Inday TrendingInday Trending
Binola-bola, Asadong-asado Tuloy!

Binola-bola, Asadong-asado Tuloy!

Unang kita pa lang ni Clara kay Miguel ay nahulog na siya rito. Magkaibigan ang pamilya nila kaya hindi siya nahirapang makipaglapit sa lalaki. Mula noong dose-anyos pa lang siya hanggang ngayong bente-otso anyos na siya’y minamahal niya pa rin niya ang lalaki.

“Miguel, samahan mo naman ako bukas. Kailangan ko kasing pumunta sa Pampanga dahil may bibisitahin akong kaibigan,” masayang pakiusap ni Clara kay Miguel.

“Anong oras ba bukas?” nakangiting tanong ni Miguel.

“Mga alas-nuwebe,” sagot niya na agad naman nitong tinanguan. Ganun lagi si Miguel, hindi mahirap kausap at laging naka-oo sa lahat ng pakiusap niya. Kaya ang buong akala ng mga taong nakapaligid sa kanila ay nagdi-date na silang dalawa. Ang totoo ay matagal na rin niyang hinihintay ang pag-amin ng lalaki ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin itong ginagawa. Pero para kay Clara ay sapat nang makasama niya ito lagi.

“Clara, ano pa bang pagkakataon ang hinihintay ni Miguel? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo nagpapakasal?” nagtatakang wika ng ama ni Clara na si Don Felipe.

“Ano ka ba naman, Felipe? Paano naman silang magpapakasal? Hindi nga siya nililigawan ni Miguel, magpapakasal pa kaya?” sabat naman ng mama niyang si Donya Carmen.

“Iyon na nga ang pinagtataka ko. Lagi kayong magkasama ngunit hindi pa pala kayo magkasintahan ni Miguel. Ano ba ang hinihintay niyo?” wika ni Felipe.

“Felipe, kitang-kita naman sa mga mata ni Miguel na hindi niya mahal si Clara. Iyang si Clara lang naman ang umaasa sa lalaking iyon. Hay! Ewan ko ba? Ang dami naman kasing lalaking inirereto ko sa kaniya. Bakit pinagsisiksikan niya ang sarili niya kay Miguel,” wika ni Carmen na para bang wala si Clara sa harapan nito at hindi niya naririnig ang mga pinagsasasabi ng ina.

“Mama, gusto ko lang itanong kung totoo bang anak niyo ako?” deretsang tanong niya sa ina.

“Oo naman. Anak kita, Clara,” walang gatol naman nitong sagot.

Pagak siyang ngumiti. “Kung makalibak ka kasi sa’kin ay para bang hindi mo ako kadugo at anak lamang ako ng kumare mo,” wika niya.

“Clara, masakit malaman ang katotohanan. Pero iyon ang totoo. Ikaw lang naman ang nag-iisip ng mas malalim pa sa pagkakaibigan ang relasyong mayroon kayo ni Miguel, pero si Miguel ay wala namang iniisip na ganoon. Mas maigi na rin na sa’kin mo marinig ang masasakit na salitang iyon kaysa manggaling pa ito sa ibang tao,” prangkang wika ni Carmen dahilan upang mawalan siya ng ganang kumain.

“Nawalan na ako ng ganang kumain,” bigkas niya sabay tayo at talikod sa hapag-kainan. Patutunayan niya sa kaniyang ina na nagkakamali ito ng hinala. Mahal siya ni Miguel at balang araw ay magpapakasal din sila.

Isang gabi habang nakaupo silang dalawa ni Miguel sa upuan ng rooftop upang lumanghap ng sariwang hangin at para tingnan na rin ang magandang liwanag ng gabi, masinsinan niya nang kinausap ang lalaki.

“Miguel, alam mo naman sigurong noon pa na mahal kita. Hindi naman ako nagkulang na iparamdam sa’yo iyon at ganun ka rin naman. Nand’yan ka lagi kapag kailangan kita at hindi mo ako iniwan,” nilingon niya ang lalaking nakatitig lamang sa kawalan. “Miguel, matatanda na tayo at siguro ito na ang panahon para planuhin naman natin ang future nating dalawa. Bakit hindi na tayo magpakasal?” lakas loob niyang tanong.

Lumingon si Miguel sa gawi niya at malungkot na ngumiti. “Ang totoo Clara, hindi naman talaga kita gusto. Espesyal ka sa’kin kaya ginagawa ko ang lahat ng iyon. Pero hindi kita mahal, Clara, katulad ng dalawang taong may relasyon. Kaya pasensiya ka na kung sa tingin mo pinaasa kita. Hindi ko lang talaga inisip na may malisya sa’yo ang lahat ng ginagawa ko,” paliwanag ni Miguel sa kaibigan.

“P-pero… bakit?” nauutal na tanong ni Clara.

“May mga tao lang sigurong itinakdang magmahalan, pero hindi tayo isa sa kanila. Sinubukan ko rin namang mahalin ka noon kaso ayaw talaga ng puso ko. Tanging bunsong kapatid lamang talaga ang turing ko sa’yo. Makakahanap ka din ng lalaking magmamahal sa’yo katulad ng ibibigay mong pagmamahal. Pero hindi ako ‘yon. Huwag mong isarado ang puso mo sa ibang lalaki. Balang araw kapag babalikan mo ang sitwasyon na ito ay matatawa ka na lang at tatanungin ang sarili kung bakit ka umasa sa’kin? Bakit ka naghintay? At napakaraming bakit pa. Pero asahan mo laging nandito ako’t nakaalalay sa’yo. Hindi bilang lalaking mamahalin mo, kung ‘di ang lalaking parte ng pamilya mo,” mahabang wika ni Miguel.

“Parang kapatid?” hirit pang tanong ni Clara. Ngumiti si Miguel at tumango.

Katulad ng sinabi ni Miguel ay hindi ito lumayo sa kaniya ngunit malinaw na sa kaniya ang lahat na hinding-hindi hihigit sa pagkakaibigan ang pagtingin nito sa kaniya. Mula nga nung nag-usap sila ay pinayagan na niya ang sariling makipag-date sa ibang lalaki at kilalanin ang mga ito. Maraming bumagsak dahil lagi niyang naikukumpara ang mga ito kay Miguel.

Hanggang sa nakilala niya si Reeve, ang lalaking babago ng pananaw niya sa buhay. At tama si Miguel, kapag binabalikan niya ang kabaliwan niya noon ay natatawa na lang siya at nagpapasalamat na rin. Kung hindi siya prinangka ni Miguel baka hanggang ngayon hopiang-hopia pa rin siya sa kaibigan at baka hindi niya makikilala ang kaniyang forever na si Reeve.

Huwag nating isasarado ang puso natin sa ibang lalaki. Malay mo isa na pala dun ang forever mo. Pinalampas mo lang kasi umaasa ka sa taong wala naman pa lang dapat asahan.

Advertisement