Siniraan ng Katrabaho ang Kapwa OFW Upang Mapatalsik Ito sa Pabrika; Isang Malaking Ganti ang Dala ng Dalaga sa Muli Nilang Pagkikita

Siniraan ng Katrabaho ang Kapwa OFW Upang Mapatalsik Ito sa Pabrika; Isang Malaking Ganti ang Dala ng Dalaga sa Muli Nilang Pagkikita

KarmaStoriesSuccess

“Kumusta ka na ang pananatili mo dito sa Korea, Joy? Naka-adjust ka na ba?” tanong ng katrabahong si Lyka. 

“Naho-homesick pa rin ako sa totoo lang. Pero kailangan kong kumayod kasi may sakit ang tatay ko at matanda na rin ang nanay ko. Ang mga kapatid ko naman ay may mga kani-kaniya nang pamilya. Hindi ko rin naman sila maobliga na mag-abot kahit paano dahil alam kong kulang pa ang sinasahod nila para sa mga anak nila,” tugon naman ni Joy. 

“Ganiyan talaga, Joy. Mahirap mangibang bansa sa umpisa pero kalaunan ay masasanay ka na rin. Lalo pa at malalim pala ang pinaghuhugutan mo. Basta ang paalala ko lang sa’yo ay mag-ipon ka. Pera ang pinunta mo dito, hindi ba? Kaya ingatan mo!” wika muli ng kaibigan. 

Tatlong buwan pa lang si Joy sa Korea at nagtatrabaho bilang isang empleyado sa isang factory doon. Kinailangan niyang lisanin ang Pilipinas upang makahanap ng mas magandang trabaho na may mas malaking kita. Hindi kasi sasapat ang dati niyang trabaho sa Pilipinas na pagiging isang kasambahay. 

Sa edad na tatlumpu’t lima ay wala pa sa isip ni Joy ang magkaroon man lamang ng kasintahan. Para sa kaniya, ang nais lamang niya ay makapag-ipon nang sa gayon ay malaki ang maipadala niya sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Bukod kasi sa kaniyang mga magulang ay nais niyang tulungan ang kaniyang mga kapatid na nagigipit rin. 

Upang masiguro ni Joy na hindi siya matatanggal agad sa kaniyang trabaho ay lubos siyang nagpakitang gilas. Dahil sanay sa mga gawaing bahay at laging nagbabanat ng buto ay mabilis at malinis kung magtrabaho itong si Joy na labis namang ikinatutuwa ng kanilang amo. 

Sa sandali niyang pananatili ay dinagdagan agad ng may-ari ng pabrika ang kaniyang sahod. 

“Binabati kita, Joy. Akala ko ba ay hirap ka sa pag-a-adjust? Tingnan mo nga at mas malaki pa ang sinasahod mo sa akin,” sambit ni Lyka sa kaibigan. 

“Hindi ko rin inaasahan ang pagtaas ng sahod ko. Labis akong natutuwa dahil malaking tulong talaga ito para sa akin!” wika naman ni Joy. 

Ang hindi alam ni Joy, ang kaniyang tagumpay pala ay nagsindi ng inggit sa ilang kasamahan niya sa trabaho. Ang mas nakakagulat ay ang kinikilala niyang kaibigan at pinakamalapit na katrabahong si Lyka ang pinagmulan nito. 

“Baka may ibang tinrabaho kaya lumaki kaagad ang sahod!” sambit ni Lyka sa isa pang katrabahong si Noreen.

“Ang akala ko ba ay kaibigan mo ‘yang si Joy? Bakit ngayon ay ganiyan kang magsalita sa kaniya?” pagtataka pa ng babae. 

“Iba kasi ang nararamdaman ko diyan kay Joy. Akala ko ay mahinhing babae. Baka mamaya ay nasa loob pa ang kulo niyan. Mantakin mo ilang taon na ako dito sa pabrika, kahit kailan ay hindi pa nadagdagan ang sahod ko! Tapos siya ay kabago-bago lang ay mas mataas pa ang kinikita sa atin! Sigurado akong may ginawa ‘yang iba kaya napansin agad ng may-ari!” naiinis na wika ni Lyka. 

