Hindi Nakikinig sa Ina ang Binatang Ito nang Pagbawalang Magmotor, Iyak Nito ang Nagpagising sa Kaniya
“Alfred, sumakay ka na lang ng bus papasok, ha? Huwag ka na munang magmotor, madulas ang kalsada ngayon dahil sa malakas na ulan kagabi. Narinig ko sa balitang maraming naaksidente kaninang madaling araw sa isang highway na dadaanan mo,” bilin ni Aling Solly sa nag-iisang anak, isang umaga habang pinaghahandaan niya ito ng almusal.
“Mama, mahuhuli ako sa trabaho kung sasakay pa ako ng bus. Sana ginising mo ako ng maaga kung hindi mo ako hahayaang magmotor,” sagot ni Alfred saka naupo sa kanilang hapag-kainan at nagsimula nang kumain.
“Ayos nang mahuli ka sa trabaho kaysa hindi ka makauwi nang buhay dito,” tugon nito na ikinainis niya.
“Mama, naman! Bakit ba hindi mo maintindihan na kailangan ko nang magmadali, ha? Alas otso pa ang alis ng susunod na bus dito sa atin! Alas otso ang oras ng pagpasok ko sa opisina!” wika niya pa habang nagmamadaling kumain.
“Hintayin mo na lang at magpaalam ka sa boss mo,” wika pa nito na lalo niyang ikinainis dahilan para siya’y tumayo na roon at hablutin ang kaniyang mga gamit at susi ng motorsiklo.
“Hindi pwede ‘yon, mama, alis na ako!” paalam niya.
“Alfred, makinig ka sa akin!” sigaw nito sa kaniya.
“Kung makikinig ako sa’yo, makakaltasan ako ng sahod!” sagot niya saka agad nang pinaharurot ang kaniyang motorsiklo.
Hilig ng binatang si Alfred ang motorsiklo. Kaya naman nang siya’y magkaroon ng trabaho sa isang sikat na kumpanya sa Maynila, ito ang una niyang pinundar. Bukod sa nakuha na niya ang pangarap niyang gamit, malaki pa itong alwan sa tuwing papasok siya sa trabaho dahil hindi na niya kailangan pang maghintay ng bus at makipagsiksikan sa iba pang empleyadong papuntang Maynila.
Kaya lang, palagi namang nag-aalala ang kaniyang ina sa hilig niyang ito dahil talamak ang mga aksidente lalo na ngayong nag-uulan-ulan at madulas ang kalsada.
Ngunit kahit pa halos araw-araw na siyang pinagsasabihan ng ina, hindi niya ito pinakikinggan at tuloy pa rin sa paggamit nito kahit bumubuhos ang ulan. Lagi niyang katwiran, “Nag-iingat naman ako. Hindi naman ako baguhan sa paggamit nito at lalo’t higit, hindi ako mabilis magpatakbo,” dahilan upang ganoon na lang siya kagalitan ng ina araw-araw.
Noong araw na ‘yon, kahit na labis na siyang pinagbabawalan ng ina dahil sa balitang kumakalat ngayon tungkol sa mga aksidente, tinuloy niya pa rin ang paggamit nito.
“Ang hina-hina ng loob ni mama! Paano ko siya bibilhan ng sasakyan niyan?” biro niya upang mapawi ang inis habang siya’y nagmamaneho.
Sa kabutihang palad naman, matagumpay siyang narating sa kaniyang trabaho nang hindi naaaksidente. Bahagya siyang nakaramdam ng pangongonsensya sa pagiging matigas ang ulo dahilan upang tawagan niya ang kaniyang ina at sabihing siya’y ligtas na nakarating sa paroroonan.
“Salamat naman sa Diyos, mag-ingat ka rin mamaya pag-uwi mo, ha? Kung hindi kita mapigilan, siguraduhin mo lang na uuwian mo ako!” sigaw nito sa kaniya na ikinatawa niya.
“Opo naman, mama, o, paano, pasok na po ako, ha? Bilhan kita ng pasalubong mamaya!” paalam niya saka agad nang binaba ang tawag.
Ilang oras pa ang lumipas, dumating na ang oras ng kaniyang pag-uwi. Agad niyang sinuot ang kaniyang helmet at pinatakbo ang kaniyang sasakyan. Dumaan muna siya sa isang restawran upang bumili ng makakain nilang mag-ina, kaya lang, pagkalabas niya rito, bigla namang bumuhos ang ulan.
Dahil nga kumakalam na ang sikmura niya, sinugod niya ang ulan na ito at nagmaneho pa rin.
Wala pang ilang minuto siyang nagmamaneho, may isang rumaragasang sasakyan na ang sumalpok sa kaniya sa crossing ng isang highway dahilan upang siya’y tumilapon.
Nagising siya sa isang hindi kilalang boses, wika nito, “Pasalamat na lang po tayong hindi mabilis ang takbo ng anak niyo dahil kung hindi, tiyak, pinaglalamayan na natin siya,” saka niya narinig ang boses ng kaniyang na tila umiiyak.
Pagkadilat niya, nakita niyang magkausap ang kaniyang ina at isang doktor. Nang mapansin ng kaniyang ina ang paggising niya, agad siya nitong niyakap habang paulit-ulit na sinasabi, “Akala ko, iiwan mo na rin ako,” dahilan para siya’y mapaluha na rin.
Doon niya napagtantong hindi niya talaga kontrolado ang kalsada. Maaaring siya nga’y nag-iingat ngunit ang iba nama’y hindi.
Labis siyang pinagsabihan ng ina habang siya’y namamaligi sa ospital dahilan upang limitahan niya at labis pa siyang mag-ingat sa paggamit ng kaniyang motorsiklo.