Iniligtas Siya ng Isang Lalaki sa Tiyak na Kapahamakan; Sino nga ba ang Lalaking Ito?

Iniligtas Siya ng Isang Lalaki sa Tiyak na Kapahamakan; Sino nga ba ang Lalaking Ito?

HeartbreakingMysteryStories

Kumakabog ang dibdib ni Lindsay nang mapadaan siya sa talahiban. 

Gabi na nang nasiraan ang jeep na sinasakyan niya. Noong una ay may kasama pa siyang maglakad ngunit isa-isa nang naubos ang mga ito hanggang sa siya na lang ang natira. Wala tuloy siyang magawa kung hindi ang maglakad mag-isa. 

Natatakot siya dahil noong nakaraang buwan lang ay may dalawang bangk*y na natagpuan sa talahiban. Isang babae at isang lalaki. Pinagsamantalahan ang babae bago ito brut*l na pinasl*ng. 

Madilim kasi ang bahaging iyon at walang bahay doon na nakatayo. 

“Psst! Psst!” 

Dumoble ang kaba niya nang marinig ang pagsutsot. Binilisan niya ang lakad. 

Maya-maya ay may narinig siyang kaluskos sa bandang likuran niya. 

“Miss!”

Nanlalambot man ang tuhod niya sa takot ay lakad takbo ang ginawa niya. Sa dulo kasi ng talahiban ay may mga tanod na nagbabantay.

“Habulin niyo!” narinig niyang sigaw ng isang lalaki. 

Sa kamalas-malasan ay nadapa pa siya, dahilan upang tuluyan nang makalapit sa kaniya ang mga kalalakihang alam niyang magdadala sa kaniya sa panganib. 

Akmang hahablutin siya ng isa sa mga ito nang mapatingin ito sa likuran niya. 

Nanlaki ang mata nito bago kumaripas ng takbo na animo’y nakakita ng multo. Sumunod ang dalawa dito na pawang nagsisisigaw din.

Naguguluhan man sa inakto ng dalawa ay nakahinga nang maluwag si Lindsay. 

“Dapat hindi ka nagpapagabi ng sobra, ineng.” Mula sa likuran ay narinig niya ang isang baritonong boses. 

Napapitlag siya nang marinig ang nagsalita. Gulat niyang nilingon ito. Hindi niya masyadong maaninag ang mukha nito dahil madilim. Nakasuot ito ng itim na jacket. Sa tantiya niya ay kaedaran ito ng kaniyang kuya. 

“Paano kung hindi ako dumating? Eh ‘di nagawan ka na ng masama ng mga lalaking ‘yun?” masungit na wika ng lalaki. 

Sa sobrang takot ay napaiyak na lang si Lindsay. 

“Salamat at dumating po kayo! Takot na takot ako, akala ko, katapusan ko na!” umiiyak na bulalas niya sa lalaki. 

“Pero bakit parang natakot po sila noong dumating ka?” nang mahimasmasan ay usisa niya sa lalaki. 

Kibit-balikat lamang ang isinagot nito sa kaniya. 

“Sige na, umuwi ka na. Sasabayan kitang maglakad para naman hindi ka na matakot.”

Napangiti si Lindsay. Para nga itong isang nakatatandang kapatid kung umasta. 

Sa kanilang paglalakad ay napag-alaman niyang Art pala ang pangalan ng lalaki. Tama ang hinala niya, mas matanda nga ito ng anim na taon sa kaniya. 

“Kuya Art, pwede ko ba hingin ang number mo? Sigurado kasi ako na gugustuhin nila Mama na magpasalamat sa’yo kapag kinuwento ko ang nangyari sa kanila, eh,” nahihiyang tanong niya sa lalaki. 

Saglit itong nag-isip bago idinikta nito ang sariling numero na itinipa niya sa kaniyang cellphone. 

Nang makalampas siya sa talahiban ay agad silang sinalubong ng mga tanod. 

“Diyos ko, ineng! Bakit ka naman naglakad sa madilim na talahiban nang mag-isa!” bungad ng dalawang lalaki. 

