Habang May Buhay, Maaari Pang Magbago
Matapos ang ilang buwang gamutan simula nang mapasok sa rehab, sa wakas ay makalalabas na rin ang bunsong anak ni Aling Merlinda na si Greg. Naging mabilis umano ang recovery nito simula nang magumon sa alak at ipinagbabawal na gamot. Balita sa kaniya ng tagapangalaga nito, naging participative naman si Greg.
Sinundo nila ng kaniyang asawang si Mang Dencio ang bunso. Pagdating sa bahay, sinalubong sila ng panganay nilang anak na si Abel.
“O nandito na pala ang paboritong anak. Sana naman ayusin na ang buhay para hindi nasasayang ang pera…”
“Abel…” saway ni Aling Merlinda sa panganay na anak. 24 na taong gulang si Abel at nagtatrabaho sa isang BPO company sa Taguig.
“Mabuti pa’y kumain na tayo. Greg, anak, alam kong gutom ka, kaya kumain na tayo,” aya ni Mang Dencio sa kaniyang mag-anak.
“Hindi na po ako sasabay. May biglaan po akong lakad,” paalam ni Abel sa kaniyang mga magulang. Nagmano siya sa dalawang matanda at ni hindi man lamang tinapunan ng tingin ang napariwarang kapatid na nagbagong-buhay na. Tuloy-tuloy siyang lumabas ng bahay.
“Anak, halika na’t kumain ka. Malaki ang ipinayat mo sa rehab. Ipinagluto ka namin ng mga paborito mo,” nakangiting sabi ni Aling Merlinda. Inutusan niya ang kasambahay na ihanda na ang mesa at ihain na ang mga niluto ni Aling Merlinda. Caldereta at ginataang garbansos ang paborito ni Greg.
Habang sila ay kumakain, sila ay nag-usap. Mapapansing hindi masyadong kumikibo si Greg.
“Masaya kami ng tatay mo anak dahil tinalikuran mo na ang pagpapakalulong sa alak at ipinagbabawal na gamot. Wala kang kalalagyan sa mga iyan anak,” sabi ni Aling Merlinda kay Greg. Ngumiti lamang si Greg at ipinagpatuloy ang tahimik na pagkain.
“Anong balak mo ngayon Greg? Gusto mo bang mag-aral? Gusto mo bang magtrabaho? Negosyo? Sabihin mo lang at susuportahan ka namin,” turan ni Mang Dencio sa bunsong anak.
“Sa ngayon po gusto ko munang magpahinga,” matipid na tugon ni Greg.
Napalaki sa layaw nina Mang Dencio at Aling Merlinda ang kanilang bunsong anak na si Greg. Lahat ng mga maibigan nito noong bata pa lamang ito ay agad nilang ibinibigay. Kabaligtaran naman sa kanilang panganay na anak na si Abel na naging mahigpit sila. Katuwiran kasi nila, si Abel ang panganay na anak at siyang magiging kahalili nila kung sakaling sila ay mawawala bilang mga magulang.
Nagsimulang mapariwara ang buhay ni Greg nang mangibang bansa si Mang Dencio. Dahil maraming pera, napabarkada si Greg sa mga maling tao. Sila ang nagturo sa kaniya kung paano uminom at gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Lumipas ang isang buwan. Napansin ni Aling Merlinda na laging umaalis tuwing madaling-araw si Greg, may dalang bag. Hindi niya ito pinansin. Sa tuwing tinatanong siya nina Aling Merlinda at Mang Dencio ay ayaw magsalita ni Greg. Kinutuban si Aling Merlinda.
“Dencio, mukhang may ginagawa na namang kakaiba ang anak natin. Mabuti pa, sundan natin minsan kung saan iyan nagpupunta tuwing madaling-araw,” sabi ni Aling Merlinda.
Lalong naghinala si Aling Merlinda sa ginagawa ng anak na inililihim nito dahil sa isang malaking kutsilyo na lagi nitong bitbit sa loob ng bag nito. Napapansin din niyang may bahid ng dugo ang mga damit nito.
Hindi na nakatiis si Aling Merlinda. Sinundan niya si Greg nang muli itong umalis. Kung ano-ano nang pumapasok sa kaniyang isipan. Posible bang gumagawa ng krimen ang kaniyang anak? Kung mapatunayan man niya ito, siya na mismo ang magpapakulong sa anak. Gusto niyang maituwid ang buhay nito.
At natuklasan ni Aling Merlinda ang tunay na ginagawa ni Greg. Isa pala itong matador sa palengke! Si Greg ay namasukan bilang taga-katay ng mga baka at baboy, at siyang naghihiwa ng mga karne nito upang maitinda sa palengke.
“Gusto ko pong makabawi sa inyo. Gusto ko pong magbagong-buhay. Sana po hayaan ninyo akong makabawi sa inyo, lalo na po sa paraang alam ko. Marami pong nasayang na mga pagkakataon dahil naligaw ako ng landas,” pagpapaliwanag ni Greg.
Niyakap siya nina Mang Dencio at Aling Merlinda.
“Oo naman, anak. Nakasuporta kami sa iyo. Gawin mo lamang ang tama at kung ano ang nararapat.”
Ipinagpatuloy ni Greg ang pagtatrabaho. Lumambot na rin ang puso ni Abel para sa kapatid kaya pinatawad na niya ito. Nakaipon ng sapat na pera si Greg mula sa pagtatrabaho at ipinasyang mag-aral hanggang siya ay nakatapos. Dahil Business Management ang kaniyang kinuhang kurso, minabuti niyang magtayo ng isang meat shop matapos makaipon mula sa pagtatrabaho sa isang magandang kompanya.
Pinatunayan ni Greg na ang lahat ng tao ay may kakayahang magbago. Habang may buhay, may pag-asa.