Inday TrendingInday Trending
Tulungan Mo Po Ako!

Tulungan Mo Po Ako!

Bukod sa nananakit na ang likod sa matagal na pagkakaupo sa kanyang ay nakaramdam pa ng tawag ng kalikasan si Maureen. Agad niyang niyaya ang isa sa mga kasama niya na samahan siya sa CR.

“Verna, samahan mo naman akong mag-CR,” sabi niya rito.

Napalingon ang dalaga patungo sa direksyon na pinagmulan ng boses. Nakita niyang nakatayo sa likod niya sa Maureen.

“Samahan mo naman ako mag-CR,” pag-uulit nito.

“Sus!” nakangiting sabi ni Verna, “Bakit naman kasi kailangan pang may kasama sa pag-C-CR?”

“Ganoon talaga,” sagot ni Maureen. “Kaunti lang naman ang ini-encode mo e. Samahan mo na muna ako,” pangungulit nito.

“Oh sige, sige,” natatatawa lang si Verna habang ni-lo-log-out ang kanyang kompyuter. Pagtayo niya ay iginala niya ang kanyang paningin sa lugar kung saan sila naroon. Lima na lang silang naiwan sa ika-anim na palapag kung saan sila nagtatrabaho. Sinabihan kasi sila ng supervisor nila na kailangan daw nilang mag-over time dahil marami pa silang ie-encode.

Sa loob ay abala ang magkaibigan sa pag-aayos ng sarili sa harap ng salamin. Silang dalawa lang ang tao sa CR.

“Alam mo, napapansin ko na tuwing may mag-C-CR sa atin, palaging naghahanap ng kasama lalo na ikaw,” biglang sabi ni Verna habang nagpupulbo ng mukha. “Kahit si boss laging nagyayaya ng kasama pag mag-C-CR.”

“Mas masaya kasi kapag may kasama,” sagot ni Maureen sabay tawa. “Tulad natin, nakakapag-ayos pa tayo at nakakapagkuwentuhan.”

“Sus, ano ba namang klaseng dahilan iyan. Paano kung talagang na-C-CR ka na hindi mo na mapigil, may oras ka pa bang maghanap ng kasama?”

“Magkakatabi lang naman tayo, noh. Puwedeng-puwede mo kaming yayain kahit anong oras,” seryosong sagot ni Maureen.

Tiningnan ni Verna ang kasama, kita sa mukha niya ang pagkabigla sa biglang pagiging seryoso ni Maureen.

“Oh, bakit natahimik ka diyan?” tanong ni Maureen.

“W-Wala. Bigla ka kasing naging seryoso, e.”

“Basta, siguraduhin mo na kapag mag-C-CR ka ay yayayain mo akong samahan ka. O kaya si Badeth, o si Danica. Sigurado sasamahan ka ng mga iyon,” sabi ng dalaga sabay ngiti.

“Bakit naman? Hindi ba maaabala ko lang kayo kapag ganoon?” tanong ni Verna.

“Hindi noh!” sagot ng kasama na halatang medyo naiinis na. “Sabi ko nga masaya ang may kasama pag nag-C-CR. Hinding-hindi mo kami maaabala. Basta sabihan mo lang kami kapag gusto mong mag-CR.”

“Okay, okay! Relax ka lang,” natatawang sabi ni Verna. “Akala ko kasi baka may multo dito sa CR kaya ayaw niyong mag-CR ng mag-isa,” pagbibiro niyang sabi.

Biglang natigilan si Maureen sa pagsusuklay ng kanyang mahabang buhok. Tinitigan niya sa mata ang repleksyon ni Verna sa salamin.

“Oh bakit?” tanong ni Verna.

“W-Wala, mahinang sabi ni Maureen, “bago ka pa kasi kaya hindi mo naiintindihan.”

“Ano nga iyon?” tanong ulit ni Verna.

“Wala nga! Ang kulit mo din ano?” wika ni Maureen. Huminga ng malalim at ipinagpatuloy ang pagsusuklay ng kanyang buhok. “Hay basta, kapag mag-C-CR ka, lagi mo kaming yayayain ha.”

“Opo. Sige na nga po,” sabay sukbit ng kanyang bag sa kanyang balikat. Masaya silang bumalik sa kani-kanilang pwesto.

Mabilis namang lumipas ang oras at ‘di nagtagal ay uwian na nila.

“Tara na, Verna. Sabay na tayo,” sabi ni Maureen.

“O sige. Pero hintayin mo na lang ako sa baba. Nakalimutan ko kasing ipatong sa mesa ni boss itong report ko.”

“O sige, hintayin na lang kita dun,” sagot ni Maureen sabay talikod.

Mabilis namang naglakad si Verna patungo sa mesa ng kanilang boss. Wala na ito sa pwesto, sa isip niya ay umuwi na rin ito. Ipinatong na lang niya ang folder na naglalaman ng kanilang daily report sa mesa.

Didiretso na sana siya sa elevator ng bigla siya makaramdam ng pagka-ihi.

Naku, kailangan kong mag-CR. Mahirap naman kung pipigilin ko pa ‘to, naisip niya.

Dumiretso siya sa CR ng mga babae ngunit bigla siyang natigilan ng nasa harap na siya ng pintuan ng CR. Bigla kasi niyang naalala ang sinabi sa kanya ni Maureen.

Hay basta, kapag mag-C-CR ka, lagi mo kaming yayayain ha.

Mabilis na tiningnan ni Verna ang paligid. Walang kata-tao. Lahat ng kasama niya ay bumaba na, at malamang ay nagsi-uwian na.