“Hindi naman po ako mag-isa. May kasama po akong–”

Hindi niya naituloy ang nais niyang sabihin dahil nang lingunin niya si Art ay wala na ito. Naisip niya na lang na marahil ay madilim kaya naman hindi napansin ng mga ito si Art. 

Kinuwento niya ang nangyari sa dalawa at nangako naman ang mga ito na pabibilisin ng mga ito ang proseso ng paglalagay ng ilaw sa madilim na talahiban para naman hindi iyon pamugaran ng mga masasamang loob. 

“Diyos ko, anak! Mabuti na lang pala at dumating ang Art na iyon!” umiiyak na bulalas ng kaniyang ina nang ikinuwento niya rito ang pangyayari. 

Bakas sa mukha nito ang matinding pasasalamat. 

Nang magising siya kinabukasan ay ang pangalan agad ni Art ang hinanap niya sa kaniyang cellphone upang tawagan ito. Nais magpasalamat ng kaniyang pamilya sa pagliligtas nito sa kaniya. 

Limang ring ang narinig niya bago may sumabat sa kabilang linya. 

Tinig iyon ng isang babae, na sa palagay niya ay ina nito. 

“Hello, pwede pong makausap si Kuya Art?” magalang na bungad niya. 

“Sino ka at bakit mo hinahanap ang anak ko?” usisa ng babae. 

“Si Lindsay po ito. Ako po ‘yung niligtas niya kagabi mula sa mga masasamang lalaki,” paliwanag niya. 

Halos mabingi siya nang makarinig ng pagbagsak sa kabilang linya. Nahulog yata nito ang cellphone. 

“Hello, Lindsay? Pasensiya ka na at naibagsak ko ang cellphone. Nagulat lang kasi ako sa sinabi mo,” hinging paumanhin ng babae.

Nanlamig siya sa sunod na sinabi ng babae. 

“Hija, ako ang nanay ni Art. Anong sinasabi mo na iniligtas ka kagabi ng anak ko? Hija, wala na ang anak ko. Noong isang buwan pa,” tila naguguluhang sagot ng babae. 

“Po? Imposible po! Siya pa nga po ang nagbigay sa akin ng numerong ito!” nanlalaki ang matang pagpupumilit niya. 

Narinig niya ang pag-iyak ng babae sa kabilang linya. 

“Hindi ko alam kung narinig mo ‘yung balita tungkol sa dalawang bangk*y na nakuha sa talahiban noong isang buwan, hija. Mga anak ko ‘yun. Base sa imbestigasyon, tinangka ni Art isalba ang kapatid niyang nakursundahang gahas*in ng tatlong lalaki. Kaya naman pati siya ay nadamay. Nasawi siya sa kagustuhang mailigtas ang kaniyang nakababatang kapatid,” umiiyak na kwento nito. 

Tila binuhusan nang malamig na tubig si Lindsay. Tila kidlat na bumalik sa kaniyang alaala ang hindi maipaliwanag na takot ng mga kalalakihan nang makita ng mga ito si Art. Hindi rin ito nakita ng mga tanod, isa pang bagay na ipinagtaka niya. 

“Siguro ay ninais ka niyang iligtas… bagay na hindi niya nagawa para sa kapatid niya.”

Laglag ang panga ni Lindsay nang matapos niya kausapin ang ina ni Art. Nang ikwento niya ang natuklasan sa kaniyang pamilya ay kilabot na kilabot din ang mga ito sa kaniyang karanasan. 

Dahil nakita niya ang mukha ng mga masasamang loob ay tumulong siya sa imbestigasyon upang mahuli ang mga pum*slang sa magkapatid. 

Nalungkot man si Lindsay ay hindi niya pa rin nakalimutang magpasalamat kay Art, kahit na wala na ito. 

Isang panalangin ang naging alay niya. Nawa ay tuluyan nang matahimik ang kaluluwa nitong pagala-gala, na tila gustong manigurado na hindi na muling mauulit ang malagim na nangyari dito at sa sarili nitong kapatid. 

More Stories