“Magaling naman talaga si Joy. Sa totoo lang mas mabilis talaga siya sa atin na makatapos sa mga gawain. Ang naiisip ko lang ngayon, Lyka, ay ‘yung hinihintay mong promotion. Ikaw na ata ang pinakamatagal dito at karapat-dapat sa’yo na umangat naman ang posisyon mo. Pero ngayon ay parang may malaking balakid sa iyong harapan. Malakas ang kutob ko na baka kay Joy ibigay ang promotion,” pahayag pa ni Noreen. 

“Hindi ako makakapayag! Matagal kong hinintay na ma-promote ako. Matagal na akong nagtitiis sa kompanyang ito kaya hindi ko hahayaan na basta na lang agawin ng Joy na ‘yan ang trono ko!” nagngingitngit na sa inis na ani Lyka. 

Dahil dito ay umisip ang dalaga ng isang mabilis na paraan upang mapaalis si Joy sa kaniyang landas. 

Dahil nakikita ni Lyka na lalong napapalapit sa amo itong si Joy ay nagkalat siya ng balita na kung sinu-sino raw ang nilalandi nitong lalaki. Maging ang amo nilang lalaki ay hindi rin daw nito pinalagpas.

Nang malaman ni Joy ang balitang kumakalat ay labis niya itong ikinalungkot. 

“Kung sino man ang nagpapakalat ng lahat ng ito ay hindi ko alam kung ano ang dahilan niya. Pero walang katotohanan ang lahat. Hindi ko inaakit ang amo nating lalaki. Ang nais ko lang naman ay magtrabaho nang marangal at maayos upang may maipantustos ako sa pamilya ko sa Pilipinas,” lumuluhang sambit ni Joy kay Lyka. 

Nagmamaang-maangan naman ni Lyka na siyang pasimuno ng lahat. 

“Baka naman kasi may napapansin talaga sa iyo kaya may mga kumalat na ganiyang balita. Huwag mo na lang pagtuunan ng pansin at huhupa rin ang lahat ng iyan. Alam mo naman sa sarili mo ang totoo,” pahayag naman ni Lyka. 

Ngunit hindi lang basta humupa ang tsismis at nakarating pa ito mismo sa asawa ng may-ari ng pabrika. Pinabulaanan ni Joy ang lahat ngunit hindi na siya hinayaan ng among babae na makapagpaliwanag pa. 

Nang araw na iyon mismo ay tinanggal siya sa trabaho. Mabigat ang loob ni Joy na babalik ng Pilipinas dahil hindi pa sapat ang kaniyang ipon. 

Paalis na ng tinutuluyan itong si Joy nang marinig niya ang pag-uusap ng magkaibigang Lyka at Noreen. 

“Buti nga at ‘yan ang napala niya. Akala niya kasi ay mahihigitan niya ako. Wala pa kayang nakatalo sa akin kahit sino! Mantakin mo naniwala ang lahat sa pinakalat kong balita, e, gawa-gawa ko lang naman iyon!” pagmamalaki ni Lyka sa kaibigan. 

Narinig ni Joy ang pag-uusap na ito. Labis ang kaniyang galit kay Lyka dahil sa pagtatraydor na ginawa sa kaniya ng katrabaho. 

“Pinagkatiwalaan kita! Akala ko ay kaibigan ang turing mo sa akin, ‘yun pala’y ikaw mismo ang manghuhudas sa akin? Bakit mo ‘to ginawa, Lyka? Alam mong kailangan ko ng trabahong ito para sa mga magulang ko!” pagtangis ni Joy. 

