Hinayaan ng Ginoo na Ipagpalit Siya ng Kaniyang Misis; Bandang Huli’y Ito ang Ganti ng Ginang

Hinayaan ng Ginoo na Ipagpalit Siya ng Kaniyang Misis; Bandang Huli’y Ito ang Ganti ng Ginang

InspiringLoveStories

“Akala ko ay tatanda ka nang binata, Dante. Aba’y hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na ikakasal ka na kay Rowena. Hindi na kami mag-aalala sa iyo ng mga kapatid natin dahil alam naming may makakasama ka na sa pagtanda,” saad ni Rosa sa kaniyang nakababatang kapatid. 

“Unang makita ko pa lang si Rowena ay alam kong siya na talaga ang para sa akin. Gagawin ko ang lahat para maging maayos ang relasyon namin. Wala man akong karanasan sa pag-ibig ay ibibigay ko ang lahat ng kailangan ni Rowena at ng magiging anak namin,” tugon naman ni Dante. 

Apat na pu’t isang taon na kasi ang OFW na si Dante. Dahil sa labis na pagsusumikap sa buhay upang matulungang makaahon sa hirap ang pamilya ay hindi na nito naisipan pa ang magnobya. Hanggang sa dumating ang bente otso anyos na dalagang si Rowena. Nakilala niya ito nang magbakasyon siya sa isang beach dito sa Pilipinas. 

Unang beses pa lang magtama ang kanilang mga mata ay nakaramdam na si Dante ng kakaiba. Mahiyain man at hindi alam ang diskarteng gagawin ay pilit niyang pinatunayan kay Rowena ang kaniyang pagmamahal. Hanggang sa mauwi na ito sa isang taong relasyon. 

Dahil nga tumatanda na rin itong si Dante ay nais na niyang magkapamilya. Iniwan niya ang pagiging isang OFW upang pakasalan si Rowena. Mula sa kaniyang naipon ay kumuha siya ng ilang pwesto sa palengke upang magtinda ng mga isda. 

Masaya naman sa simula ang pagsasama ng dalawa. Sa katunayan nga ay nagkaroon sila ng isang anak. 

Ngunit sa paglipas ng panahon ay may ibang napapansin ang mga taong nakapaligid sa mag-asawa. Tila nalalapit kasi itong si Rowena sa isang binata na kapitbahay. 

“Bantayan mo ‘yang asawa mo, Dante. Marami ang nakakapagsabi sa akin na madalas daw nilang makita ‘yan na nakikipag-usap kay Lando. Aba’y baka sa pagkaabala mo sa pagtitinda mo sa palengke ay hindi mo namamalayan na nasusulot na ang asawa mo,” saad ni Rosa sa kapatid. 

“Malaki ang tiwala ko kay Rowena, ate. Kahit na malaki ang agwat ng edad namin ay alam kong hindi niya ako ipagpapalit sa iba. Hindi niya kayang masira ang pamilyang binuo namin. Saka dapat ay hindi n’yo siya pinag-iisipan ng masama. Ayos lang naman sa akin na makipagkaibigan siya,” tugon pa ng ginoo. 

“Huwag kang masyadong kampante sa nararamdaman mo, Dante. Hindi mo hawak ang damdamin ng asawa mo. Kung ako sa’yo’y habang maaga ay komprontahin mo na siya tungkol sa pakikipagkaibigan niya kay Lando. Hindi rin kasi maganda na palagi silang nakikita na magkasama. Hindi mo maaalis sa mga tao na mag-isip ng masama,” dagdag pa ng ginang. 

Dahil sa payo ng kapatid ay kinausap nang maayos ni Dante ang kaniyang asawa. 

“Wala naman kaming ginagawa ni Lando. Magkaibigan lang kami. Siya ang unang lumalapit sa akin para kausapin. Hindi ko naman pwedeng basta itaboy na lang siya. Ano naman ang sasabihin din sa akin ng tao? Na masungit ako at hindi marunong makisama,” depensa naman ni Rowena. 

“Basta kung kaya mo siyang iwasan ay gawin mo na para hindi na maging malaking isyu pa ‘to. Pinoprotektahan lang kita sa mga sasabihin ng mga tao laban sa’yo. Ayaw kong masaktan ka nila,” saad naman ni Dante. 

Ngunit hindi sumunod si Rowena sa mga bilin ni Dante. Hanggang sa ang pakikipagkaibigan ni Rowena kay Lando ay lalong lumalim at doon nga’y nagkaroon na sila ng lihim na relasyon. 

“Bakit pa kasi si Dante ang una mong nakilala, Rowena. Sana ay ako na lang. Sana’y hindi tayo patagong nagmamahalan ngayon,” saad ni Lando. 

“Hahanap ako ng tiyempo para lumayo tayo sa lugar na ito at maging malaya tayong dalawa sa nararamdaman natin. Hindi ko na mahal si Dante at ikaw na ang mahal ko. Maging ako’y nagsisisi bakit hindi ko hinintay na makilala kita,” saad naman ni Rowena.

Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag. Naging matunog sa tsismisan ang relasyon nila Rowena at Lando. Hanggang sa hindi na nakatiis pa si Dante at saka niya kinausap ang kaniyang misis. 

“Umamin ka nga sa akin, Rowena! May relasyon ba talaga kayo ni Lando? ‘Wag mo nang itanggi dahil ako na lang ata ang hindi pa nakakaalam! Pinagpipiyestahan kayo ng madla dahil may nakakita raw sa inyo na pumasok sa isang motel!” bulyaw ni Dante. 

