Walang Kumpiyansa sa Sarili ang Dalaga; May Pag-asa Pa Kaya Siyang Maabot ang Kaniyang Pangarap?

Walang Kumpiyansa sa Sarili ang Dalaga; May Pag-asa Pa Kaya Siyang Maabot ang Kaniyang Pangarap?

InspiringStoriesSuccess

Kabado si Sofia. Kasalukuyan siyang naghihintay na matawag ang kaniyang pangalan. 

Dumagdag pa ang kakaibang tingin na ipinupukol sa kaniya ng mga kasamang mang-aawit na makikilahok din sa gagawing audition.

“Miss, sasali ka sa audition?” taas-kilay ng magandang babae na lumapit sa kaniya. 

“Oo, sana palarin,” nakangiting tugon niya sa babae. 

Isang malakas na tawa ang isinagot nito. 

“Girl, may tanong ako sa’yo. Wala ba kayong salamin sa bahay?” natatawang tanong nito na tila nang-aasar.

Napakunot noo siya. “Bakit? May dumi ba sa mukha ko?” nag-aalalang usisa niya sa kausap. 

Lalong lumakas ang halakhak ng magandang babae. 

“Wala, walang dumi sa mukha mo! Kaso ang problema, pangit ka!” diretsahang panlalait nito. 

“Girl, sa mga ganito, hindi sapat ‘yung talentado ka lang. Sa tingin mo, kung itsura at talento ang pagbabasehan, sa ating dalawa, sino ang mapipili?”

Naumid ang dila ni Sofia, lalo pa’t napansin niyang pinagtitinginan na sila ng mga tao sa paligid. Parang biglang naglaho ang kakarampot na lakas ng loob na inipon niya. 

Alam niya naman na hindi siya maganda kagaya nito, pero kailangan ba talaga nito iyong ipagdudulan pa sa mukha niya?

“Hindi naman siguro… singer naman ang hinahanap nila, hindi artista,” kiming wika niya sa babae.

Tumaas ang kilay nito. “Pinipilosopo mo ba ako? Ah, basta! Magkita na lang tayo mamaya, kapag luhaan ka na!” humahagikhik na wika ng babae bago ito bumalik sa kinauupuan nito. 

Napakalakas ng kabog ng dibdib ni Sofia. Parang ayaw niya na yata tumuloy. Pero naalala niya ang laging sinasabi ng kaniyang ina na pumanaw.

“‘Wag na ‘wag kang magpapadala sa pangmamata ng iba. Hindi mo malalaman na kaya mo pala kung hindi mo susubukan, anak. ‘Wag kang tumulad sa akin. Hindi ko natupad ang pangarap ko dahil natakot ako.”

Sa naisip ay bumalik kahit papaano ang kaniyang kumpiyansa. 

Napapitlag siya nang bumukas ang pinto at lumabas doon ay isang magandang babae. 

Luhaan ito at nanginginig. Lumapit dito ang babaeng kanina lang ay kausap niya. 

“Sienna, anong nangyari? Bakit ka umiiyak?”

“Grabe ‘yung isang lalaki doon! Napakasungit! Sinabihan ba naman ako na bakit daw ako nag-audition eh wala naman akong talento! Siguro dahil hindi ako kasing galing mo, Nina,” malungkot kwento nito.

Hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang ngiti ng babaeng tinawag na Nina. 

Binibigyan nito ng konsolasyon ang babaeng umiiyak ngunit halata sa mukha nito na natutuwa ito sa nangyari. 

Bumalik ang kaba ni Sofia. Kung ang babaeng kasingganda na ni Sienna ay hindi pa rin pumasa sa panlasa ng mga hurado, paano na kaya siya na walang gandang maipagmamalaki?

“Ah, basta. Susubukan ko na lang. Ano naman kung hindi ako matanggap? Ang mahalaga ay wala akong pagsisisihan,” sa loob loob niya. 

Subalit hindi niya alam kung makakapaghintay pa siya na matawag ang pangalan niya. 

Dahil sa mahigit limampu na nauna sa kaniya, isa pa lang ang lumabas nang nakangiti. Pawang luhaan ang iba. 

“Hindi pa naman huli ang lahat para mag-back out,” bulong niya. Naglalakad na siya palayo doon subalit narinig niya ang isang babae pangalan na isinigaw ang kaniyang pangalan. 

“Nina Delos Reyes at Sofia Inventor, pumasok na kayo!” 

