Sabi ng Manghuhula

Sa edad na 33 anyos ay masasabi na ni Shenna na tapos na siya sa kaniyang pagiging buhay dalaga at handa na siyang pasuking ang pagpapamilya.

Nakapagtapos na ng pag-aaral ang dalaga at mayroon na ring ipon sa bangko. May sariling bahay at nakabukod na sa kanyang pamilya. Nagbunga na nga raw ang pagpupursige niya noon dahil narating na niya ang gustong marating ng kaniyang mga magulang, walang iba kundi ang makatapos at magkaroon ng kalayaan sa pera.

“Congrats, Shenna! Ikaw na naman ang top 1 sales agent natin. Milyon na naman ang komisyon mo, Diyos ko!” bati sa kaniya ni Cedric, ang binabaeng manager ng dalaga. Ahente ng mga kotse si Shenna at bukod pa roon ay may negosyo rin itong bigasan sa kanilang lugar. Nagbebenta rin siya ng mga pampaganda at iba pang maliit na pinagkakakitaan.

“Kaya nga! Napakaswerte ng magiging jowa ko, papaliguan ko siya ng pera!” natatawang sagot naman ng babae.

“Alam mo, payo ko lang naman. May kakilala akong manghuhula, sobrang galing nito at lahat ng kaibigan na dinala ko sa kaniya ay nagkakatotoo ang hula. Tara na at baka sa kaniya mo makilala si the one!” pahayag naman muli ni Cedric.

High school pa ang naging una at huling relasyon ni Shenna, simula nang mawala ang dating nobyo ay nagkaroon ng sumpa ang pag-ibig niya. Hindi na siya nagkaroon pa ng ibang karelasyon o manliligaw man lang. Wala ring nagkakagusto sa kaniya at walang nanliligaw kaya naman nasanay na siya sa mahabang panahon na unahin ang kaniyang pamilya, sarili at pera. Ngunit ngayong wala na siya sa kalendaryo ay wala na siyang ibang dasal kung ‘di ang magkaroon ng asawa.

Walang pag-aalinlangan ay kaagad na nagpunta ang dalawa sa manghuhula.

“Ikaw, ‘wag alala. Darating ang iyong mapapangasawa sa edad na 38 anyos. Ikaw antay lamang at lagi bait sa kapwa para swerte lalo pasok sa’yo,” saad ng manghuhulang intsik.

Advertisement

Tinandaan itong mabuti ni Shenna at kaagad na isinabuhay ang payo ng manghuhula. Naging mabait siya sa lahat, palabati at hindi na rin siya namamahiya ng mga ka-empleyado at ibang tao. Mas lalo pa ngang dumating ang swerte, nagparamdam nang muli ang dati niyang mga kaibigan. Nagsunod-sunod na rin ang mga umaakyat ng ligaw sa kaniya hanggang sa dumating ang lalaki si Lawrence.

“Shenna, jackpot ka na riyan kay Lawrence! Mayaman, mabait at pat*y na pat*y sa’yo! Sagutin mo na ‘yan!” pahayag sa kaniya ni Cedric.

“Naku, mumsh! Nagpropose na nga sa’kin!” rebelasyon naman ni Shenna.

“Siyempre nag-yes ako! Kasi parehas na kaming wala sa kalendaryo, tapos siya naman magkwa-kwarenta na. Ito na ‘yun!” dagdag pa ng babae at sabay silang nagtatalon sa tuwa. Talon, tili at yakapan.

“Sabi sa’yo magaling ‘yung manghuhula ‘di ba!” pahayag ni Cedric sa babae at tumango naman si Shenna bilang pagsang-ayon sa kaniyang katrabaho.

Mabilis lamang ang mga sumunod na pangyayari, sa edad na 35 anyos ay ikinasal si Shenna sa kaniyang nobyong si Lawrence. Nagkaroon sila ng anak at naging masayang pamilya.

“Happy 38th birthday, mumsh! Masayang-masaya ako para sa’yo, sobrang dumadaloy at nangyayari ang lahat ayon sa plano at dasal mo,” bati sa kaniya ni Cedric.

Sasagot pa sana ni Shenna ngunit nabitiwan niya ang baso ng kaniyang kape sa lalaking nakita.

Advertisement

“Happy birthday, Shenna,” bati ni Marco, ang unang nobyo ng babae. Ang first love ni Shenna, ang unang lalaking nagpatibok ng puso niya.

“Alam kong ilang taon akong nawala, pero sana hindi pa ako huli. Mahal na mahal pa rin kita, Shenna,” dagdag pa ng lalaki at mabilis siyang niyakap nito.

Hindi malaman ng babae kung ano ang dapat niyang gawin dahil hindi niya maitago sa sarili na mahal na mahal pa rin niya si Marco.

Kaya naman nagmamadali siyang pumunta sa manghuhula para itanong kung sino ang pipiliin niya.

“Ate, naalala mo pa ako?” tanong ni Shenna sa manghuhula.

“Oo naman! Dumating na iyong the one pero ikaw ay may mahal nang iba. Ikaw hindi antay 38th birthday mo kaya ikaw problema ngayon!” sagot sa kaniya agad ng manghuhula.

“Anong gagawin ko? May pamilya na ako, may anak kami, mahal ko si Lawrence at ang pamilya ko pero mahal na mahal ko pa rin si Marco,” umiiyak na pahayag ni Shenna rito.

“Alam mo kayo mga customer ko, gusto niyo kami sabi ano gagawin niyo. E kami manghuhula sabi lang naman aming nakikita, nasa inyo pa rin ‘yan kung ano susundin niyo! Kung sabihin kong iwan mo sila dalawa para ikaw wala problema, gagawin mo? ‘Di ba hindi? Kaya ikaw, ‘wag punta rito para iyak. Kasi laki ka na, alam mo na tama at mali,” sagot ng manghuhula sa kaniya.

Advertisement

Saglit na napahinto sa pag-iyak si Shenna at naisip na tama ang matanda. Bakit nga ba niya inaasa sa manghuhula ang magiging kinabukasan ng pamilya niya. Ngayon din niya naramdaman na hindi niya mahal si Marco, mahal niya ang ideyang binalikan siya ng lalaki ngunit hindi ito sapat para masira ang pamilyang idinasal niya sa Maykapal.

Kaya naman, ngayon ay malinaw na sa kaniya ang lahat. Hindi the one si Marco, kung ‘di siya ang malaking pagsubok para mapatunayan niya lalo sa Panginoon na iingatan niya ang pamilya niya ngayon.