
Grabe Kung Manghingi ang Anak sa Nanay Niyang OFW; Natauhan Siya nang Isang Beses ay Maka-Video Chat Niya Ito
Halos mag-agawan ang dalawang kapatid ni Ginny nang tumunog ang computer, hudyat na tumatawag ang kanilang ina na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Mama!” halos magkakapanabay na wika ng dalawa nang bungad sa screen ng cellphone ang nakangiting mukha ng kanilang ina na si Olivia.
“Mga anak, kumusta na kayo diyan? Natanggap niyo ba ang mga regalo ko sa inyo?” masiglang tanong ng kanilang ina.
“Opo, Mama! Ang ganda ganda po nung bag na ipinadala mo!” sagot ng bunsong kapatid niya.
“Salamat po, Mama! Ako lang po ang may ganoong sapatos sa mga kalaro ko ng basketball” tuwang-tuwang pagbabalita rin ng nakababatang kapatid niya na si Edison.
Ilang sandali pang nakipagkumustuhan ito sa kaniyang ama nang mapansin nito na tahimik lamang siya sa isang sulok.
“Ginny, anak, bakit parang wala ka sa mood? May nangyari ba?” maya-maya ay usisa ni Olivia sa panganay na anak.
“Mama, sabi mo ‘yung bibilhin mo sa akin, magandang cellphone! Eh luma na ‘yung ipinadala mo! Pinagtawanan tuloy ako ng mga kaklase ko!” inis na kastigo niya sa ina.
Bago pa makasagot ang kaniyang ina ay narinig niya na ang galit na tinig ng kaniyang Papa.
“Ginny, ano ba ‘yan! Mahiya ka naman sa Mama mo, binilhan ka na nga, hindi ka pa magpasalamat!” paninita nito.
“Naku, Greg! ‘Wag mong pagalitan ang bata,” saway ni Olivia sa asawa.
Bumaling ito sa kaniya.
“Pasensiya ka na, anak, ha. Hayaan mo pag-iipunan ni Mama ‘yang gusto mong cellphone. Maghintay ka lang nang kaunti, anak,” pangako nito.
Napairap si Ginny.
“Ganoon din ang sinabi mo noon, Mama! Pero ano nangyari? Hindi naman maganda ‘yung nabili mo!” sigaw niya sa ina bago siya nagdadabog na pumasok sa kaniyang kwarto.
Inignora niya ang galit na pagtawag ng kaniyang Papa.
“Pasensiya ka, mahal. Hayaan mo at sasabihan ko ang batang ‘yun. Humahaba ang sungay, eh!” rinig niya wika ng kaniyang ama.
“‘Wag na. Alam mo naman sa materyal na bagay lang ako nakakabawi sa kawalan ko diyan sa bahay,” tugon ng kaniyang ina.
Lihim na napangiti si Ginny. Alam niya kasi na hindi siya matitiis ng ina at ibibili rin siya nito ng cellphone na gusto niya.
Hindi nga siya nagkamali! Makalipas ang dalawang buwan ay isang surpresang package na nakapangalan sa kaniya ang dumating sa bahay nila.
Nang buksan niya iyon ay halos magtatalon siya sa saya nang makita niya ang bagong modelo ng cellphone na pinabibili niya sa ina.
“Magpasalamat ka sa Mama mo, anak. Alam mo naman siguro ang hirap noon sa ibang bansa,” naiiling na paalala ng Papa niya.
Dali-dali niyang tinawagan ang ina.
Muli ay ang nakangiting mukha nito ang bumungad.
“Mama! Nakuha ko na po! Salamat, Mama! Ang ganda ganda nito!” bungad niya sa ina.
“Mabuti naman at nagustuhan mo, anak!”
Ilang minuto na silang nagkukwentuhan nang mula sa likuran nito ay lumitaw ang isang babae na sa tingin niya ay amo nito.
Ngunit bago pa niya masabihan ang ina ay kitang kita niya kung paano ito biglang sinabunutan ng amo nito.
“Hindi ba sinabi ko na sa’yo na kapag oras ng trabaho, hindi ka pwedeng umupo?” anito sa wikang Ingles habang nakapulupot dito ang buhok ng kaniyang ina.
“Ma’am, masakit po!” sigaw naman kanyang ina.
Matapos makabawi sa pagkabigla ay umiiyak niyang tinawag ang kaniyang ama.
“Papa, si Mama po! Sinasaktan siya ng babae.”
Halos magkandarapa itong pumunta sa kaniya. May pinindot itong kung ano sa computer.
Kita-kita niya ang pagkuyom ng kamao ng kaniyang Papa. Alam niyang dahil iyon wala itong magawa kundi panuorin ang asawa nitong nasasaktan.
Si Ginny naman ay napahagulhol na lamang sa sobrang awa sa kaniyang ina. Napakatindi pala ng dinadanas nito sa malupit nitong amo.
Ilang sampal at sipa pa ang natamo ng kaniyang ina bago ito tinigilan ng babae. Mukhang hindi alam ng babae na may nakasaksi sa pananakit nito sa kaniyang ina.
Iika-ikang naglakad palapit sa cellphone ang kaniyang ina bago sila pilit na nginitian.
“Umuwi ka na ngayon din!” matigas na utos ng kaniyang ama.
“Ayos lang ako. Wala kayong dapat ipag-alala. Babalik na ako sa trabaho,” sagot ng kaniyang ina.
Bago pa sila makapagsalita ay ibinaba na nito ang tawag.
Nadurog ang puso niya nang makita ang pag-iyak ng kaniyang Papa.
“Magbabayad sila!” galit na galit na bulalas nito.
Sa tulong ng kakilala nilang abogado ay nai-report nila sa embassy ang kalagayan ng kaniyang ina. Nai-record pala ng Papa niya ang video na sinasaktan ng among babae ang kaniya Mama.
Matapos ang tatlong araw ay nakauwi na ang kanilang Mama. Kalunos-lunos ang itsura nito. Tadtad ng pasa ang braso nito at mayroon itong isang malaking pasa sa mukha.
“Mama, bakit naman hindi mo sinabi sa amin na ganoon pala ang sinasapit mo?” nagtatampong tanong ni Ginny sa ina.
“Ayokong mag-alala kayo. Saka sayang rin ang kinikita ko doon, nabibili ko kayo ng mga bagay na gusto niyo,” paliwanag nito.
Tuluyan nang napaiyak si Ginny sa sinabi ng ina. Naalala niya ang panahon na halos pigain niya ang ina maipadala lang nito ang gusto niyang cellphone.
“Sorry po, Mama! Ayaw ko na po ng kung ano-ano. Ang gusto ko lang, ligtas ka at kasama namin!” lumuluhang niyakap niya ang ina.
Hiyang-hiya si Ginny sa inasal niya bilang panganay na anak.
Malaki ang natutunan niya mula sa pangyayaring iyon. Hindi na siya dapat maghangad ng kung ano-ano. Dahil hindi niya alam kung gaano kalaki ang sakripisyo ng kaniyang ina para lamang maibigay ang mga iyon.