
Napilitang Magtrabaho ang Ginang para sa Anak na may Kapansanan; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya ang Kaniyang Naging Desisyon
“Ate, hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi naman sapat ang kinikita ko sa pagtitinda ng kamote sa palengke. Kung kani-kanino na nga ako lumalapit para lang hindi mahinto ang gamot ng anak ko. Pero kahit magmakaawa pa ako at lumuhod ay kulang pa rin,” umiiyak na sambit ni Jasmin sa kaniyang Ate Leny.
“Pasensiya ka na at ang pagtingin at pag-aalaga lamang ang kaya kong ibigay na tulong sa iyo ngayon. Wala na rin akog malapitan dahil baon din kami sa utang, alam mo naman ‘yan,” saad naman ng nakatatandang kapatid.
“Malaking tulong na ‘yon sa akin, ate. Hindi ko na kailangan pang isapalaran sa palengke si Utoy para makapagtinda ako at may kaunting kitain. Hindi ko rin maatim na dala-dala ko siya sa ilalim ng tirik na araw. Maraming salamat sa’yo dahil kahit paano ay nakakakilos ako at nakakagawa ng paraan para sa aming mag-ina,” patuloy sa pagtangis ang ginang.
Isinilang ni Jasmin ang kaniyang kaisa-isang anak na may malubhang sakit at kapansanan. Ayon sa mga doktor ay bunga iyon ng pagtatangka ng dating kinakasama ni Jasmin na ipalaglag ang bata.
Pinainom daw kasi ng ginoo itong si Jasmin ng pampalaglag dahil hindi nito kaya ang responsibilidad. Ang masaklap pa doon, kaya pala ito ginawa ng dating kinakasama ng ginang ay dahil may asawa na ito at hindi siya kayang panagutan.
Mag-isang hinarap ni Jasmin ang lahat ng pagsubok sa kaniyang buhay. Ang tanging nasasandalan lamang niya ay ang kaniyang Ate Leny.
Isang araw ay humahangos si Jasmin na nagtungo sa kaniyang Ate Leny.
“Ate, pwede bang dito muna si Utoy? Kailangan ko kasing kitain ang dati kong kaklase. Mayroon kasi siyang inaalok sa aking trabaho sa ibang bansa. Kung papasa ako ay mas mabibigay ko na ang pangangailangan nitong si Utoy,” saad ni Jasmin sa kapatid.
“Sandali lang, Jasmin. Huwag kang padalos-dalos sa mga desisyon mo. Paano naman itong si Utoy? Kaya ko nga siyang bantayan at alagaan pero iba pa rin ang kalinga ng isang ina. Ikaw pa rin ang hahanapin nitong bata. Saka hindi madali ang buhay sa ibang bansa. Hindi ka sigurado kung ano ang aabutan mo doon,” pahayag naman ni Leny.
“Wala na akong magagawa, ate. Kung kinakailangan kong magsakripisyo ay gagawin ko para lang madugtungan ko ang buhay ng anak ko,” sambit pa ni Jasmin.
Wala nang nagawa pa ni Leny kung hindi pumayag sa gusto ng kapatid. Hindi rin kasi alam ng ginang kung saan kukuha ng pantustos sa lahat ng pangangailangan ni Utoy kung pipigilan niya itong si Jasmin.
Hindi nagtagal ay umalis na nga patungong Saudi si Jasmin upang maging isang domestic helper.
Umpisa pa lang ng kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa ay puro pasakit na ang naranasan nitong si Jasmin. Masungit at mahigpit ang napuntahan niyang amo. Dahil nga bago pa lamang at nangangapa pa sa mga gawain ay laging napag-iinitan itong si Jasmin.
“Umuwi ka na lang kaya, Jasmin? Laging umiiyak itong si Utoy at hinahanap ka. Awang-awa na ako sa bata,” wika ni Leny habang kausap ang kapatid sa telepono.
“Hindi na ako pwedeng umatras, ate. Kailangan ko ang trabahong ito dahil kahit paano ay masisiguro kong may gamot at makakain si Utoy,” tugon naman ni Jasmin.
Nalulungkot man sa pagkakawalay sa anak ay kailangan ni Jasmin na tatagan ang kaniyang kalooban.
Lumipas ang ilang buwan at tila nagamay na rin ni Jasmin ang kaniyang pananatili sa Saudi. Ngunit patuloy pa rin ang pangungulit sa kaniya ng kaniyang Ate Leny na umuwi na ng bansa.
“Ginawa ko na ang lahat ng makakaya ko upang ibigay ang kalingang kailangan ni Utoy. Pero ayaw talaga niyang kumain, Jasmin. Palagi siyang umiiyak. Nilalaro naman siya ng mga anak ko ngunit ikaw talaga ang hinahanap niya,” paliwanag ni Leny.
