Kumapit sa Panginoon ang Ginang para sa Buhay ng Kaniyang Nakaratay na Asawa; Isang Himala ang Kaniyang Masasaksihan

Gumising mula sa isang panaginip itong si Sylvia. Hindi niya maiwasan ang mangiti nang makita niya sa kaniyang harapan ang pinakamamahal na asawang si Nestor.

“Pinagtimpla kita ng kape, mahal. Kanina pa sana kita gigisingin para sabay tayong magkape sa may hardin pero nakita kong tulog na tulog ka pa,” wika ng mister.

“Hindi ko nga alam kung bakit parang pagod na pagod ako, mahal. Siguro ay senyales na rin ito na tumatanda na talaga ako,” nakangiting tugon naman ni Sylvia.

“Kahit kailan ay wala sa itsura mo ang tumatanda, Sylvia. Katulad pa rin ang itsura mo noong una kitang nasilayan. Napakaganda mo pa rin at parang laging nangungusap ang mga mata mo,” wika pa ni Nestor.

“Ikaw talaga, dalawampu’t dalawang taon na tayong kasal pero puro pambobola pa rin ang ginagawa mo sa akin! Hindi ka talaga nagbabago kaya naman nabihag mo ako agad. Napakatatamis ng mga lumalabas na salita sa bibig mo,” natatawang pahayag ng ginang. 

“Gustong-gusto mo naman! Masaya kasi ako kapag nakikita kitang masaya. Mas lalo kang gumaganda kapag nakangiti ka,” dagdag pa ni Nestor

Sabay na lumabas ng silid ang dalawa upang mag-almusal sa may hardin. Pinakita rin ni Nestor ang mga namumulaklak na niyang mga tanim. 

“Kay gaganda ng mga rosas na ito. Itinanim ko talaga ang mga ito para sa’yo. Nang sa gayon ay lagi mo akong maaalala,” wika ni Nestor. 

Advertisement

“Bakit ganyan ka naman magsalita, mahal? Saan ka ba pupunta at kailangan kitang maalala? Ayaw kong malayo ka sa akin kaya hindi ko papayagan na umalis ka,” sambit ni Sylvia sa mister. 

Nagugulumihanan si Sylvia sa pagkakatingin sa kaniya ng kaniyang asawa. Hindi niya maintindihan na para bang may nais itong ipahiwatig. Nais pa sana niyang makipagkwentuhan sa mister nang bigla na lang siyang may narinig na tinig.

“Ginang! Ginang Sylvia!” paulit-ulit na tinatawa ng isang babae ang pangalan ni Sylvia.

Hanggang sa tuluyan na ngang gumising itong si Sylvia. Biglang tumulo ang mga luha ni Sylvia nang mapagtanto niyang panaginip lamang pala ang lahat ng pakikipag-usap niya sa asawang si Nestor.

Ilang buwan na rin kasi ang nakakalipas nang maaksidente habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan itong si Nestor. Malakas ang bugso ng ulan nang gabing iyon ngunit dahil sa pagnanais na hindi mahirapan ang asawa sa pag-uwi ay sinundo niya ito. Isang trak na walang preno ang bumundol sa sinasakyang kotse ni Nestor.

“Ginang, pasensiya na po kayo kung ginising ko kayo. Kailangan ko po kasing kunan ng vitals ang pasyente. Kailangan ko rin pong kumuha ng sample ng dugo para ipalaboratoryo,” saad pa ng nars. 

“A-ayos lang. Pasensiya na rin at nakatulog ako,” paghingi ni Sylvia ng paumanhin. 

“Alam n’yo ma’am, marami ang humahanga sa inyo dito sa ospital. Mantakin n’yong ilang buwan na ring nakaratay dito si sir ngunit hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa,” saad ng nars habang kinukuhaan ng dugo si Nestor. 

Advertisement

“Malaki kasi ang tiwala ko sa Panginoon. Walang sandali na hindi ko hiniling sa Kaniya na ibalik Niya sa akin ang asawa ko. Saka habang humihinga pa si Nestor ay ilalaban ko ang kaniyang buhay,” paliwanag naman ng ginang.

Ngunit sa totoo lang ay hindi na rin alam ni Sylvia kung saan pa kukuha ng pambayad sa ospital upang hindi tanggalin ang makina na bumubuhay sa kaniyang asawa. 

Kinausap na nga si Sylvia ng kaniyang mga kapatid sapagkat nag-aalala sila dahil paubos na ang lahat ng napundar nilang mag-asawa.

“Hanggang kailan ka ba magbubulag-bulagan sa katotohanan, Sylvia? Tingnan mo nga ang asawa mo! Tingin mo ba ay may pag-asa pa siyang gumising muli? E, lantang gulay na ‘yan! Ang mga espesyalista na ang nagsabi na maliit na ang tyansa na mabuhay pa siya,” wika ng nakatatandang kapatid ni Sylvia na si Anette. 

“Kahit gaano pang kaliit ang tyansa, ate, kakapit ako. Diyos lang ang makakapagsabi kung talagang kukunin na niya sa akin ang asawa ko. Lumalaban pa si Nestor. Kahit na mawala na ang lahat sa akin ay ayos lang. Hindi ko kailangan ang lahat ng materyal na bagay na iyan kung wala rin ang asawa ko!” sagot naman ng ginang. 

