Tinitigang maigi ni Rochelle ang lumang mansyon na pamana ng kanilang Lola Guada sa kaniyang mga magulang, na pareho na ring yumao. Kasama ni Rochelle ang kaniyang dalawang kapatid na sina Ricky at Reina.
“Dito ba tayo titira, ate?” tanong ni Ricky sa kaniyang ate.
“Nakakatakot po… parang haunted house,” komento naman ni Reina.
Hindi niya masisisi ang mga kapatid. Panahon pa raw ng mga Kastila nang mabuo ang naturang masyon. Malaki ito, at ilang beses na raw na naging shooting place ng mga pelikulang horror.
“Oo. Sayang naman kasi kung hindi matitirhan,” sabi ni Rochelle sa kaniyang mga kapatid. Pero ang balak niya, ibenta na lamang ito upang magamit ang mapagbibilhan sa pagpapaaral sa kaniyang mga kapatid.
Pumasok sila sa loob ng bahay. Maganda ang loob ng mansyon kahit na luma na ito. Makikita ang iba’t ibang mga antigong kasangkapan na pagmamay-ari ng kanilang Lola Guada. Parang may buhay ang mga larawan at pinta na nakasabit sa mga dingding. Malaki ang hagdanan na para bang inaakyatan ng mga hari at reyna sa mga palasyo.
Hindi maiwasan ng magkakapatid ang pangalisagan ng balahibo sa nakatatakot na anyo ng mansyon. Napahiyaw pa si Reina nang biglang may magsalita sa kanilang likuran.
“Maligayang pagdating sa mansyon ni Nyora Guada!” nakangiting bati ng katiwalang si Mang Nestor. Ito na ang tagapangalaga ng mansyon simula nang yumao ang kanilang lola.
Dinala sila ni Mang Nestor sa komedor kung saan nagpahanda ito ng masasarap na pagkain. Naroon ang asawa nitong kusinera na si Aling Nerveza. Matapos ang pagkain ng tanghalian, sinamahan ni Mang Nestor ang tatlo sa kani-kanilang mga magiging silid. Dahil natatakot pa sina Ricky at Reina, ipinasya nilang sumama na lamang sa silid ni Rochelle.
“Anong balak mo sa mansyon?” tanong ni Mang Nestor kay Rochelle.
“Balak ko pong tirhan muna. Sayang po eh. Pwede rin pong i-renovate ito. O kaya po, ibenta na lamang. Para po sa educational plan nina Ricky at Reina,” sagot ni Rochelle.
Hindi sumagot si Mang Nestor. Nagpaalam na ito dahil may gagawin pa raw.
Nagtimpla naman ng kape si Rochelle at nagtungo sa terasa ng mansyon. Tinanaw niya ang malawak na lupain ng kaniyang Lola Guada. Tinanaw niya ang langit: may dalawang nakasilip na mga bituin. Inisip niyang nakatanaw sa kaniya ang mga magulang. Hindi niya alam ang magiging kinabukasan nilang magkakapatid, ngunit iisa lamang ang tiyak: hindi niya pababayaan sina Ricky at Reina.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Rochelle nang magulat siya sa nagtatatakbo at nagsisisigaw na sina Ricky at Reina.
“Ate! Ate! Nakakita kami ng multo. Sumisilip sa bintana. Nasa kurtina,” takot na takot na turo ni Reina sa kurtina. Sinilip ni Rochelle ang itinurong kurtina ni Reina. Walang tao roon. Kinalma niya ang mga kapatid.
“Baka guni-guni lang iyon. Huwag kayong matakot,” pag-aalo ni Rochelle sa mga kapatid.
“Kitang-kita po namin ang lahat ate! Nakakatakot po. Ayoko na po rito. Let’s go back to Manila,” sabi ni Ricky sa kaniyang ate.
“Calm down, Ricky. Mabuti pa matulog na tayo,” aya ni Rochelle sa kaniyang mga kapatid. Umakyat na nga sila sa silid upang matulog. Ilang minuto lamang at mahimbing nang nakatulog sina Ricky at Reina.
Malapit na ring mahimbing si Rochelle nang gisingin siya ng tatlong mahihinang katok sa pinto. Pupungas-pungas na bumangon siya upang pagbuksan ito. Baka sina Mang Nestor o kaya si Aling Nerveza. Ngunit napatda siya dahil walang tao sa likod ng pinto.
Babalik na sana sa loob si Rochelle nang makarinig ng mga yabag sa hagdanan. Tuluyan na siyang lumabas nang silid upang tingnan kung sino ang naglalakad. Sinilip niya ang malaking hagdanan. Walang tao. Bumaba siya upang silipin ang sala. Wala pa ring tao.
Nanlaki ang mga mata ni Rochelle nang walang ano-ano’y isang tila taong nakaputi ang nakita niya sa likod ng kurtinang itinuturo kanina ni Reina. Nangalisag ang mga balahibo ni Rochelle.
Ngunit pinaglabanan ni Rochelle ang kaniyang takot. Pinuntahan niya ang taong nakaputi. Para naman itong natakot at aalis din ngunit natisod ang isang isang babasaging banga. Nabasag ang banga. Natiyak ni Rochelle na tao ito at hindi multo. Dinaklot ni Rochelle ang taong nakaputi at nagulat siya dahil puting kumot lamang pala ito. Mas nagulat siya sa taong nagpapanggap na multo.
“Mang Nestor?” gulat na sabi ni Rochelle. Bumaba rin sina Ricky at Reina at lumabas si Aling Nerveza.
“Bakit ninyo ginagawa ang pananakot na ito?” tanong ni Rochelle.
“Dahil gusto kong umalis kayo rito… sa amin ang bahay na ito. Kami ang nanilbihan nang matagal kay Nyora Guada kaya nararapat lamang na sa amin maiwan ang mansyon na ito!” galit na sabi ni Mang Nestor. Inilabas nito ang baril at itinutok sa magkakapatid. Yumakap naman sina Ricky at Reina sa kanilang ate.
“Maawa po kayo, Mang Nestor. Ibibigay namin sa inyo ang mansyon huwag ninyo lamang kaming saktan,” pakiusap ni Rochelle sa matanda. Nanlilisik ang mga mata nito.
Walang ano-ano’y gumalaw ang chandelier na nasa tapat ng malaking larawan ni Lola Guada. Nasa tapat nito si Mang Nestor. Sa hindi malamang kadahilanan ay bumagsak ito sa kinalalagyan ng matanda. Duguan ang mukha ni Mang Nestor. Agad itong dinaluhan ng asawang si Aling Nerveza.
Naitakbo sa ospital si Mang Nestor. Pinatawad ito ni Rochelle kapalit ang kasunduan na magpapakalayo-layo na ito sa kanilang magkakapatid. Pina-blotter niya ito sa barangay upang hindi na makapanggulo pa.
Sa harap ng larawan ng kanilang Lola Guada, nag-alay ng panalangin ang magkakapatid. Iniligtas sila nito. Ipinasya ni Rochelle na iparenovate ang mansyon at huwag ibenta dahil alaala ito ng kanilang pinakamamahal na lola.