
Walang Ginawa ang Pamilya ng Isang OFW Kundi Hingan ng Pera ang Dalaga; Nang Ito na ang Mangailangan ay Hindi rin Nila Ito Tinulungan
“Daisy, baka naman pwedeng magpadala ka ulit ng pera. Malapit na ang kaarawan ng kapatid mo. Tapos sa isang linggo naman ay binyag na ng pamangkin mo. Mag-abot ka naman kahit magkano,” saad ni Aling Zeny sa panganay niyang anak.
“Hindi ba’t kakapadala ko lang po ng bente singko mil noong isang linggo? Doon na lang muna po kayo kumuha kung nais niyong ipaghanda ang kapatid at pamangkin ko. Kailangan ko na rin kasi pong magtipid ngayon dahil tumaas na rin po ang upa ko dito sa bahay at marami ring ibang gastusin,” paliwanag naman ni Daisy.
“Malaki naman ang kinikita mo riyan sa Amerika saka isa pa e nag-iisa ka lang diyan. Ano pa ba ang dapat mong pagkagastusan? ‘Yung pinadala mong pera sa akin ay kulang pa sa pambayad ng mga kuryente at internet. Hiniram na nga ng kapatid mong isa ‘yung limang libo dahil pinadoktor naman ‘yung anak niya. Sa totoo lang ay kulang na kulang ang ipinapadala mo sa akin, anak. Kaya huwag ka nang maghanap pa!” sambit pa ng ina.
“Baka akala n’yo lang kasi, ‘nay, na madali ang buhay dito. Dolyar nga po ang kinikita ko pero dolyar din naman ang pambayad ko dito. At hindi po biro ang laki ng gastos dito sa Amerika. Lahat na nga ng pagtitipid ay ginagawa ko nang sa gayon ay may maipadala ako sa inyo,” pahayag muli ng dalaga.
“Parang sa tono ng pananalita mo, Daisy, ay nanunumbat ka. Tandaan mo hindi ka naman makakarating diyan sa Amerika kung hindi ka namin pinagtapos ng tatay mo. Utang mo sa amin habang buhay kung ano man ang narating mo ngayon!” sumbat pa ni Aling Zeny.
“Napakadamot mo! Kaunting pera ay pinagdadamot mo pa! Sige pabayaan mo na lang na mapahiya ang kapatid mo at magmukhang kawawa ang pamangkin mo. Naturingan kang nasa ibang bansa ay kaya mong tikisin ang pamilya mo!” dagdag pa ng ginang.
Hindi naman talaga nagdadamot itong si Daisy. Sa katunayan nga ay lahat na lang ata ng gastusin ng miyembro ng kanilang pamilya ay nakaasa na sa kaniya. Kahit na may mga sari-sariling pamilya na rin ang kaniyang mga kapatid ay hinihingan pa rin siya ng mga ito.
Ang matindi pa doon ay akala ng kaniyang pamilya ay madali lang para kay Daisy ang kumita ng pera. Hindi nila alam ang hirap na kinakailangang harapin bilang isang nars sa Amerika ng dalaga para may maipadala lamang sa kanila.
Napansin ng kaibigan na tila may pangamba sa mukha nitong si Daisy. Agad niya itong nilapitan upang kumustahin.
“May problema ba, Daisy? May nangyari ba dito sa ospital?” pag-aalala ni Ruth.
“Wala naman po, Ate Ruth. Tumawag lang kasi ‘yung nanay ko,” tugon ni Daisy.
“Akala ko ay nabiktima ka na rin ng diskriminasyon dito! Huwag mong sabihin sa akin na nanghihingi na naman ng pera ang nanay mo, Daisy? Baka naman wala ka nang naiipon kakapadala mo sa kanila? Tandaan mo ‘yan lagi ang problema nating mga OFW. Akala ng mga kamag-anak natin sa Pilipinas porket nasa ibang bansa tayo ay malaki ang kinikita natin. Akala nila ay may pabrika tayo ng pera kaya kaunting kibot ay hingi,” pahayag ng ginang.
“Sa totoo lang, Ate Ruth, kaya naman ako narito ay para rin tulungan sila. Pero minsan kasi napapagod na rin ako. Parang lahat na lang ng bagay ay nakaasa sa akin. Ilang taon na akong narito sa Amerika pero wala pa akong naiipon. Lagi ko ngang tinitipid ang sarili ko kasi alam kong tatawag sila isang araw at kapag nanghingi sila ay kailangan kong magbigay kung hindi ay ako pa ang masama,” paliwanag ni Daisy.
“Pinamihasa mo naman pala, Daisy, e. Kailangan mo ring maging mahigpit sa kinikita mo. Hindi ka habambuhay na bata at kayang magtrabaho, Daisy. Kailangan ay may naiimpok ka rin sa sarili mo,” sambit muli ni Ruth.
“Tingnan mo nga hindi ka na nakapag-asawa nang dahil sa kanila. Minsan ay unahin mo ang sarili mo, Daisy. Hindi naman masama na mahalin mo rin ang iyong sarili,” dagdag pa ng kaibigan.