“Aba’y kung wala ka nang pera ay paano ka mabubuhay? Iaasa mo sa amin ang lahat? Nais mo bang maging pabigat sa amin? Mag-isip ka, Sylvia. Bitawan mo na ang asawa mo dahil ikaw na lang naman ang katangi-tanging umaasa na magigising siyang muli,” sambit pa ni Anette.

Labis na nasaktan si Sylvia sa sinabing ito ng kaniyang kapatid. Mahal niya masyado si Nestor upang basta na lamang niyang pabayaan. Kung tuluyan na itong mahihimlay ay nais niyang kusa itong sumama sa Panginoon.

Nagdaan pa ang mga araw at bahagyang pinanghihinaan na rin ng loob itong si Sylvia. Kinakausap na rin kasi siya ng mga doktor sa patuloy na paglobo ng kaniyang bayarin sa ospital.

Advertisement

Dahil naguguluhan na si Sylvia ay hindi niya naiwasan ang maiyak. Hinawakan niya ang kamay ng kaniyang walang malay na asawa at saka niya ito kinausap ng buong puso.

“Nestor, hindi ko alam kung ano na ba ang dapat kong gawin. Kung ako lang naman talaga ang masusunod ay ayaw ko pang lumisan ka sa tabi ko. Umaasa ako na isang araw ay masisilayan ko pa rin ang mga ngiti mo at maririnig ko pa rin ang mga pambobola mo sa akin. Pero ano ba talaga ang dapat kong gawin? Kung naririnig mo sana ako ngayon at nais mong ipagpatuloy natin ang laban na ito ay igalaw mo man lamang ang mga daliri mo,” patuloy sa pagtangis ang ginang.

Nakatitig lamang si Sylvia sa mga kamay ng asawa at nagdarasal na sana’y may gumalaw man lamang na isang daliri ng ginoo. Ngunit sa tagal ng kaniyang pagkakatitig ay wala pa ring magandang senyales mula sa asawa. 

Patuloy sa pag-iyak itong si Sylvia hanggang sa may isang nars ang dumating upang tignan muli ang nakaratay na pasyente.

“Pwede mo bang sabihin sa mga doktor na hindi pa ako nakakapagdesisyon kung tatanggalin na ang aparato ng asawa ko. Napakahirap ng sitwasyon ko ngayon. Hindi madali para sa akin ang lahat ng ito,” umiiyak na sambit ni Sylvia.

Lumabas sandali si Sylvia upang makapag-isip hindi na kasi niya makayanan pa ang nakikitang nahihirapan ang kaniyang asawa.

“Diyos ko, Kayo na po ang gumawa ng paraan kung ano talaga ang dapat kong gawin. Itinataas ko na po sa Inyo ang lahat,” pagtangis ng ginang sa Panginoon. 

Maya-maya ay bigla na lang lumabas ang nars sa silid.

Advertisement

“Ginang! Ginang Sylvia, nakadilat na po si sir. Nakadilat na po siya!” maging ang nars ay nagulat sa pangyayaring ito.

Agad na tumawag ng mga doktor ang nars upang masuri si Nestor. Dali-dali namang pumasok si Sylvia upang tingnan ang asawa. 

Napaluhod na lamang si Sylvia nang makita nga niya ang asawa na dilat ang mga mata. Sa loob ng matagal na panahon na pagkakaratay ng mister ay muli nitong nasilayan ang ginang.

Lumuluha lamang ang mga mata ni Nestor habang nakatingin sa asawa. Hawak naman ni Sylvia ang mga kamay ni Nestor.

“Hindi ako bibitiw, mahal! Hindi ako bibitiw hanggang gusto mong lumaban! Nandito lang ako sa tabi mo at aalagaan kita hanggang sa gumaling kang muli! Kakayanin natin ito, Nestor!” pagtangis muli ni Sylvia. 

Hindi rin makapaniwala ang mga doktor sa pangyayaring ito. Tinawag nilang tila mirakulo ang pagkakagising muli ni Nestor mula sa matagal na pagkawala ng malay.

Bawat lumipas na araw ay bumubuti na ang kalagayanni Nestor hanggang sa hind na ito kailanganin pa ng makina upang makahinga nang mag-isa. Hindi naging madali ang lahat ngunit hindi umalis si Sylvia sa tabi ng asawa at inalagaan niya ito. 

Hanggang isang araw ay tuluyan na ngang gumaling si Nestor.

Advertisement

“Maraming salamat sa hindi mo pagbitiw sa akin, mahal. Wala man akong malay ay lagi kang nasa puso at isip ko. Naririnig ko ang lahat ng mga sinasabi mo sa akin kaya pilit kong nilaban ang buhay ko. Masuwerte talaga ako na ikaw ang napangasawa ko, mahal,” saad pa ni Nestor kay Sylvia.

“Kung tatanungin ako nang paulit-ulit ay ikaw at ikaw lang din naman ang pipiliin kong makasama sa buhay na ito, Nestor. Masaya ako at pinakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ko. Masaya ako sapagkat sa wakas ay narito ka nang muli sa piling ko,” sambit naman ng ginang. 

Masayang pinagsaluhan ng mag-asawa ang bawat sandaling iyon. Lubos ang pasasalamat nila sa Diyos sa pangalawang pagkakataon na ibinigay sa kanilang mag-asawa para muling magkasama.

Pinatunayan ni Sylvia sa lahat na ang tunay at wagas na pag-ibig ay kayang gumawa ng himala.