Sagad sa Porma
“Hoy, ayan si Moises, oh! Ang gwapo niya, ʼno?”
“Oo nga. Astig pa. Tingnan mo ʼyong abs, sis!”
Dinig ni Moises ang tila kinikilig na pag-uusap ng mga babaeng nadaraanan niya sa hallway ng kanilang building. Taas noo siyang naglalakad na parang isang artista habang hahagod-hagod sa buhok niyang tinadtad niya ng hair gel kanina. Lalong nagmataas ang kaniyang confidence nang makitang nagtatabihan ang mga kapwa niya estudyante ng senior highschool na iyon, tanda na ang mga ito ay natatakot sa kaniyang presensiya.
“Hoy, punggok! Huwag ka ngang hahara-harang sa dinaraanan ko! Baka gusto mong sipain kita riyan?” maangas na sabi ni Moises sa isang napadaang kapwa binatilyo.
“P-pasensiya na, Moises!” sagot naman nito na tila natatakot sa kaniya. “P-paborito ko kasi ang daanang ʼto. Mas malapit kasi ʼto sa class room ko, e.”
“Lumayas ka na rito. Sa susunod, sisipain na kita!”
Maraming estudyante ang nangingilag sa kaniya, dahil sa ganoong akto niya. Madalas kasi ay iyong maliliit ang kaniyang pinupuntirya at ginagamit niyang panakot ang kaniyang katangkaran. Bukod doon ay laman din siya ng gym upang mas magkaroon ng nakatatakot na aura para lang makapagyabang at makapang-apak ng mga taong alam niyang walang laban sa kaniya.
Kasama sa pribilehiyo ng pagkakaroon niya ng ganoong reputasyon ay ang kabi-kabilang babaeng nagkakandarapa sa kaniya. Lahat ng mga ito ay handang ibaba ang mga sarili para lang makuha ang kaniyang atensyon. Tuwang-tuwa naman si mokong sa ganoong pang-araw-araw na sitwasyon… ang hindi niya alam ay may nakakahiyang karmang darating sa kaniya sa mga susunod lamang na araw.
Naglalakad noon si Moises sa kanilang school premises. Sagad sa porma, suot pa ang kaniyang mamahaling shades at tulad ng dati ay animo ito sigang naghahari-harian sa eskuwela. Maalalang iyon ang paboritong daan ng kaeskuwela ni Moises na noon ay tinawag nitong punggok. Nang araw na iyon ay namataan na naman ni Moises ang binatilyo kaya naman nanggagalaiti niya itong nilapitan.
Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, handa nang lumaban ang lalaking iyon sa kaniya. Hindi man pisikalan, ngunit utakan. Nag-research ito nang mabuti tungkol kay Moises at may isang kahinaan itong nakita sa binata…
“Moises, hindi baʼt takot ka sa ipis at palaka?” nakangising tanong ng binatilyo sa kaniya. Napakunot-noo naman si Moises sa narinig.
“Oh, bakit, papalag ka na ba?” agad niyang tanong.
Ibubukas pa sana ni Moises ang kaniyang bibig upang magsalita nang biglang may ihagis ang binatilyo sa kaniya. Huli na nang mapag-alaman niyang mga palaka at ipis pala ang laman ng garapong unti-unting bumagsak at nabasag sa kaniyang harapan!
Tatakbo ang binatang si Moises, habang nagsisisigaw ng, “Mommy, help! Mommy ko!”
Nasaksihan ng buong eskuwelahan ang pangyayari at karamihan ay hindi napigilang mapahalakhak sa kaniyang sinapit!
“Iyan ba ang sigang kinatatakutan ng eskuwelahang ito? Dahil lang sa palaka, sumisigaw ng mommy?”
Hagalpakan ang mga estudyanteng nakapalibot kay Moises. Tawang-tawa sa nakitang pangyayari sa binata, habang nakatikwas pa ang mga daliri na animo diring-diri sa mga naturang insekto!
Umuwing umiiyak si Moises. Sa isang iglap ay nabura ang lahat ng kaniyang pinaghirapan. Bumagsak ang reputasyon niyang siga sa eskuwelahan. Mula nang araw na iyon ay binansahan siyang “Sigang Sagad Sa Porma” na talaga namang nakahihiya sa tuwing maririnig niya. Matapos ang pagkapahiya niyang iyon ay ni hindi na siya makapasok sa eskuwela nang walang kinatatakutan at taas noong naglalakad.
“Ganito pala ang pakiramdam ng mga taong inapi ko noon,” isang reyalisasyong nasambit niya sa sarili na iiling-iling. Ngayon niya nararanasan ang mga ginawa niya noon.
Sa katagalan ay minabuti na lamang ni Moises na lumipat ng ibang eskuwelahan, dala ang aral na kaniyang natutunan sa inalisang nakaraan. Ipinangako niya sa sarili na kahit kailan ay hindi na niya uulitin pa ang mga dating gawaing siya niyang ikinapahamak. Bukod doon ay hindi niya rin kinaligtaang hingian ng tawad ang ilan sa mga taong nagawan niya ng kasalbahihan.
Hindi nasusukat sa laki ng katawan o sa pagiging siga ang katapangan o ang pagiging magaling na lalaki. Madalas, mas mahalaga pa rin ang ugali at ang pagiging marunong makipagkapwa-tao ng kahit sino. Huwag tayong magpadala sa kasikatan at huwag tayong gumawa ng mga bagay na ikapapahamak natin. Tayo lang din naman kasi ang magsisisi at tayo lang ang magbabayad ng bawat kasalanan natin sa huli.