Dito na inamin ni Rowena ang lahat. HIndi na niya itinanggi pa ang paratang ng asawa.

“Gusto ko nang tuldukan ang lahat ng ito. Ayaw ko nang magtago at ayaw ko nang lokohin ka pa, Dante. Totoo ang lahat nang naririnig mo. May relasyon nga kami ni Lando,” umiiyak na paglalahad ni Rowena. 

Parang pinagsakluban ng langit at lupa itong si Dante. Si Rowena pa lang ang unang babaeng kaniyang minahal at ang buong akala niya’y hanggang kabilang buhay na ang pagtitinginan nilang ito. Ngunit hindi niya akalain na darating ang araw na lolokohin siya nito at maghihiwalay lang din pala sila ng landas. 

Mahirap man ay pinalaya ni Dante itong si Rowena. Dahil sa pagmamahal niya sa ginang at sa nag-iisang anak nila ay ibinigay pa ni Dante ang lupang kaniyang pinatatayuan ng bahay sa mag-ina. 

“Nahihibang ka na talaga! Binigyan mo pa ng bahay ang ahas na ‘yun! Hinayaan mo na ngang iputan ka sa ulo tapos ay basta mo na lang pinalaya tapos ay binigyan mo pa ng lugar para ipagpatuloy ang [email protected]*go nila sa’yo! Nasisiraan ka na talaga ng bait, Dante” sambir ni Rosa sa kapatid. 

“Para naman sa anak ko ang bahay na ‘yun. Gusto ko ay may maayos at komportable pa rin siyang buhay kahit wala sa piling ko,” tugon naman ng ginoo.

“Gan’yan ka na ba talaga kahibang kay Rowena na kaya mong maging tanga habang buhay! Gumising ka nga sa katotohanan, Dante! Huwag mong bigyan ng karapatang lumigaya ‘yang asawa mong malandi at manloloko!” dagdag pa ng ginang. 

Ngunit kahit ano ang sabihin ng mga tao ay walang nakapigil kay Dante sa pagpapahayag niya ng pagmamahal sa kaniyang mag-ina. Kahit na wala sa piling niya si Rowena at ang kanilang anak ay patuloy ang kaniyang pagbibigay ng pangangailangan sa mga ito. 

Naging tampulan pa ng ng tukso itong si Dante dahil daw sa kahibangan niyang ginagawa. Ngunit hindi na lang inintindi ni Dante ang lahat ng kaniyang naririnig. Kahit na nasasaktan ay patuloy pa rin siya sa pagmamahal sa kaniyang mag-ina. 

Lumipas ang panahon at hindi rin naging maganda ang pagsasama nila Rowena at ng kaniyang kalaguyong si Lando. Nahuli rin kasi niya ang binata na mayroong ibang babae at ang masaklap pa ay doon inuubos ni Lando ang pera na ipinapadala ni Dante para sa mag-ina. 

Pinalayas ni Rowena si Lando sa kanilang pamamahay at tuluyan na siyang nakipaghiwalay. 

Samantala, hindi naman naging mabuti ang lagay nitong si Dante. Sa kaniyang pagtanda ay kakabit na rin ng paghina ng kaniyang kalusugan. Nagkaroon siya ng sakit sa bato at kung anu-ano pang komplikasyon. Hanggang sa tuluyan na siyang nakaratay. 

Nang malaman ni Rowena ang kalagayan ng kaniyang dating asawa ay muli siyang bumalik sa dati nilang tinitirhan. 

“A-anong ginagawa mo ritong malandi ka? Narito ka ba para siguraduhing mahina na ang kapatid ko upang makamkam mo ang lahat ng maiiwan niya? Wala ka nang mapapala sa kapatid ko! Lumayas ka dito!” sambit ni Rosa kay Rowena.

“Nauunawaan kong galit kayong lahat sa akin dahil sa ginawa ko kay Dante. Pero narito ako ngayon upang bumawi sa lahat ng kasalanan ko. Hindi man kami magbalikan ni Dante ay nais kong ako ang mag-alaga sa kaniya. Gagawin ko ito nang bukal sa aking kalooban,” saad ni Rowena na hindi na napigilan pa ang pagtulo ng mga luha sa lungkot nang makita ang kalagayan ni Dante. 

Tutol man ang ilang kaanak ni Dante sa gagawing ito ni Rowena ay hindi na niya ito inintindi pa. Tanging nais lamang ng ginang ay maipakita kay Dante ang pagkalinga na kailangan nito. 

Ilang taon na ring inaalagaan ni Rowena itong si Dante at patuloy naman ang pagbuti ng kalagayan ng ginoo. 

Nang tanungin ni Dante si Rowena kung bakit niya ito ginagawa ay hindi nagdalawang-isip ang ginang na sagutin ito. 

“Minahal mo ako nang walang pag-aalinlangan. Tinanggap mo ako nang paulit-ulit sa kabila ng lahat ng nagawa kong masama sa’yo. Napatunayan kong sa lahat ng lalaking nagdaan sa aking buhay, sa iyo ang pinakadalisay at pinakatapat. Patawad sa lahat ng nagawa ko, Dante. Pangako ko sa’yo na kahit kailan ay hindi na ako aalis pa sa tabi mo,” lumuluhang sambit ni Rowena. 

Sa puntong iyon ay tuluyan nang nagbalikan sina Rowena at Dante. Hiling ng ginang ang tuluyang paggaling ni Dante upang sila’y muling magpakasal.

More Stories