“Sus! Bakit naman kasi kailangan pang may kasama!” naiinis na naisip ni Verna sabay bukas ng pinto ng CR. Mabilis siyang dumiretso sa isa sa mga cubicles at umihi. Pagkatapos ay naghugas siya ng kamay sa lababo at naghilamos.

Bigla siyang nagulat ng marinig na bumukas ang pinto ng CR. Pagdilat niya ay nakita niya ang isang batang babae na mabilis na tumatakbo papasok at dumiretso sa isa sa mga cubicles.

“Sino iyon? Bakit may bata dito sa oras ng gabi?” nagtatakang tanong niya sa sarili. Hindi niya kasi masyadong nakita ang itsura ng bata.

Kumuha siya ng tissue paper at dahan-dahang pinupunasan ang kanyang mukha ng may marinig siyang umiiyak. Nanggagaling ito sa cubicle kung saan pumasok ang tumatakbong bata kanina. Natigilan siya, hindi alam ang gagawin. Nang maalala niya si Maureen na naghihintay sa kanya sa baba ay saka lamang siya nakagalaw. Mabilis niyang itinapon ang tissue sa basurahan at dumiretso sa pintuan.

Biglang lumakas ang pag-iyak ng bata. Humahagulgol na ito sa loob ng cubicle. Natigilan si Verna at nilingon ang cubicle kung saan nanggagaling ang malakas na pag-iyak. Hindi niya alam ang gagawin ngunit hindi niya mapigil ang kanyang kuryosidad. Dahan-dahan siyang humakbang patungo sa cubicle hanggang nasa harapan na siya ng pintuan nito.

“Bata? Okay ka lang ba. Gabi na bakit narito ka pa? Sino ba ang kasama mo rito? Sabihin mo sa akin at para matawag ko,” mahinahong sabi ni Verna.

Hindi sumagot ang bata sa loob ng cubicle. Sa halip ay mas lumakas pa ang pag-iyak nito.

“Bata?” muling sinubukan ni Verna. “Bata, huwag ka na umiyak. Buksan mo na itong pinto.”

Patuloy lang ang pag-iyak ng batang babae. Naghintay siya ng ilang sandali, at ng hindi pa rin sumasagot ang bata ay napagdesisyunan niya na iwanan na lang niya ito.

“Tulungan mo po ako?” isang nanginginig na boses ang nanggaling mula sa loob ng cubicle.

Muli siyang humarap sa pinto ng cubicle.

“Bata?” tanong niya.

“Tulungan mo po ako. Gusto ko na po ng katahimikan,” pakiusap ng umiiyak na bata.

“Mabuti pa bata ay pag-usapan na lang natin iyan dito,” sabi ni Verna.

Maya-maya ay bumukas ang pinto ng cubicle at lumabas ang batang babae. Laking gulat ni Verna nang makita ang hitsura nito. Duguan ito at mukhang naaagnas na. Biglang tumayo ang balahibo niya sa takot at nagtatakbo palabas ng CR.

Isang oras din ang lumipas bago nakita si Verna. Nakita siya ng dalawang janitor na nakaupo sa isang sulok. Umiiyak at nanginginig sa takot. Isinugod siya sa pinakamalapit na ospital dahil sa hindi na siya makapagsalita sa sobrang takot na pinagdaanan.

Sa ospital ay dumating ang mga kasama niya sa trabaho.

“Sinabihan na kita na magpasama ka kapag pupunta ka sa CR. Hindi ka nakinig sa akin. Iyan tuloy nagpakita sa iyo ang multo nung batang babae,” wika ni Maureen.

“S-sino ba ang batang iyon at bakit siya nagmumulto?” takot pa ring tanong ni Verna.

“Ayon sa mga kwento, habang ginagawa ang gusali kung saan tayo nagtratrabaho ay mayroon daw isang batang babae na naglalaro doon na binawian ng buhay dahil aksidenteng nabagsakan ng malaking bakal sa ulo. Bali-balita na hindi raw binigyan ng disenteng libing ang bata at basta na lamang ibinaon sa lupa ang labi nito. Itinago pa raw ng may-ari ng gusali ang nangyaring aksidente. Kaya ayun, hindi raw matahimik ang kaluluwa ng batang babae at palaging nagpapakita sa mga empleyado. Ang lugar kasi kung saan nagpapakita ang multo ng bata ay sa CR,” bunyag ni Maureen.

Sa narinig ay biglang nawala ng takot ni Verna sa halip ay naalala niya ang sinabi ng batang multo.

“Tulungan mo po ako. Gusto ko na po ng katahimikan.”

Sinabihan niya ang mga kasamahan na bumalik sa gusali kung saan sila nagtatrabaho at sama-samang nagsindi ng kandila at nagdasal. Ipinagdasal nila ang katahimikan ng kaluluwa batang babae. Matapos nilang mag-alay ng panalangin ay biglang nakaramdam si Verna ng malamig na hangin at bigla siyang nagulat dahil muli niyang nakita ang bata na nakatayo sa labas ng CR ngunit maaliwalas na ang mukha nito. Nakasuot ng puting damit at may ngiti na sa mga labi. Kumaway ito sa kanya na tanda ng pamamaalam at pasasalamat sa kanilang ginawa. Maya-maya ay bigla na lang itong naglaho na parang bula.

“Tapos na. Makakapagpahinga ka na,” bulong ni Verna sa sarili.

Sa wakas ay matatahimik na rin ang kaluluwa ng batang babae na minsang pinagkaitan ng hustisya. Simula sa araw na iyon ay hindi muling makikita ang multo nito sa loob ng CR.

Advertisement