Kasintahan o Kasikatan?

Nagpalinga-linga muna si Tristan sa kaniyang paligid at tiniyak na walang reporter o mga tagahanga sa kaniyang paligid bago siya nagtungo sa malaking van na kulay pula. Marahan siyang kumatok sa bintana nito. Bumukas ang pinto ng sasakyan at pumasok siya sa loob.

“Pasensya na babe, kailangan ko lang makasiguro na walang reporter o press people bago ako magpunta rito,” pagpapaumanhin ni Tristan sa kaniyang kasintahang sikat na artista na si Cassey Aragon. Si Cassey Aragon ay isa sa mga pinakasikat na young actress ngayon sa industriya ng showbiz, katambal ang sikat na aktor na si Edgar Lopez.

“Okay lang. Kumusta ka? Namiss kita. Pasensya na rin. Kaliwa’t kanan ang projects at tapings. Halos wala na akong pahinga,” paglalambing ni Cassey sa kaniyang kasintahan. Hinaplos-haplos niya ang gwapo at makinis nitong mukha.

Palihim lamang kung magkita sina Tristan at Cassey. Isang non-showbiz guy si Tristan na nagtatrabaho bilang junior manager sa isang bangko. Bago pa man sumikat nang husto si Cassey mula sa pagiging ekstra nito ay magkasintahan na sila. Lalong nag-boom ang showbiz career ni Cassey nang makatambal sa isang pelikula si Edgar kaya nabuo ang tambalang “Edssey”.

Bahagi ng kontrata ni Cassey ang pagbabawal sa kaniya na makipagrelasyon sa iba, lalo’t binibuild-up ng network na kaniyang kinabibilangan ang kaniyang career na may katambal. Kaya ingat na ingat sila ni Tristan sa tuwing sila ay nagkikita.

“Hanggang kailan tayo ganito, Cassey? Kailan ko pwedeng ipagsigawan na akin ka?” tanong ni Tristan sa nobya. Kitang-kita sa mga mata ni Tristan ang desperasyong makasama nang matagal si Cassey at hindi kailangang magkubli.

“Babe, sana maintindihan mo itong sitwasyon ko ngayon. Alam mo naman ang hirap na pinagdaanan ko makuha ko lang ang stardom na hinahangad ko. Matagal na rin akong lumalabas na ekstra, pero heto na ang chance kaya grab the opportunity! Nauunawaan mo naman ako, ‘di ba?” panunuyo ni Cassey sa nobyo.

“Pero hindi ko maiwasang hindi magselos kay Edgar kapag nakikita kong magkahawak kayo ng kamay, o kaya kapag hinahalikan ka niya sa pisngi. Dapat ako ang gumagawa noon.”

Advertisement

“On-screen lang iyon babe. Ikaw lang ang mahal ko. Kailangan naming gawin iyon for publicity. Kami ang isa sa mga front liners ng network ngayon at ayaw naming biguin ang management. Marami silang plano sa amin ni Edgar. Teleserye, pelikula, shows abroad. Ayaw kong masayang ang lahat. Para naman sa future natin ito, babe, paliwanag ni Cassey.

“Naiintindihan ko naman babe kaya buo ang suporta ko sa iyo. Galingan mo pang lalo. Alam kong pangarap mo iyan kaya nasa likod mo lang ako. Ako ang number one fan mo. Basta ipangako mo sa akin na hindi ka madadala sa mga eksena ninyo at ginagawa for publicity ni Edgar ah?” bilin ni Tristan. Isang banayad na halik ang iginawad ni Tristan kay Cassey bago siya tuluyang nagpaalam.

Lalong naging abala si Cassey sa kaniyang mga showbiz commitments. Minsan, hindi na niya nagagawang tumugon sa mga text o chat, maging sa mga tawag ni Tristan. Bawal daw at baka mahalata ng manager niya. Nagkasya na lamang si Tristan sa panonood sa mga TV guestings ni Cassey kasama ang katambal na si Edgar.