Nais mang pakinggan ni Daisy ang sinasabi sa kaniya ni Ruth ay hindi rin niya matiis ang pagdaramdam sa kaniya ng ina. Kaya nang sumunod na araw ay nagpadala pa rin siya ng pera para sa kaarawan ng kapatid at binyag ng kaniyang pamangkin.
“Sampung libo? Kulang na kulang ito, Daisy! Baka akala mo tulad pa rin dati na marami kang mabibili sa piso. Iba na ang panahon ngayon. Dagdagan mo naman para hindi nakakahiya sa mga kapitbahay,” wika ni Aling Zeny.
Upang hindi na makarinig pa ng kahit anong masasakit na salita itong si Daisy ay agad siyang nagpadala ng pandagdag.
Lumipas ang mga araw at wala pa ring tigil ang pagpwersa ni Aling Zeny kay Daisy na magpadala ng pera sa tuwing kailangan nila. Naiinggit na tuloy itong si Daisy sa kamag-anak ng kaniyang kaibigang si Ruth dahil nahihiya pa ang mga ito sa tuwing hihingi ng tulong sa ginang.
“Tinigasan ko kasi talaga ang loob ko, Daisy. Nagbibigay lang ako ng perang kaya ko. Kailangan ay may matira sa sarili ko dahil wala na rin silang aasahan pa sa akin ‘pag nagkaganon. Saka hindi ko kayang ibigay ang mga bagay na wala ako,” paliwanag ni Ruth sa kaibigan.
Pilit na ginawa ni Daisy ang payo ng kaniyang kaibigan. Nagbigay na lamang siya ng budget para sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Sapat para sa kanilang buwan-buwang pangangailangan.
Hanggang sa nakatanggap muli ang dalaga ng tawag mula sa kaniyang ina.“Ano itong mensahe mo sa akin pagkasyahin na namin ito? Anong mahika ang meron ako, Daisy para pagkasyahin ko ang tatlong pung libong piso sa isang buwan? Maawa ka naman sa akin! Puro pasarap lang ang alam mo d’yan! Palibhasa’y nakatungtong ka ng Amerika’y kala mo kung sino ka na,” sambit ng galit na galit na si Aling Zeny.
“Kailangan ko rin po kasi ng pera, nanay. Hirap din po ako dito sa Amerika, bakit hindi ba kayo naniniwala sa akin? Kakahingi n’yo nga sa akin minsan ay nagkakautang pa ako sa ibang kasamahan ko. Isipin n’yo din naman ang katayuan ko dito,” pagsusumamo ni Daisy sa ina.
“Tigilan mo nga ako ng kaartehan mo, Daisy! Napakalaki ng sinasahod mo bilang nars. Alam ko namang hindi mo sinasabi sa akin ang tunay mong sinasahod. Bahala ka sa buhay mo kung ‘yun ang gusto mo basta magpadala ka nang tama dito sa amin!” galit pang wika ng ina.
Lalong sumasama ang loob ni Daisy sa mga sinasabi sa kaniya ng kaniyang ina.
Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang pinasara ang ospital na pinagtatrabahuhan ni Daisy dahil sa paglabag sa ilang mga bagay. Maraming nars na Pinoy ang nawalan ng trabaho nang araw na iyon. Kabilang na doon sina Daisy at Ruth.
Dahil sa pangyayaring ito ay sinubukan ni Daisy na maghanap ng panibagong trabaho. Ngunit hindi naging madali ang lahat dahil sa ospital na kaniyang pinanggalingan. Dahil walang ipon ay hindi na nakakapagbayad pa ng renta itong si Daisy. Naputulan na rin siya ng kuryente at pinaalis sa kaniyang apartment. Mabuti na lamang ay nagmagandang loob si Ruth na patuluyin ang dalaga.
Nang tawagan si Daisy ng kaniyang ina ay humihingi na naman ito ng pera sa kaniya.
“Bakit wala pa ang padala mo ngayong buwan? Tuluyan ka nang hindi magpapadala sa amin at paninindigan mo ‘yang kayabangan mo?” bungad agad ni Aling Zeny.
“Nawalan ako ng trabaho, ‘nay. Mahirap ang dinaranas ko dito sa Amerika. Baka nga mapauwi pa ako dahil wala na talaga akong matuluyan. Ni hindi n’yo nga ako kinukumusta dito tapos ay ako pa ang masama sa paningin n’yo? Napapagod na rin ako, ‘nay. Sabihin n’yo na ang gusto n’yong sabihin pero wala na talaga akong maipapadala sa inyong pera!” mariing sambit ni Daisy sa ina.
Sa pagkakataong iyon ay bumuhos na ang mga luha na matagal nang kinikimkim ng dalaga. Labis ang hinanakit na kaniyang nararamdaman sa kaniyang pamilya. Lalo na ngayong sa oras ng pangangailangan ay wala man lamang siyang masandalan sa mga ito. Siya pa ang masama dahil hindi siya nakapag-abot ng pera.
Mula noon ay ipinangako na ni Daisy sa kaniyang sarili na kung siya ay magkakatrabahong muli ay uunahin na niya ang pag-iimpok para sa kaniyang hinaharap. Ayaw na ng dalaga na mangyari sa kaniya ang hirap na kaniyang pinagdadaanan ngayon.