lola Sharon ‘di ba?”

Napansin ni Esmie na nawala ang ngiti at tila sumeryoso ang mukha ni Lolo Arturo. Hindi na ito kumibo.

Kung gayon, hindi si Lola Sharon ang dahilan kung bakit ito masaya?

Napapansin nga ni Esmie na tila wala namang nagbago sa pakikitungon nina Lolo Arturo at Lola Sharon sa isa’t isa. Bagama’t magkasama sa iisang bubong, hindi na gaanong nagpapansinan, para bang hindi mag-asawa. Bukod pa rin ang kani-kanilang mga kuwarto. Hindi kagaya ni Lolo Arturo, hindi na nag-aayos si Lola Sharon, at madalas ay nasa loob lamang ng sariling kuwarto.

Kung gayon, sino ang pinopormahan ni Lolo Arturo?

Ayaw man niyang maghinala, mukhang alam na niya ang sagot. Si Didith, ang kanilang kasambahay na 20 taong gulang: maganda, balingkinitan ang katawan, at maiksi ang shorts na laging suot. Bukod sa mga gawaing-bahay, napapansin niyang nagiging malapit ito kay Lolo Arturo.

At nakumpirma nga niya ang lahat nang minsang makita niyang sinusubuan at pinakakain ni Didith ng lugaw ang kaniyang Lolo Arturo. Si Lolo Arturo naman ay napakaluwag ng ngiti; iba ang tingin nito kay Didith. Napaantanda na lamang si Esmie lalo na nang makita niyang nakakandong si Didith kay Lolo Arturo.

Kaya naman, palihim na kinausap ni Esmie si Didith. Hindi niya hahayaan na mangyari ito, lalo na’t nariyan pa ang kaniyang Lola Sharon, respeto na lamang.

“Didith, hindi magandang tingnan na masyado kang malapit kay Lolo Arturo. Masagwang tingnan, lalo na at nariyan ang Lola Sharon. Kaya kung maaari, humanap ka na ng ibang trabaho mo. Nakikita ko na may mahalay na pagtingin sa iyo ang lolo.”

Umiyak si Didith. Hindi sa dahil mawawalan siya ng trabaho kundi ayaw niyang mapahiwalay kay Lolo Arturo.

“Hindi ko po kayang lumayo kay Arturo, Ma’am. Mahal ko po siya…”

“Bata ka pa, Didith. Nariyan pa si Lola Sharon kaya mahiya ka naman! Nasa pamamahay ka namin!”

Nagulat si Esmie nang biglang dumating si Lolo Arturo, lumapit kay Didith, at niyakap ito. Sumandig naman si Didith sa butuhang dibdib ng matanda.

“Anong ginagawa mo Esmie? Bakit mo pinagsasalitaan nang masama si Didith? Hindi mo siya dapat pinapalayas dito. Siya ang dahilan kung bakit ako masaya ngayon,” galit na sabi ni Lolo Arturo.

“Lolo naman eh! Kung kailan pa kayo tumanda, saka pa kayo nagloko nang ganyan? Paano naman ang lola? Buhay pa si Lola Sharon…”

“Anong nangyayari dito?”

Nagulat silang tatlo nang mabungaran si Lola Sharon. Nanlalaki ang mga mata ni Lola Sharon, lalo na nang makitang magkayapusan ang asawa at si Didith. Dinuro nito si Didith.

“Malandi ka! Bakit ka nakapulupot na parang sawa sa asawa ko…”

Hindi na natapos ni Lola Sharon ang sasabihin. Napahawak na ito sa dibdib. Nawalan ng ulirat. Mabuti na lamang at mabilis itong nadaluhan ni Esmie. Gulat na gulat naman si Lolo Arturo sa mga nangyari, kaya hindi sinasadyang naitulak niya si Didith, na napasubsob naman ang mukha sa lababo.

Agad na itinakbo sa ospital si Lola Sharon. Nanikip ang dibdib nito, mabuti na lamang at naagapan.

“Lolo, kapag may nangyari kay Lola Sharon, hinding-hindi ko kayo mapapatawad ni Didith!” umiiyak na sabi ni Esmie sa kaniyang lolo.

Makalipas ang dalawang linggo, sa kabila ng edad ay naging maayos na ulit ang kondisyon ni Lola Sharon. Naiuwi na ito sa bahay.

“Patawarin ninyo ako, Esmie, lalo na sa iyo, Sharon. Natukso lamang ako. Natukso lamang. Tama kayo, sa puntong ito ng buhay ko, hindi ko na dapat inilulubog sa kumunoy ng kasalanan ng pakikiapid ang sarili ko. Hayaan ninyo akong bumawi, lalo na sa iyo Sharon, aking asawa…”

Pinatawad ni Esmie ang kaniyang Lolo Arturo. Sa edad nito, hindi na kailangan pang pagdusain sa kasalanang nagawa. Unit-unti, sinikap nina Lolo Arturo at Lola Sharon na muling ipanumbalik ang kanilang pagmamahalan: tabi na ulit sila sa pagtulog sa iisang kuwarto, sinusulit ang mga natitirang sandali ng dapit-hapon ng kanilang buhay.

Advertisement