Kinulong ni Anita si Nanay Sita
“Sir, anak nga pala ito ni Nanay Sita,” agad na pakilala ni Anita sa kabilang linya.
Kausap niya ngayon ang anak ng dating amo ng kaniyang ina. Matagal na nanilbihan si Aling Sita sa Pamilya Fuentes at umalis lang ito nang hindi na kinaya ng katawan nito ang magtrabaho.
“Oh! Anita, ano ang kailangan mo?” tanong naman ni Nash Fuentes ang bunsong anak ni Mr. & Mrs. Fuentes.
“Sir kasi po kailangan na naman ni nanay bumili ng gamot tsaka gatas. Kaya sabi niya ay tawagan ko kayo ulit,” paliwanag pa ni Anita.
“Pero ‘di ba kakapadala lang namin sa inyo ng maintenance ni Nanay Sita, at saka sabay nun ay ang perang nagkakahalagang dyis-mil? Naubos ba agad? Samantalang nung nakaraang araw lang iyon ah,” wika ni Nash sa hindi makapaniwalang tono.
“O-opo sir,” maiksing sagot ni Anita sa nauutal na tono.
“Sige, hayaan mo. Pag-iisipan muna naming pamilya ang lahat,” sambit ni Nash at agad na in-off ang cellphone sabay iling. “Kahit kailan talaga,” naiiling na wika ni Nash.
Gusto mang tiisin ng Pamilya Fuentes si Nanay Sita ay hindi nila magawa. Nag-aalala sila sa matanda. Kung sila nga lang ang masusunod ay mas gusto nilang nasa poder na lang nila ang matanda dahil mas sigurado pa silang maaalagaan nila ang dati nilang yaya. Ngunit ang sabi nito ay nais nitong makasama ang nag-iisang anak na noong kabataan nito ay hindi nito laging nakakasama. Single mom kasi si Nanay Sita kaya nagsumikap ito maibigay lang sa nag-iisang anak ang alam nitong magandang buhay.
“Nash, mas maigi pang puntahan mo mismo si Nanay Sita. Para makita mo ang tunay na lagay niya. Kung talaga bang naaalagaan siya ni Anita o hindi? Hindi naman sa nagdududa ako, pero mas maigi na rin iyong sigurado tayo,” suhestiyon ni Narvin ang panganay sa kanilang magkakapatid.
“Oo nga naman Nash, tama ang kuya. Tutal matagal na panahon na rin na panay suporta na lang tayo mas maigi na rin iyong makita natin si Nanay Sita,” sang-ayon naman ni Niel ang pangalawang anak.
“Ibo-book na kita ng flight ha,” walang gatol na wika ni Narvin.
Makalipas ang tatlong araw ay nasa airport na siya upang bumiyahe sa lugar ni Nanay Sita. Miss na miss na rin niya ang kaniyang dating yaya. Ito ang naging pangalawang nanay at tatay nila noon dahil sobrang abala ng mga magulang nila sa negosyo ng pamilya. Kaya hindi kataka-takang mahal na mahal nilang magkakapatid ang matandang babae. Ngunit imbes na si Nanay Sita ang masorpresa sa pagdating niya’y siya ang nagulat sa nakitang sitwasyon ng matanda.
“Nanay?” mahinang wika ni Nash nang makita ang dating katulong na nakakulong sa isang maliit na kulungang gawa sa bakal. Para itong aso at sobrang dungis ng buong katawan. Nakatali ng kadena ang kulungan kaya hindi mabuksan ni Nash. “Anong ginawa nila sa’yo nanay?” mangiyak-iyak na wika ni Nash.
“Nash,” humihikbing tawag ni Nanay Sita sa pangalan niya.
“Sir!” gulat na wika ni Anita sa kaniyang likuran. “Bakit hindi po kayo nagpasabing darating kayo. Sana nakapaghanda kaming lahat,” nauutal na wika ni Anita.
“Anak ka ba talaga ni Nanay Sita o hindi? Paano mo nagagawa ito sa sarili mong ina? Daig pa niya hayop kung ikulong niyo siya d’yan sa maliit na kulungang iyan!” galit na wika ni Nash kay Anita.
