Itinatago ng Dalagang Ito ang Tunay na Itsura sa Ilalim ng Make-up, Mabuking Kaya Siya ng mga Katrabaho?
“Elany! Dalian mo na riyan, mahuhuli na tayo sa trabaho!” sigaw ni Agnes sa kaibigan, isang umaga nang parehas silang huling nagising. “Saglit lang! Kailangan ko lang maglagay ng make-up!” tugon ni Elany habang nagmamadaling magbihis dahilan upang kalampagin na siya ng kaibigan sa sarili niyang silid.
“Diyos ko naman! Uunahin mo pa ba ‘yan kaysa masalba ang pagbawas sa sahod mo? Baka nakakalimutan mo, mahigpit na ngayon sa opisina! Bawal na ang mahuli sa pagpasok!” inis pang wika nito kaya lalo siyang nagmadaling mag-ayos.
“Hindi ako pwedeng pumasok nang walang make-up, Agnes, alam mo naman ‘yon! Lilitaw ang tunay kong itsura! Mauna ka na kung gusto mo!” natataranta niyang sagot habang sinisimulan na ang paglalagay ng make-up sa mukha.
“Bakit ba kasi itinatago mo ‘yang totoong itsura mo, ha?” tanong pa nito.
“Basta! Mauna ka na para hindi ka mapagalitan at makaltasan ng sahod!” utos niya rito dahilan upang mataranta na itong magsapatos.
“O, siya, sige! Sasabihin ko na lang na masama pakiramdam mo para hindi ka ganoon kagalitan! Ingat ka, ha, dalian mo na kumilos d’yan!” paalam nito saka agad nang lumabas ng kanilang inuupahang dormitoryo.
“Oo na, sige na!” sigaw niya saka mabilis na pinagpatuloy ang pag-aayos ng sarili.
Hindi magawa ng dalagang si Elany na humarap sa ibang tao nang wala siyang make-up. Ibang-iba kasi ang itsura niya kapag wala siyang kolorete sa mukha. Manipis ang kaniyang kilay, wala siyang gaanong pilik-mata, may mga peklat siya sa pisngi bunsod ng mga tigyawat niya dati at tuklap-tuklap ang maiitim niyang mga labi dahilan upang ganoon na lang siya mawalan ng kumpiyansa sa sarili.
Bukod pa roon, naranasan niya na rin kasing ma-bully noong siya’y nag-aaral pa lamang dahil sa itsura niyang ito. Sabi ng iba niyang mga kamag-aral, siya raw ay hindi nagkakanobyo dahil pangit siya at puro tigyawat pa.
Sa kagustuhan niyang tantanan siya ng mga katagang ito, ginawa niya ang lahat upang mapaganda ang sarili. Kahit na magkanda sunog-sunog ang kaniyang balat sa mga matatapang na pampahid sa mukha, kaniya itong tiniis at nagsimulang mag-aral kung paano maglagay ng make-up.
Sa kabutihang palad naman, bago siya makapagtapos sa kolehiyo, tuyo na ang kaniyang mga tigyawat at marunong na rin siyang mag-ayos ng sarili. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magkaroon ng kumpiyansa sa sariling makakakuha ng maayos na trabaho.
Kaya lang, hindi na niya ngayong hinahayaang makita siya ng ibang taong wala siyang suot na make-up. Ayaw niya na kasing bumalik ang mga katatawang binabato sa kaniya dahilan upang gawin niya ang lahat upang matago lamang ang tunay na itsura.
Noong araw na ‘yon, kahit na siya’y siguradong mahuhuli na sa trabaho, hindi niya pa rin hinayaang pumasok siya ng walang make-up sa mukha. Ayaw niya mang mapagalitan at makaltasan ng sahod, pinili niya pa ring mag-ayos ng sarili.
Ngunit sa kamalas-malasan, sa sobrang pagmamadali niya, hindi niya maayos ang itsura ng kaniyang kilay dahilan upang siya’y muling maghilamos at ulitin ang paglalagay ng make-up.
Kaya lang, nagpupunas pa lang siya ng mukha, narinig niya bumukas ang kanilang pintuan dahilan para magalit siya sa kaibigan.
“Ano ka ba naman? Sabi ko sa’yo, mauna ka na, hindi ba?” sigaw niya rito ngunit pagtingin niya rito, halos manlamig siya nang makitang ito ang pinakapogi nilang katrabaho na nakatira lamang sa kalapit na gusali.
“Ah, eh, sabi ni Agnes, isabay na raw kita sa sasakyan para hindi ka na maghintay ng bus. Ito, o, binigay niya sa akin ang susi. Pasensiya na, hindi ako kumatok,” nakatungong paliwanag nito dahilan upang siya’y mapatakbo sa sariling silid at madaliin ang kaniyang pag-aayos.
Hiyang-hiya siyang lumabas sa silid niya at sinabing, “Pasensiya ka na, alis na tayo,” dahilan upang agad naman itong sumunod sa kaniya.
Habang nasa sasakyan, napapansin niyang bahagyang sinisipat-sinapat ng binata ang kaniyang mukha na ikinainis niya.
“Ano, pagtatawanan mo rin ako dahil pangit ako kapag walang make-up?” galit niyang sambit dito.
“Sino’ng nagsabing pangit ka? Nagtataka nga ako kung bakit naglalagay ka pa ng make-up kung maganda naman ang itsura mo kahit walang gano’n,” sagot nito na ikinainit ng kaniyang mukha saka siya patagong napangiti.
Iyon na ang naging simula ng kanilang pagkakaibigan hanggang sa sila’y nagkahulugan na ng loob. Doon niya napagtantong hindi niya kailangang magpanggap dahil may taong darating na handa siyang tanggapin nang buo.
Ito ang dahilan upang magkaroon na siya ng kumpiyansang pumasok ng opisina kahit walang make-up. Maalwan na sa mukha, hindi pa siya nahuhuli sa trabaho.