Hanggang sa isang araw, nagulat ang daigdig ng showbiz nang umamin si Edgar na may nililigawan niya si Cassey. Kinumpirma naman ito ng aktres kaya naman tuwang-tuwa ang mga tagahanga ng tambalang Edssey.

Hindi ito matanggap ni Tristan. Hindi sumasagot sa kaniyang mga text at tawag ang kasintahan. Minabuti niyang puntahan ito sa condo nito sa Ortigas. Wala ito at nasa network daw. Lakas-loob na tinungo ni Edgar ang network na pinaglilingkuran ni Cassey.

“May I know kung saan po matatagpuan si Cassey Aragon?” tanong niya sa isang tila masungit na staff.

“Sino ka ba?” tiningnan siya mula ulo hanggang paa ng masungit na staff.

“I’m Tristan… I’m his… I’m his…” hindi masambit ni Tristan ang totoo. Natatakot siyang masira ang karera ng nobya kapag binanggit niyang siya ang tunay na nobyo nito.

Advertisement

“Tagahanga ka ba niya? Bawal istorbohin si Ms. Cassey. Kasama niya ngayon si Edgar, nagla-line reading sila. Mamaya ka na,” taboy sa kaniya ng staff.

Walang nagawa si Edgar kundi lumabas ng network. Naisip niyang tumambay sa sasakyan ni Cassey na nasa parking. Matiyaga niya itong hinintay. Dahil kilala naman siya ng driver nito, pinapasok siya sa loob.

Sa wakas ay dumating na rin si Cassey. Mabuti na lamang at hindi nito kasama ang manager nito at ang personal assistant. Nagulat ito nang makita si Edgar sa loob ng kaniyang kotse. Pinaalis muna saglit ni Cassey ang kaniyang personal driver.

“Totoo ba ang sinabi ni Edgar na nililigawan ka niya?” tanong ni Tristan sa nobya. Yumuko si Cassey.

“Kailangan naming gawin iyon para sa promotion ng upcoming teleserye namin. Tristan, I think we have to stop this na. Busy na tayo pare-pareho at wala na tayong time para sa isa’t isa. Iba na ang mundo natin. Sikat ako, at tiyak na hindi na ako makakalimutan ng mga tao kahit na talikuran ko pa ang mundong ito. Maghiwalay na tayo. Hindi mo ako deserve… ambisyosa ako,” naluluhang sabi ni Cassey.

Walang nagawa si Tristan kundi ang umuwing luhaan. Masakit ang mga nangyari sa kaniya lalo’t alam niyang hindi siya ipinaglaban ng kasintahan.

Matapos ang ikatlong araw ng kanilang hiwalayan, nagulat si Tristan sa hindi inaasahang panauhin: si Cassey.

“Anong ginagawa mo rito, Cassey? Baka may makakita sa iyong reporter…” tanong ni Tristan kay Cassey.

Advertisement

“I’m sorry sa nagawa ko sa iyo, Tristan. Pinag-isipan ko ito nang matagal. Hindi ko kayang mawala ka sa akin. Naranasan ko na ang maging sikat. Masarap sa pakiramdam na maraming nakakakilala at tumitingala, pero malungkot dahil nabubuhay ako sa isang mundong hindi totoo. Mahal na mahal kita. Handa kong iwan ang kasikatan ko pero hindi ang isang katulad mo,” umiiyak na sabi ni Cassey at niyakap ang kaniyang nobyo.

Simula noon, ipinagmalaki ni Cassey na siya ay may non-showbiz boyfriend at trabaho lamang ang mayroon sa kanila ni Edgar. Natanggap naman ito ng mga tagahanga lalo pa’t mahusay naman talagang umarte si Cassey bilang aktres. Hindi na inalintana ni Cassey ang mga pambabatikos sa kaniya sa social media dahil sa kaniyang pag-amin; mawala man ang kasikatan niya, kasama naman niya ang lalaking pinakamamahal niya.