Umiiyak na naman si Keenah sa kaniyang kwarto nang maabutan siya ng kaniyang Kuya Roland. Nakatitig siya sa salamin at hinihimas-himas ang kaniyang mukha. Tinatanong niya ang sarili kung ano ba talaga ang mali sa kaniya.
“Oh, bunso, anoʼng problema? May umaway ba sa ʼyo?” tanong ng kaniyang Kuya Roland. Agad namang umiling ang dalaga bilang tugon sa tanong ng kapatid.
“Oh, e, bakit malungkot ang bunso ko?” Inakbayan siya ng kaniyang Kuya Roland. Humilig naman si Keenah sa balikat nito upang makaramdam ng ginhawa.
“Kuya, bakit ganiyan kayong mga lalaki? Lahat ba talaga kayo, pa-fall?” maluha-luhang tanong ni Keenah sa kapatid.
“Hindi, ah! Grabe ka naman. Bakit mo naman natanong ʼyan? Iniwan ka ba ng boyfriend mo?” tatawa-tawang tanong pa ng kaniyang Kuya Roland.
“Iyon na nga ang masaklap, kuya, e! Hindi ko pa nagiging boyfriend, iniiwan na ako!” lalo pang iyak ni Keenah na maya-maya pa ay nauwi na sa paghagulgol.
“E, kaya naman pala, e! Kapatid, kapag walang label ang relasyon ninyo ng isang lalaki, ibig sabihin, past time ka lang noʼn. Huwag mong sanayin ang sarili mo sa mga lalaking hindi ka kayang bigyan ng assurance umpisa pa lang. Dahil magugulo ang utak ng mga iyon,” paliwanag naman ng Kuya Roland ni Keenah.
“E, bakit naman, kuya? Bakit ba sila nanliligaw kung magugulo pala ang utak nila? Isa pa, bakit ayaw nila sa akin? Pangit ba ako, kuya?” mariing tanong ng dalaga.
“Maraming dahilan, bunso. Ang lalaki, nanliligaw, una, dahil gusto nila ang babae. Pangalawa, dahil mahal nila ito. Maaaring gusto ka nila kasi, maganda ka o dahil alam nilang madali kang bumigay. Maaari ding mahalin ka nila, pero later on ay iwan ka dahil may ugali kang hindi nila kayang tagalan. Nasakal, hindi pa ready, may ibang putaheng gustong tikman. Ganiyan ang mga lalaking immature pa, katulad ng mga lalaking madalas mong piliin dahil guwapo, sikat at may pera.” Napangiwi si Keenah sa tinuran ng kapatid.
“Grabe ka naman sa akin, Kuya Roland! Ganiyan ba talaga ako?” mangiyak-ngiyak niyang tanong.
“Oo. Realtalk lang ʼyan kapatid. Madalas kang saktan ng mga lalaking nagugustuhan mo, dahil madali kang bumigay, maganda ka at kamahal-mahal. Hindi ka pangit, gaya ng iniisip mo. Iyon nga lang, bunso, immature ka pa. Sobrang immature to the point na nakakasakal ka na. Nakakainis ang ugali mong may pagka-spoiled brat,” saad pa ng kaniyang kuya na tuluyan nang nakapagpaiyak kay Keenah.
“I hate you, kuya!” hiyaw niya sabay palo sa dibdib nito. Akma sana siyang aalis mula sa pagkakahilig sa braso ng kapatid nang bigla siyang hapitin nito.
“Bunso, Iʼm telling you this, para maaga mong ma-realize kung ano ang dapat mong baguhin, to be a better person in the future. Kaysa naman sa ibang tao ʼto manggaling, ʼdi ba? Mas masakit ʼyon. Isa pa, lahat naman ng sinasabi ko sa ʼyo ay may dahilan… bunso, immature ka pa kasi bata ka pa. Wala namang batang mature agad pagkapanganak. Lahat, dumadaan sa pagiging immature. Nagkakatalo na lang iyan sa kung gaano mo kabilis mababago ang mga maling desisyong nagawa mo. Nandito ako, pati na rin sina mommy at daddy. Gagabayan ka namin.”
Tuloy-tuloy pa rin ang luhang umaagos mula sa mga mata ni Keenah, ngunit hindi na iyon dahil sa kaniyang kalungkutan, kundi dahil sa reyalisasyong kaniyang napagtanto nang mga oras na ito.
“Thank you, kuya!” Niyapos ni Keenah ang kaniyang Kuya Roland.
“Isa pa, Bunso, siguraduhin mong dadalhin mo muna sa akin ang manliligaw mo para naman hindi ka nagkakamali ng pili. Saka, maging matalino ka. Huwag kang basta madala sa mabubulaklak na salita. Alam kong iba na ang mga kabataan ngayon, pero gusto kong malaman mong malaki ang tiwala ko sa ʼyo na kailanman ay hindi ka gagawa ng mga bagay na pagsisisihan mo rin sa huli. Magkaganoon pa man, alam mong hindi kita kayang tiisin… ikaw kaya ang baby ko!”
Nang sulyapan niya ang kaniyang kuya ay may namumuo na ring luha sa mga mata nito. Talagang mahal na mahal siya ng kapatid at ipinangako niya sa sarili na hindi niya ito bibiguin, anu man ang mangyari. Kailanman ay hindi niya sisirain ang malaking tiwala nito at ng kanilang mga magulang. Sila pa rin ang pinakamahalaga, kaysa sa pagbo-boyfriend nang maaga.