“K-kasi sir lagi kasing nagwawala si nanay kaya naisip kong ilagay siya d’yan,” palusot pa nito.
“Saan napunta ang sustento namin sa inyo? Mukhang hindi naman kay nanay dahil sa katawan niyang patpatin at sa itsura niya ngayon ay hindi ako maniniwalang sa kaniya napupunta ang binibigay namin sa inyo!” galit na galit si Nash kay Anita. Kung pwede lamang niya itong p*tayin ay baka kanina pa niya ginawa.
“Hindi ka tao Anita, paano mo nagawa ito sa sarili mong ina. Ang dami mong hiningi na hindi namin minsan man tinanggihan dahil ang sabi mo para iyon lahat kay nanay. Maiintindihan ko kung hindi ka niya tunay na anak, pero kadugo ka niya at ikaw lang ang nag-iisa niyang anak kaya paano mo nagawa sa nanay mo ito?! Buong buhay ni Nanay Sita, kumayod siya para mabigyan ka niya ng magandang buhay. Nagtiis na malayo sa’yo dahil mahal ka niya at ayaw niyang magaya ka sa kaniyang walang pinag-aralan. Mas piniling mag-alaga ng ibang anak kaysa sa sarili niyang anak. Tapos ito lang ang igaganti mo sa kaniya? Ikukulong siya na parang aso?! Hindi ka tao!” gigil na gigil na wika ni Nash. “Palayain mo ang nanay mo at ako na ang mag-aalaga sa kaniya,” utos niya rito.
“Sir pasensiya ka na po. Pangako hinding-hindi na mauulit ito,” umiiyak na pakiusap ni Anita.
“Umiiyak ka ba dahil nasasaktan kang ilalayo ko sa’yo ang nanay mo o umiiyak ka kasi hinding-hindi mo na kami mapeperahan?” prangkang tanong ni Nash dahilan upang matameme si Anita. “Tandaan mo ito Anita, hindi habang buhay ay bata ka. Darating ang panahon na magiging katulad ka rin ng nanay mo. Sana huwag gawin ng mga anak mo sa’yo ang ginawa mo sa nanay mo. Maswerte pa rin si Nanay Sita, dahil nandito kaming mga Fuentes, handang magpaka-anak sa kaniya. Paano na lang kaya kung ikaw naman ang tumanda? Sana nga may magliligtas din sa’yo katulad ng ginawa ko sa nanay mo,” binigyang diin ni Nash ang huling sinabi.
Hindi napigilan ni Anita ang pagkuha ni Nash kay Nanay Sita. Hindi na ito halos makatayo ng tuwid dahil nangmamanhid na ang tuhod nito sa matagal na panahong nakaupo lang sa maliit nitong kulungan. Ang maintenance na pinapadala nila ay hindi naman napakinabangan ni Nanay Sita dahil nabalitaan niyang binebenta iyon ni Anita sa suki nitong hindi na niya kinilala pa. Ang pera naman ay winawaldas lang ng pamilya nila kaya sa madaling salita, hindi iyon napakinabangan ng matanda. Inuwi ni Nash si Nanay Sita sa Manila upang ipagamot at alagaan. Hanggang sa naging maayos na ito ulit at bumalik ang dating pangangatawan.
“Maraming salamat sa pagligtas sa’kin, Nash. Akala ko hanggang doon na lang ang buhay ko,” mangiyak-iyak na wika ni Nanay Sita.
Hindi napigilan ni Nash ang huwag maiyak dahil sa sinabi ng matanda. Niyakap niya ito ng mahigpit upang iparating dito ang pagmamahal niya bilang isang anak. Wala na rin silang balita kung ano na ang nangyari sa pamilya ni Anita. Natakot itong tumawag sa kanila dahil sa sinabi niyang ipapakulong niya ito kapag nang-istorbo pa ito. Hindi maganda ang ginawa ni Anita kay Nanay Sita. Hindi natutulog ang karma. Huwag na huwag mong itatakwil ang magulang mo. Hindi mo alam kung ano ang isinakripisyo nila para ibigay lamang sa inyo ang magandang buhay. Hindi habang buhay ay bata ka.