“Pagtiyagaan mo muna si Utoy, ate. Ngayon pa nga lang ako nakakapag-adjust dito. Dadagdagan ko na lang ang padala ko sa susunod ng buwan para sa pamilya mo,” saad naman ni Jasmin.
“Hindi ko habol ang pera mo, Jasmin. Naaawa lang ako sa anak mo dahil ang kalinga mo ang kailangan niya. Kung makikita mo lang ang kalagayan niya ngayon ay mahahabag ka rin. Lagi siyang umiiyak at hinahanap ka,” dagdag pa ng ginang.
“Mas kawawa kami ate kapag umuwi ako diyan. Wala na naman kaming kakainin at walang pambili ng gamot si Utoy. Hindi naman ako nagpapakasaya lang dito sa ibang bansa. Ginagawa ko ito para sa anak ko, para mabigyan ko siya ng maayos na buhay! Bakit ba pauwi ka nang pauwi sa akin?” naiinis nang wika ni Jasmin.
Hindi maunawaan ni Jasmin ang nais na ipabatid sa kaniya ng nakatatandang kapatid. Para kay Leny, mahirap din naman talaga ang sitwasyon ni Jasmin at ng anak nito noong hindi pa nakakapagtrabaho sa ibang bansa ang ginang. Ngunit sa panahon kasin ngayon ay mas kailangan siya ni Utoy sa kaniyang tabi.
Iniwasan na muna ni Jasmin ang mga tawag ng kaniyang ate. Alam niya kasing iisa lamang ang sasabihin nito. Kukumbinsihin muli siya ng kaniyang Ate Leny na umuwi na sa Pilipinas upang makasama ang anak.
Halos isang buwan ding iniwasan ni Jasmin ang pakikipag-usap sa kaniyang kapatid hanggang sa nabasa niya ang mensahe nito.
“Tawagan mo ako, Jasmin. Kailangan nating mag-usap. Tungkol ito kay Utoy. Importante lang,” text ni Leny sa nakababatang kapatid.
Naiinis man ay tinawagan na rin ni Jasmin ang kaniyang kapatid dahil tungkol umano ito sa kaniyang anak.
“Inuunahan na kita, ate. Hindi ako uuwi ng Pilipinas hangga’t ‘di ko masisiguro na hindi magkukulang sa panustos si Utoy,” bungad agad ni Jasmin sa kaniyang ate.
“Umuwi ka dito, Jasmin, kung gusto mo pang abutang buhay ang anak mo. Ilang beses kitang tinangkang kausapin tungkol sa kalagayan ni Utoy ngunit pinag-iisipan mo pa ako ng masama. Ikaw ang kailangan ni Utoy, Jasmin. Kaya kung ako sa’yo’y umuwi ka na habang hindi pa huli ang lahat,” malungkot na sambit ni Leny sa nakababatang kapatid.
Napaupo na lamang si Jasmin sa tinuran ng kaniyang ate. Agad siyang nagpaalam sa kaniyang amo upang makauwi sa Pilipinas. Ipinaliwanag niya na nag-aagaw buhay na ang kaniyang anak.
Agad bumalik ng Pilipinas si Jasmin nang payagan siya ng amo. Dumeretso siya sa ospital kung saan naroon ang kaniyang anak. Ngunit sa kasamaang palad, pagdating niya ay wala nang buhay ang anak niyang si Utoy.
“Umalis ako para magkapera nang sa gayon ay maibigay ko ang lahat ng kaniyang pangangailangan. Pero bakit kabaligtaran ang nangyari? Kung alam ko lang na mas mapapadali pa pala ang buhay ng anak ko ay hindi na lang sana ako umalis. Sana’y nanatili na lang ako sa tabi niya nang sa gayon ay hindi siya malungkot na pumanaw. Sana’y nayakap ko man lamang siya at narinig man lamang sana niya kung gaano ko siya kamahal!” patuloy sa pagtangis si Jasmin.
Sising-sisi si Jasmin sa lahat ng pangyayaring ito. Ang tanging nais lamang niya ay mabigyan ng magandang buhay ang anak ngunit ang kaniyang pagkakalayo pa pala ang magiging dahilan upang mawala ito nang tuluyan.
Hindi na maibabalik pa ni Jasmin ang mga sandaling nais sana niyang naroon siya sa tabi ng kaniyang anak. Kung maibabalik lang sana niya ang nakaraan ay hindi na siya aalis pa sa tabi ni Utoy at ipaparamdam na lang niya sa kaisa-isang anak ang wagas niyang pagmamahal.