“Ganiyan talaga ang buhay, Joy! Kailangan matuto kang lumaban para lagi kang nasa itaas! Hindi ko na kasalanan na pumanig ang pagkakataon sa akin! Ano pa ang tinatayo-tayo mo d’yan? Hinihintay ka na ng eroplano mo pabalik ng Pilipinas. Umalis ka na!” bulyaw naman ni Lyka. 

Wala nang nagawa pa si Joy kung hindi lisanin ang Korea. 

Sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas ay baon niya ang sama ng loob sa ginawang pagtatraydor sa kaniya ng itinuring niyang kaibigan. Ngunit hindi ito ang panahon para panghinaan siya ng loob. Kailangan niyang lumaban sapagkat kailangan niyang buhayin ang kaniyang mga magulang na nakaasa sa kaniya. 

Gamit ang kaunting naipon ay nagsimula ng negosyo si Joy. Ginamit niya ang lahat ng kaniyang karanasan sa dati niyang trabaho, Hindi naging madali ang lahat para kay Joy ngunit dahil sa kaniyang dedikasyon at pagpupursige sa buhay ay napalago niya ang sinimulang negosyo. 

Hanggang sa naisipan niyang kontakin ang kalabang kompanya ng dati niyang pinagtatrabahuhan sa Korea. Nais niyang mag-angkat ng mga produkto nito papunta sa Pilipinas. 

Naging matagumpay ang kaniyang plano hanggang sa muli silang nagtagpo ng landas ng traydor na si Lyka sa ibang bansa. Sa pagkakataong iyon ay nakuha na ni Lyka ang inaasam-asam na promotion. 

“Hindi ka pa rin nadadala, ano? Gusto mo pa ring maghanap ng trabaho dito sa Korea. Kung ako sa’yo ay manatili ka na lang sa Pilipinas dahil doon ka naman talaga nababagay,” pang-aalipusta ni Lyka sa dalaga. 

“Nakakatawa ka naman, Lyka. Sa tingin mo ba ay narito ako para maghanap ng trabaho? Narito ako dahil isa na ako sa mga investor ng kalaban n’yong pabrika. Narinig ko nga ang balita na hindi na nga daw maganda ang lagay ng kompanya n’yo kaya naman bibilhin ito ng kompanya namin. Kapag nangyari ‘yun ay titiyakin kong mapupunta ka sa dapat mong kalagyan!” matapang na pahayag ni Joy. 

Nagulantang naman si Lyka sa lahat ng tinuran ng dating katrabaho. Hindi nito akalain na nagtagumpay na pala sa buhay ang dalaga. 

“Parang awa mo na, Joy, huwag kang gumanti sa akin sa ganitong paraan. Kailangan ko ang trabahong ito dahil kailangan ako ng pamilya ko. Parang awa mo na, Joy!” 

“Huwag kang mag-alala, Lyka. Sa totoo lang ay nagpapasalamat ako sa’yo dahil kung hindi mo ginawa ang pagtatraydor sa akin ay hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon. Hindi ko gagawin ang ginawa mo sa akin, Lyka. Hihintayin ko na lang na ikaw mismo ang magpabagsak sa iyong sarili. Ganiyan talaga ang buhay, Lyka,  kailangan matuto kang lumaban para lagi kang nasa itaas! Hindi ko na kasalanan ngayon na pumanig ang pagkakataon sa akin!” sambit pa ni Joy. 

Tinalikuran ni Joy ang nanginginig sa takot at pangamba na si Lyka. Batid ni Lyka na sa pagkakataong ito ay simula na ng paniningil sa kaniya ni Joy. 

Hindi naglaon ay tama nga si Joy, si Lyka mismo ang nagpabagsak sa kaniyang sarili dahil napag-alamang may ginagawa itong anomalya sa pabrika. Dahil dito ay napatalsik si Lyka at pinauwi ng Pilipinas. 

Ito na ang karma ni Lyka sa lahat ng kaniyang masasamang ginawa kay Joy. Nais man niyang humingi ng kapatawaran at tulong kay Joy ay huli na ang lahat. 

More Stories