Inday TrendingInday Trending
Babaeng Wala ni Katiting na Pasensya

Babaeng Wala ni Katiting na Pasensya

“Hoy, Selina! Halika na, sakay na tayo doon sa jeep na naghihintay!” sambit ni Dina sa kaniyang kaibigang mabagal na naglalakad, labis na kasi siyang nagmamadali, ayaw na niyang mahuli sa trabaho.

“Ayoko d’yan! Nakakainis yung drayber na ‘yan!” pagtanggi ni Selina saka naupo sa isang waiting shed.

“Ano ba ‘yan, pati ba naman drayber ng jeep, hayaan mo na! Mahuhuli na tayo sa trabaho!” pangungumbinsi pa ng kaniyang kaibigan, bakas na sa mukha nito ang bahagyang pagkainis sa kaniya.

“Ayoko kasi d’yan, eh. Nakasagutan ko ‘yan noong isang beses! Sumisigaw na ako ng para, dire-diretso pa rin siya, edi mas nilaksan ko ang boses ko, aba ang sabi sa akin, maghintay raw ako? Ayun binungangaan ko siya!” kwento niya na talaga nga namang nakapagpakunot sa noo ng kaniyang kaibigan.

“Ano ka ba naman, kita mo namang matanda na ‘yun, eh. Hindi ka pa nagpasensya!” sigaw nito sa kaniya habang patuloy siyang hinihila.

“Ang layo layo kaya nang nilakad ko no’n dahil sa pagkabingi niya!” depensa pa rin niya, tila ayaw niya talagang dito sumakay dahilan upang sumuko ang kaniyang kaibigan sa pagpilit sa kaniya.

“Hay naku, kung ayaw mo sumakay, mauuna na ako! Bahala kang mahuli d’yan, ayoko nang mabawasan sweldo ko!” sambit nito sabay lakad patungo sa naturang jeep, napaisip naman siya na tila mahuhuli nga siya kung sakaling hindi pa siya sumakay rito. Kaya kahit pa ayaw niya, sumunod na rin siya sa kaniyang kaibigan.

Kilala bilang isang dalagang kulang sa pasensya si Selina. Sabi ng kaniyang ina, marahil daw kaya wala itong nobyo at mahirap makuha sa trabaho ay dahil katiting lang ang pasensiyang mayroon ito. Swerte na kapag nagtiis itong maghintay o makipag-usap nang hindi ka sinisigawan.

Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang kaibigan na walang sawang umuunawa sa kaniya. Palagi siya nitong sinasabihan na dagdagan ang pasensya ngunit palagi niya itong hindi iniintindi.

Ngunit tila bahagyang sumuko sa kaniya noong araw na ‘yon ang kaniyang kaibigan. Mahuhuli na kasi sila sa trabaho, ayaw niya pang sumakay sa jeep dahil lamang sa rasong ayaw niya sa drayber. Tila wala kasing pinapalampas na tao ang dalaga kapag inis na ang dumapo sa kaniya.

Pagkasakay sa jeep ng dalaga, wala pang isang minuto ay agad na itong pinaandar ng drayber dahilan upang bahagyang mapangiti ang dalaga. ‘Ika niya sa sarili, “Salamat naman at hindi na pinuno ang jeep!”

Ilang minuto ang nakalipas, malapit nang bumaba ang magkaibigan. Agad nang inayos ni Selina ang sarili at kaniyang mga gamit. Nang malapit na sa lugar na bababaan nila, agad siyang sumigaw, “Para po!” ngunit tila hindi na naman ito narinig ng drayber kaya naman inulit niya muli ito, “Manong, para po!” pero hindi pa rin siya iniintindi. Halos dalawang kanto na ang kanilang nalagpasan at hindi pa rin tumitigil ang jeep, dahilan upang lapitan na niya ang drayber at sigawan ito sa tainga, “Sabi ko ho, para na ho!” ngunit tila nagimbal siya nang lumingon ito sa kaniya.

Wala itong tainga at pulang-pula ang mga mata, ang tanging sinabi lang nito sa kaniya, “Maupo ka! Matuto kang maghintay!” dahilan upang unti-unti siyang maupo sa takot. Labis niya ring ikinagulat dahil wala na ang mga pasaherong kanina lang ay nasa tabi niya, pati na rin ang kaniyang kaibigan, wala na. Mangiyakngiyak na siya sa takot, ngunit kahit pa puno na ng takot, nilaksan niya pa rin ang loob saka nagtanong sa drayber, “Manong saan mo ako dadalhin?”

“Ang sabi ko sa’yo, maghintay ka! Huwag kang atat!” bulyaw pa nito sa kaniya, “Kung hindi ka marunong magpasensya, mas lalong wala akong pasensya! Tumahimik ka d’yan kung gusto mo pang mabuhay! Biyaheng impyerno ito, kung saan nababagay ang mga katulad mo!” dagdag pa nito na labis na nakapagpaiyak sa dalaga. Halos humagulgol na siya sa pagsisisi. Labis siyang nagmakaawa sa drayber kahit pa takot na takot na siya sa itsura nito.

“Patawarin mo ako, patawad, parang awa mo na,” iyak niya, nagulat naman siyang pagdilat niya, nakatingin lahat sa kaniya ang mga pasahero’t labis na nagtataka kung bakit siya umiiyak. Agad na nakipagpalit ng upuan ang kaniyang kaibigan sa katabi niya upang pakalmahin siya. “Panaginip lang ‘yon, tahan na,” ‘ika nito sa kaniya.

Nang mahimasmasan, agad niyang ikinuwento sa kaibigan ang napaginipan. “Pakiramdam ko gusto na ako magbago ng Panginoon,” buntong hininga niya, napangiti naman ang kaniyang kaibigan dahil dito. Nang bababa na sila, katulad ng dati, hindi kaagad naihinto ng drayber ang jeep, todo hingi ito ng pasensya sa kanila, halos isang kanto na rin kasi ang nalagpasan nila. Ngunit imbes na magalit, ngumiti lang ang dalaga at sinabing, “Ayos lang po, manong! Mag-ingat po kayo!” at doon na nagsimulang magbago ang dalaga.

Ang dating walang pasensyang dalaga, ngayo’y nagbago na. Kung dati’y dalawa lamang silang magkasama parati sa trabaho, ngayon ay dumami na sila. Palagi na ring nakangiti ang dalaga at handang maghintay gaano man katagal. Lagi niyang sinasabi, “Mas mabuti nang maghintay kaysa magmadali’t sa impyerno ang bagsak.”

Madalas kapag nakasanayan na nating magpasensya sa lahat ng bagay, nakakasanayan rin nating maging mabuting tao. Subukan mo, tunay na saya mula sa puso ang mararamdaman mo.

Advertisement