Nanigas si Sofia. Aalis ba siya o itutuloy na lang niya ang pakikilahok sa audition bilang naghintay na rin naman siya?

Noon siya tuluyang nakapagdesisyon. Itutuloy na lang niya. Wala namang mawawala, hindi ba? Ang pinakamalalang mangyayari lang naman ay ang mapahiya siya, bagay na nakasanayan niya na. 

“Naku, magkasabay pa talaga tayo! Good luck sa’yo, ha!” sarkastikong wika sa kaniya ng babaeng nanlait sa kaniya kanina nang magkasabay sila papasok.

Nakita niya ang tatlong hurado. Dalawang babae at isang lalaki. Napakunot noo siya. Tila kasi pamilyar na pamilyar sa kaniya ang lalaki. 

Binigyan sila ng isang kanta na hinati sa dalawang parte. Si Sofia ang kakanta ng huling parte. 

Parang gusto niyang manginig sa takot nang marinig niya ang pag-awit ni Nina. Napakaganda ng boses nito! Tila siya inihehele sa alapaap! 

Kaya naman nang siya na ang kakanta ay ibinuhos niya ang  lahat ng emosyon at damdamin at umawit siya nang maganda sa abot ng kaniyang makakaya. 

Nang matapos siyang umawit ay nakarinig siya ng palakpakan. 

Nagpapalakpakan ang mga hurado. Hindi siya sigurado kung para sa kaniya ang palakpak o para sa kanilang tatlo. Pero kung anuman, masayang masaya siya na makita ang mga hurado na nakangiti. 

“Napakagaling mo, Sofia! Kuhang-kuha mo ang hinahanap namin na emosyon,” nakangiting wika ng lalaki. 

Ikinagulat niya ang positibong komento nito lalo na’t karamihan sa mga nauna ay ang lalaki ang inirereklamo. 

“Sino ang nagturo sa’yo kumanta?” tanong nito.

“Ah, ang nanay ko po. Magaling po siya kumanta. Sayang nga po at wala na siya,” malungkot na tugon niya sa lalaki. 

“Ano naman pong maikokomento niyo sa akin?” nakangiting sabat ni Nina. 

“Ah, ikaw. Maganda ka, at magaling kumanta. Pero marami na akong narinig na kagaya mo. Ang hinahanap namin ngayon ay ang katulad ni Sofia, na kayang ilabas ang emosyon ng mga nakikinig,” sagot ng lalaki. 

Bumahid ang galit sa magandang mukha ni Nina. 

“‘Yang pangit na ‘yan, tinanggap niyo? Pero ako, hindi?” galit na protesta nito. 

“Ang nag-iisang pangit lang na nakikita namin ngayon dito ay ang pag-uugali mo, hija. Hindi mo ba naisip na baka ‘yan ang tunay na dahilan kaya hindi ikaw ang napili?” taas kilay na wika ng babaeng hurado. 

Napapahiyang nagmartsa palabas ang bubulong-bulong na si Nina. 

Naiwan siya kasama ang mga hurado.

“Sofia Inventor… pamilyar sa akin ang pangalan mo. Kaano-ano mo si Sonia Inventor?” muling tanong ng lalaki. 

Nanlaki ang mata niya sa narinig. “Paano niyo po nakilala ang nanay ko?”

Isang matamis na ngiti ang nakuha niya mula sa lalaki. “Ah, paano ko ba makakalimutan si Sonia? Isa siya sa pinakamagagaling na mang-aawit na narinig ko. Sayang lang at natakot siyang ituloy ang pag-abot sa kaniyang pangarap.” 

Sa sinabi ng lalaki ay naaalala niya kung saan niya ito nakita. Kaya pala ito pamilyar, ito ang kasa-kasama ng kaniyang ina sa mga luma nitong litrato!

“Kaya, ikaw, Sofia, hindi ako papayag na matakot ka dahil lang sa mga kagaya nung babae kanina,” tukoy nito kay Nina. “Tutulungan ka namin sa pag-abot ng iyong mga pangarap!” pangako pa nito.

“Napakagaling mo, hija,” magkapanabay pa na puri ng dalawang babaeng hurado. 

Iyon ang naging simula ng tagumpay ni Sofia. Natupad niya ang pangarap nila ng kaniyang ina na maging isang matagumpay na mang-aawit. 

Naisip niya na hindi nakakatulong sa pag-abot ng ating mga pangarap ang takot, kaya naman araw-araw ay kailangan natin maging matapang!

More Stories